Monday, November 3, 2008

saklay at gitara

Photobucket

JAZZ ang nickname niya. I’m not sure kung Jacinto ang tunay niyang pangalan. Ilang araw ko na ring iniisip ang family name niya pero di ko ma-recall. Year 2004 pa kami huling nagkita, and I miss the guy.
Nakasama ko si Jazz sa isang publication sa may E. Rodriguez Avenue, Quezon City. Natatandaan pa siguro siya ng mga nobelistang nag-contribute doon.
Ipinanganak si Jazz na may depekto—hunchback, may polio. Baka mga 4 feet lang ang height. Nakasaklay. Sayang nga dahil guwapo—tsinito, matangos ang ilong, medyo kulot, moreno.
Pinsan siya ng may-ari ng publishing kaya no choice ako nang sabihin na magtatrabaho si Jazz doon bilang layout artist. Usually pag nag-uumpisa ako ng publishing, gusto ko ay ako ang kukuha ng mga tao, but since may puso rin naman ako sa mga person with disability (PWD) okey na rin. Tinesting ko siya at marunong naman, though kailangang alalayan. Nang makakuha ako ng talagang artist, si Jazz ang naging typesetter.
Dahil siguro sa kanyang kalagayan ay medyo aloof si Jazz. Lagi lang sa kanyang cubicle kahit walang ginagawa. Hindi nakikihalubilo sa ibang staff na kinuha ko (mga galing Kislap na ang libangan ay pag-usapan ang kanilang dating amo na si “Misis” kung kanilang tawagin). Mahilig siya sa music at mahusay kumanta’t maggitara. Isa siya sa mga nakita kong gifted pagdating sa music.
Pero dahil nga naman ang designation niya ay artist, may isang insidente na ipinilit niya na ang size ng cover ay ang ginawa niya. May actual size dummy ako na ginawa na hindi kasukat ng layout niya, pero sabi niya ay siya ang tama. Ganoon daw kasi silang maggawa ng sukat sa isa pang publishing na pag-aari rin ng pinsan niya. OK, ang pinagtatalunan namin ay ang “bleed”… at dahil sabi niya ay ang sistema na ginagamit nila ang dapat masunod, pumayag ako at ipinadala na sa colorsep ang materials.
Pagbalik, mali nga ang sukat. At kailangang magpa-colorsep uli. Natahimik si Jazz dahil sabi ng pinsan niya, paano ngayon ‘yan… ang mahal ng pa-colorsep. Pagkaraan ng ilang minuto, sinabi kong bawasin na lang sa suweldo ko ang magagastos.
Kinabukasan ay malungkot siya. Bandang alas tres ay lumapit siya sa akin at nag-sorry. Sabi ko okey lang. Babayaran daw niya ako dahil siya naman ang nagkamali. Sabi ko huwag na, sa susunod na lang at tumawa ako at sinabi kong kalimutan na lang iyon. Ganoon talaga; shit happens sabi nga ni Forrest Gump.
Mula noon ay medyo naging loose na si Jazz at madalas nang tumabi sa puwesto ko. Nagtataka raw siya na hindi ako gaya ng ibang editor na laging mainit ang ulo. Sabi ko naman, hindi dapat umiinit ang ulo sa trabaho.
Pagkakatapos ng lunchtime ay nagda-jamming kaming dalawa. Siya ang tumutugtog at ako ang kumakanta—nonstop—ng halu-halong musika—from “Matud Nila” hanggang sa “How Can You Mend a Broken Heart” at ang usung-uso noon na “S2pid Luv.” Tuwang-tuwa siya dahil may sayad din daw pala ako.
At dahil trip na trip niyang gumamit ng electric guitar at meron ako sa bahay, pag weekend ay nagpupunta siya at tumutugtog. Hindi na nga lang ako kumakanta dahil baka hindi na ako irespeto ng mga kapitbahay namin pag narinig kung paano ako bumirit.
Sa opisina ay nakagawian ko naman na gamitin ang saklay niya na tinawag kong AK-47. Sabi sa akin ng pinsan niya, buti raw at pumapayag si Jazz na paglaruan ko iyon. Sa isa raw niyang publishing na pinanggalingan ni Jazz, nagagalit ito kapag pinakikialaman ang mga saklay. Kahit hipuin lang, hindi puwede. Naisip ko, siguro ganoon lang niya ako nirespeto kaya ang isang bagay na sagrado sa kanya ay okey lang na paglaruan ko.
After a year ay lumipat sa Bulakan ang publishing at hindi na ako sumama. Madalas pa rin si Jazz sa bahay namin. Kung minsan ay isinasama ko siya pag may pinupuntahan ako. Minsang ginabi kami ay sa bahay siya natulog, okey na raw siya sa sofa. Hindi ako mapakali kung okey nga ba siya kasi parang ang hirap ng puwesto niya dahil sa kanyang likod. Kinabukasan, nang nag-aalmusal na kami ay painosente kong naitanong kung paano siya natulog, (pagpwesto ang ibig kong sabihin). Tumawa lang siya sabay sabing, “Nakapikit, bosing!”
Sinamahan ko rin siya sa ilang audition sa mga banda na naghahanap ng lead guitarist. Hindi siya nakuha, and the reason was obvious. Isang manager ng banda ang nagsabi sa akin na sayang nga raw dahil sobrang husay—mala-Mike Villegas ng Rizal Underground.
Nang mapapasok ako sa Manila Times at pagkatapos ay sa The Buzz ay hindi na halos kami nagkita ni Jazz. Nadukot pa ang cellphone ko na may number niya. Hindi ko alam kung nasa Bulacan pa siya o umuwi na ng Mindanao.
Naalala ko siya nang nilinis ko noong isang araw ang electric guitar at amplifier na napatambak na rin dahil walang gumagamit. Hindi ako mahusay tumugtog. Si Jazz pa lang ang gumamit ng gitara ko na tama ang tono at masarap pakinggan sa tenga.
Jazz, just in case na mabasa mo ito, get in touch. Jamming uli tayo!

9 comments:

Randy P. Valiente said...

'mga galing Kislap na ang libangan ay pag-usapan ang kanilang dating amo na si “Misis” kung kanilang tawagin'

parang sina ruby yata ito a hahaha. galit pa rin kay 'misis'.

kc cordero said...

randy,
sapul, hehe!

Ron Mendoza said...

KC,

Nakikita ko nga si Jazz (ngayon ko lang nalaman 'yong pangalan niya) noong nagpupunta ako sa office mo dati sa may E. Rod, hindi nga lang kami nagkakausap gaano.

I hope he's doing good right now.

kc cordero said...

yo, ron...
kailan tayo inom nina arman at jeff? :)

Anonymous said...

si ruby?
love ko yon
dati.
hehe. :)

kc cordero said...

rommel,
got your number. ops, may nakaraan pala kayo ni ruby, ha? mabait na bata 'yon. kilala rin n'yo siguro si cecille.

Randy P. Valiente said...

hehehe, yan ang mga inaaswang namin sa kislap noon hahaha...bago kami inaswang ni 'misis' :D

Anonymous said...

Kuya KC,

Puwede kami anytime kung inuman. Hehe! Sama ka sa "tambayan" namin nina Ron, malamang Saturday kung sakali. :)

Jeff Ong

Omeng said...

Pwede ba ako sumama sa toma?
Medyo 10 taon na yata ako di inaamats
Salamat sa pagpost mo sa akin at sa amin ser! Iba ka talaga hehehe




Anak ng Tupang Itim