Thursday, February 6, 2014

short course



NAGKITA kami kamakailan ng aking kumpare na si Meyo De Jesus. Dati ko siyang kasamahan sa Atlas Publishing, Inc. Nagsimula siya sa kumpanya bilang coloring artist—na ang gamit pa ay krayola. Kinukulayan niya ang illustration ng mga dibuhista at iyon naman ang ginagawang color guide ng mga nasa stripping department bago i-print ang komiks.
Early ‘90s pa iyon. Sadyang mahilig sa art si Meyo kaya nang mauso ang mga computer programs na may kinalaman sa art partikular sa magazine layout ay nag-enrol siya. Isa siya sa mga unang natuto ng Photoshop sa Pilipinas.
Gaya ko ay hindi na rin nakatapos ng college si Meyo dahil early 20s pa lang siya ay magkasabay halos namayapa ang kanyang parents. Siya na rin ang tumayong magulang ng mga kapatid dahil siya ang panganay.
Nang mabenta ang Atlas sa National Bookstore noong 1996 ay nagpatuloy sa pagkuha ng short courses sa computer layout si Meyo. Naging interesado na rin siya sa web design kaya kung saan-saang company na siya napapapunta. Iyon na rin ang naging tiket niya para makapagtrabaho sa isang kumpanya sa Saudi Arabia bilang art director.
Nang magbalik siya sa Pilipinas ay nag-local employment siyang muli at hindi na nag-abroad. Sabi niya, sa uri ng trabaho niya bilang web designer ay halos kinikita na rin niya ang suweldo sa abroad dito sa atin. Isa pa ay gusto niyang masubaybayan ang paglaki ng kanyang dalawang anak.
Bukod sa pagiging magazine layout artist at web designer ay hindi niya kinakalimutan ang traditional art. Madalas siyang sumali sa mga painting exhibit sa Metro Manila ng mga art enthusiast. Nagnenegosyo rin siya ng T-shirt and merchandise printing.
Nang magkakuwentuhan kami ay nabanggit ko sa kanya na ang anak ko na inaanak niya ay nag-enrol pa sa isang art school, at nag-complain ako na medyo lihis naman sa career path bukod pa sa sobrang mahal ng tuition fee.  Sabi niya agad sa akin ay maganda talaga ang may skills sa computer arts dahil ito ang in ngayon.
Nag-flashback pa nga siya sa mga unang short course na kinuha niya na bukod aniya sa sobrang mahal, hindi mo pa mase-save ang iyong output dahil noon ay limitado lang sa mga training schools ang software, hindi gaya ngayon na maraming fake, at kayang dayain ng mga mga IT experts ang license key. Kaya raw noong una, basta may certificate ka ay sigurado ang employment dahil kulang na kulang pa sa mahuhusay na graphic artists. Hindi gaya ngayon na dahil naglipana ang mga fake at downloadable software, maraming puwedeng magpraktis kahit sa bahay lang. Pero mahalaga aniya ang certificate lalo na kung reputable ang training school na pinanggalingan.
Kahit nga raw ngayon, may plano pa uli siyang kumuha ng short course. Ano naman ‘kako ang papasukan niya?
Nabanggit niya na ang in ngayon ay ang software development at games lalo na kung para sa tablet. Kung makatsamba raw ng mga programs na agad kakagatin ng tablet market, perang maliwanag.
Dahil sa sinabi niya ay medyo naka-move on na ako sa may kamahalan na ibinayad ko para sa training ng aking anak. I just hope na sana ay mapakinabangan ng anak ko ang pinag-aaralan niya ngayon na sabi naman niya ay nae-enjoy niya, at knowledgeable naman ang mga instructors.
Well, kung may mga kababayan tayo na problema ang pagkuha ng four-year course dahil matagal at mahal ang tuition, puwedeng subukan ang mga short courses lalo na pag tungkol sa information technology. Medyo mahal pero maikli lang ang duration ng training, at bukod dito ay talagang laging may naghihintay na trabaho—gaya ni Meyo na hindi nababakante at laging in demand.