TUWING sasakay ako ng jeep ay may napapansin
ako—halos lahat nang kapasahero ko ay may nakasaksak na earphone sa kanilang
tainga. Either nakikipag-usap sa kanilang cellphone o nakikinig ng music.
Okey lang naman ito. Sa tindi ng trapik, mas
mainam mag-sound tripping kaysa mainip at uminit ang ulo sa usad pagong na
biyahe.
Pero hindi lang sa mga sasakyan laging
nakasaksak sa tainga ng ating mga kababayan ang kanilang earphone. Kahit sa
kanilang opisina o workplace ay nagiging habit na rin nila ito. May nabasa
akong balita na sa isang opisina ay ipinagbawal ang pakikinig sa music gamit
ang earphone sa oras ng trabaho—lalo pa’t hindi naman daw sila call center.
Kahit ang mga kababayan nating naghahalungkat
ng basura ay cool na cool sa pagsa-sound tripping habang nangangalakal.
Kaya masasabi natin na sa pamamagitan ng
earphone, talagang pantay-pantay ang mga Pinoy. Salamat din sa mga murang MP3
mula sa China, can afford na tayong magkaroon ng gadget na ito milyunaryo man tayo
o tambay.
Pero mainam ba itong laging nakasaksak sa
tainga ang earphone? Sa mga medical news na nababasa ko ay dapat daw ay mahina
lang ang volume. Kailangan din naman na pagpahingahin ang tainga. Hangga’t
maaari, after 30 minutes ay alisin muna.
Ang problema rito ay pag nasanay na laging
nakapasak sa tainga ang earphone na para bang bahagi na ito ng ating katawan.
Kagaya ng isang aplikante na nag-apply noon sa akin bilang layout artist. Nang
tawagin siya ng HR para makausap ko na, nang lumapit sa akin ay nakapasak sa
tainga ang earphone. Medyo napikon ako dahil parang walang modo dahil alam
naman niyang iinterbyuhin siya, hindi muna inalis.
Ang nakakabuwisit pa, tuwing magtatanong ako
ay aalisin niya sa isang tainga ang earphone. Pag sasagot, ibabalik uli.
Hindi ko na tinapos ang interview at sinabi
ko sa kanyang lubus-lubusin na muna ang pakikinig ng music bago maghanap ng
trabaho. Ang kumag naman, parang hindi apektado at basta na lang umalis sa
harap ko.
Isang pagkakataon naman na sakay muli ako ng
jeep. May dalagang nakaupo sa harapan, nasa likuran ako ng drayber. Tanung nang
tanong ang drayber kung saan bababa ang babae para masuklian niya, hindi
sumasagot dahil hindi yata naririnig. Nang hindi na nagsasalita ang drayber
saka tinanggal ang earphone at nagtanong, “Ano ‘yun, manong?” Natawa na lang
ang drayber.
Hindi roon natapos ang kuwento. Pagsapit sa
isang kanto ay bumaba ang babae. Sinundan namin siya ng tingin dahil nagkomento
ang drayber ng: “Ayaw muna kasing alisin ‘yung nakasalpak sa tainga.” Pagkasabi
niya noon ay nakarinig kami ng malakas na lagabog, sigawan ng mga tao at
langitngit ng preno.
Nasagasaan pala ang babae! Bigla raw tumawid
kahit go na. Nakita na lang naming pinagkakaguluhan siya at isinasandal sa may
bangketa.
Napaantanda tuloy ang drayber. “Diyos ko,
‘yung pasahero ko! Kanina pa kasi parang wala sa sarili dahil doon sa
pinakikinggan niya!”
At ilan lamang ito sa hindi mabilang na
anekdotang may kaugnayan sa paggamit ng earphone.
Mahilig din ako sa music, at may koleksyon
ako ng MP3 players, earphones at headphones. Pero hindi ako nakikinig kung
hindi rin lang break time o kapag nasa bahay ako at walang ginagawa.
Ang mga ganitong gadget ay for entertainment
purposes. Ibig sabihin, gamitin mo kapag nagre-relax ka, nakahiga sa bahay o
nasa isang lugar na ikaw lang. Puwede rin sa mahahabang biyahe. Pero ang
magsalpak ka ng earphone sa tainga kapag may kausap ka ay kabastusan. Panganib
naman kung naglalakad ka sa mga lugar na maraming nagdaraang sasakyan. Puwedeng
paborito mong kanta ang kasalukuyang nagpe-play, pero unahin mo ang iyong
kaligtasan.
Uulitin ko, cool ang makinig ng music o
anupaman gamit ang earphone, pero ilalagay natin sa lugar lalo pa’t tayong mga
Pinoy ay mahilig umabuso sa maraming bagay.
No comments:
Post a Comment