Thursday, February 6, 2014

propesyong nalaos



MARAMI ang nagsasabing bilang na ang araw ng publishing industry dahil sa paglaganap ng web publishing. Partly true, kaya naman ang mga nasa likod ng ganitong industry ay lagi pa ring isinusulong na dapat na ang mga tao ay maging mahilig pa rin sa pagbabasa. Umiisip din sila ng mga bagong konsepto para maging obsessive, compulsive read ang kanilang mga produkto. Of late, ang mga libro nina Bob Ong, Ramon Bautista at mga translators sa Precious Pages ang mabenta—plus ang mga aklat ng mga DJs sa radyo na tumatawid ang jokes sa print medium.
Somehow, they keep the local publishing industry afloat. Isama na natin ang mga tabloid na paborito pa ring basahin ng mga Pinoy na malilibog, nangangarera, tumataya sa lotto at nagsasagot ng krosword at Suduko.
Unlike sa US, sa ngayon ay wala pang local broadsheet na nagsara na kahit may online edition sila.
Dalawa naman sa napansin kong namatay nang propesyon ang sign painting at photography.
Wala na halos nagpapagawa ng sign board at streamers ngayon na hand painted. Kasalanan ito ng mga makina na gumagawa ng tarpaulin. ‘Yung isang puwesto na nakikita ko malapit sa SM Manila ay wala na ngayon, samantalang dati ay umaabot hanggang kalsada ang pinipintahan nilang tanggap na trabaho.
Kasama na rin sa nawala ang mga gumagawa ng poster sa pelikula. Hanggang noong late 90s ay marami pang makikitang movie poster na hand painted sa may Cubao area. Nakakatawa nga na dahil kahit hindi kamukha ng artista, okey lang. Makikilala mo lang na si Fernando Poe, Jr. halimbawa ‘yung nasa drawing dahil mahaba ang patilya.
Again, napalitan na iyon ng tarpaulin.
Isa namang kaibigan kong dating photographer ang ngayon ay nagtatraysikel na lang. Pumupuwesto siya noon sa Manila Zoo at nagsu-shoot ng mga pamilyang namamasyal para may souvenir ang kanilang bonding. Sa pagdagsa aniya ng digital camera, wala nang nagpapa-shoot sa kanya dahil ultimong cellphone ay nagagamit sa pag-capture ng precious moments. Ibinenta niya ang kanyang high-end camera at ibinili ng segunda manong traysikel. Sabi niya sa akin: “Mainam na ito dahil pagdating ng hapon ay may kaunting kita. Kung nagsu-shoot pa rin ako at walang kita pag-uwi ng bahay, baka ipukpok pa sa akin ni Kumander ang camera ko.”
Kalimitan naman sa mga kakilala kong photographer ngayon ay mga hobbyist na lang, o kaya ay sumasali sa mga contest pag may patimpalak at baka sakaling makakuha ng gantimpala. Well, may mga nakakaraket pa naman pag may binyagan o birthday at gusto ng mga parents ng celebrator at professional ang mga shot. Kapag may pre-nuptial, pero kung minsan ay nakokopo lang ito ng talagang mahuhusay na maniniyut na may studio at may contact sa mga wedding planner.
Kahit ang mga photographer na nasa showbiz ay nahihirapan na ring makakuha ng assignments dahil ang mga writer na usually ay may Smartphone ay kinukunan na ang artista habang ini-interview para mabilis nilang mai-upload sa Facebook o sa kanilang website ang panayam with matching photo.
Isa rin sa malaking napinsala ng digital age ang mga nagtatrabaho sa movie production. Matagal nang nagsara ang Magnatech sa may Quezon City na paboritong tambayan noon ng mga taga-komiks na nangangarap mapasok ang pelikula. Wala na kasing ginugupit na film, at ang movie editing ay puwede nang gawin gamit ang isang cutting-edge na iMac.
Sa kasalukuyan, sa napipintong panibagong ticketing system sa LRT at MRT ay baka mawala na ang mga cashier na kinukunan natin ng tiket pag sumasakay tayo dahil magkakaroon na ng machine na puwedeng mag-dispense ng tiket na magpapabilis umano sa sistema para maiwasan ang mahabang pila. Nakapila ang mga cashier na ito ngayon sa unemployment status sa malapit na hinaharap.
Sa harap ng ganitong mga kaganapan, marahil ay dapat mag-isip ang mga kabataan ngayon ng career na hindi puwedeng mapalitan ng computer balang araw ang kanilang skill para hindi malaos agad ang kanilang career.
On my part, nasa pagiging guro ang direksyon na gusto kong tahakin—at baka ngayong taon ay back to school na ako para finally ay maka-receive ng college diploma.

No comments: