Tuesday, February 11, 2014

premonisyon

MAY premonisyon o pangitain nga ba ang komedyanteng si Arvin “Tado” Jimenez bago ito pumanaw?
Isang araw bago maganap ang aksidente ay nag-post sa kanyang Instagram account si Tado ng larawan niya na may caption na: "North o South.... cemetery".
Mayroon din siyang librong “TADO JIMENEZ (All About Myself, Not Yours). Sa cover ay nakalagay ang “1974 to ?”
Ang mga ito nga ba ay pagpapahiwatig na nararamdaman niya ang nalalapit niyang wakas?
Tayong mga Pilipino ay mahihilig sa mga ganitong pag-aanalisa kapag ang isang tao ay namatay na. Inaalam natin ang kanyang huling mga aktibidad at mula roon ay iniuugnay natin kung nagkaroon ba siya ng premonisyon o hindi. Sa madalas na sitwasyon, sinasabing nagkaroon nga.
Noong medyo bata-bata pa ako nagkaroon ako ng interes sa mga bagay na may kinalaman sa pagtuklas ng psychic powers ng isang tao dahil na rin sa isang magazine na hinawakan ko na ganito ang tema. Napag-alaman ko sa mga nakikila kong professional psychics na lahat tayo ay may third eye, iba-iba nga lang ang level. May sobrang taas, may iba naman na minsan lang kung sumulpot. Dito na pumapasok ang premonisyon. Ang minsang sulpot na iyon ng angking psychic power ay kadalasan umanong nararamdaman ng isang taong malapit nang mamaalam sa mundo, at sa tuwina ay may kinalaman iyon sa nalalapit niyang wakas.
Kung mga psychic ang tatanungin, ang mga huling aktibidad ni Tado ay positibo na nagkaroon siya ng premonition. At nakadaragdag iyon ng lungkot sa atin na mga tagahanga niya dahil ngayon lang natin nalaman ang kahulugan ng kanyang mensahe.
Isang dati kong kasamahan sa isang publication ang may kahindik-hindik ding karanasan ukol sa permonisyon. Dekada 70 raw noon at medyo maluwag pa sa EDSA. Summer vacation at kaga-graduate lang nila ng high school kaya silang mga dating magkaklase ay panay ang lakwatsa.
Isang classmate nila na big time ang mga magulang ang nakatanggap ng big time rin na graduation gift sa mga ito—isang owner jeepney. Marunong nang magmaneho ang kanyang kaklaseng ito kaya nang i-test drive ang owner jeepney ay siksikan silang buong tropa at binagtas ang EDSA. Sigawan daw sila nang sigawan sa saya at ang tataas ng energy level. Maya-maya ay napadaan sila tapat ng isang punerarya na may naka-display na mga ataul. Bahagya raw nitong inihinto ang owner at minasdan ang mga kabaong.
Nagsalita raw ang kanyang kaklase ng: “Pag ako ang natodas gusto ko ay ‘yung kulay blue!”
Tawanan daw silang lahat, at muli na nitong pinaharurot ang sasakyan.
Palibahasa’y mga kabataan at maluwag ang daan kaya ang tulin ng kanilang takbo. Hanggang maya-maya ay nagdeklara ito ng: “Walang preno! Walang preno!”
Ang sigawan nila ng kasayahan ay napalitan ng panic. Hanggang sa tumbukin nila ang isang poste ng kuryente. Ang huli raw niyang namalayan ay umikot ang owner jeepney bago nagdilim ang lahat sa kanya.
Sa ospital na siya nagkamalay pati ang iba niyang mga kaklase. Ang masaklap, patay ang nagmamaneho.
Habang nakikipag-usap sila sa mga magulang nito ay nabanggit nila ang sinambit nito nang mapatapat sila sa punerarya. Sabi tuloy ng mga kamag-anak nito ay nagkaroon ng premonisyon ang kanilang kaklase. At bilang pagtupad na rin sa nasambit nito, kulay blue nga ang kinuhang ataul ng mga magulang para rito.
Nagkataon nga lang ba ang pangyayaring ito gaya ng kay Tado o sa iba pa nating kakilala na sa ating palagay ay nagkaroon ng premonisyon bago ang kanilang kamatayan?
O mga halimbawa lang ito ng pamosong kasabihang: “Be careful with what you wish for’?


1 comment:

Dino said...

Knilabutan naman ako sawento mo sir tungkol sa mga kabataan na yun. interesting para sa akin ang usapin ng third eye at ako man ay may mga personal na kwento din na may kaugnayan sa 3rd eye pero yoko ientertain ang premonition hehehe....wag muna.although alam naman nating lahat ang destination natin.

Tingin ko malaking bagay ding pag aralan ang psychology...mas lalakas ang awareness mo sa paligid at sa mga nakakasalamuha mo...at connected sya sa usaping 3rd eye....di ko alam kung tama ako hehehe. pakiramdam ko lang hehehe

Good morning sir. Di ko alam kung ano sa mga blogs mo ang una kong ikocomment hehehe...