Monday, January 26, 2009

sabungeros went ga-ga over my mini-skirt article

OKEY lang sa akin kahit may ibang tao na gumagamit ng aking mga creations sa kahit anong porma. Let's say na mabait ako sa aspetong ito. Kung minsan nakakatawa rin kung sinu-sino ang nagkakainteres sa mga bagay na binibigyan ko ng pansin.
Isang pinsan ko ang nag-email sa akin na may nabasa siyang message board ng mga sabungero na ginamit ang isa kong article. I think lumabas ito sa Kabayan o sa Metro News noong nasa Manila Times pa ako five years ako. The sabungero did the right thing; inilagay niya ang byline ko.
Just search for 'Kuwentong Miniskirt' at makikita n'yo ang link.

Thursday, January 22, 2009

higanti comics must back with a vengeance

Photobucket

DALAWANG magkasunod na Komikon (2007 and 2008) na nakatabi ko sa puwesto si Jonathan Salazar ng Subway Productions, ang publisher ng Higanti. Napakabait ni Jonathan; last year ay nagbigay pa siya ng space sa akin sa table niya. Bumili siya sa akin ng Filipino Independent Komiks, at binili ko naman ang Higanti.

Ang Higanti ay kuwento tungkol kay Noel. Masaya silang nagsasama ni Ana nang sa kasamaang palad ay may pumaslang sa babae. After a few years, nag-resurface si Noel bilang si Timalos na espiritu ng paghihiganti, tagapagtanggol ng mga naaapi at tagapuksa ng kasamaan.

Ang script ay sinulat ni Jonathan; ang artworks/plot ay kay Ryan Francisco.

Batay sa obserbasyon ko, may mga kasunod pang issue ang Higanti. Marami pang dapat matuklasan ang readers kay Timalos. Ang 12 pahinang unang isyu ay parang preview pa lang at pagpapakilala sa kanyang karakter.

Nagtataka ako kung bakit hindi ‘Timalos’ ang ginamit na title ng team. Wala akong idea kung saang dialect o lengguwahe galing ang Timalos pero masyado itong catchy. Sa panahong ito na naghahanap tayo ng unique na Pinoy superhero, no pun intended, but Timalos is fit to a T.

Kung titingnan n’yo ang cover sa itaas, kung naging Timalos ang title, (at masasabi namang defined ang main character), mas may hatak lalo na kung may mabangis na tagline. Sa Higanti, hindi pa man ay may idea na ang readers kung tungkol saan ang plot ng story.

Na-browse ko ang blog ng Subway Productions at nakita ko ang sipag nilang gumawa ng komiks. Malaking challenge para sa kanila ang maipagpatuloy ang pakikipagsapalaran ni Timalos. As an ordinary reader, gusto kong makilala nang lubusan ang karakter na ito na may malaking potensyal na makilala sa ating new comics industry.

I hope Jonathan Salazar and Ryan Francisco will be up for the challenge and will be back with book two of Higanti with a vengeance.

Monday, January 19, 2009

the dawning of twilight comics

Photobucket

ANG isa pang komiks na umagaw ng aking atensyon noong nakaraang Komikon 2008 ay ang ‘Twilight The Fairy Princess.’ Napakaganda ng quality ng nasabing 50-page comics, full colors, coated stock at may cover price na P100. Production-wise, maraming pinataob ang Twilight.

Bago sa aking pandinig ang Twilight’s Publishing House na naglimbag ng nasabing komiks. Maging ang mga publishers na sina Gener Tiong Ortega at Charito Arediano Ortega ay hindi ko rin kilala. Pero ang mga bumuo ng komiks ay pawang big time; Lan Medina na alam nating isang Eisner awardee na siyang nag-pencil and inks ng story, ang talented artist at paborito kong si Rommel Fabian na siyang nag-layout, letterings and colors, at ang sumulat ng script na si Beth Rivera na dating editor sa GASI. Ang original story at characters creation ayon sa unang pahina ng komiks ay ang mismong mga publishers.

Nanghinayang ako sa Twilight na hindi nabigyan ng sapat na promotion sa mga blogs bago ang Komikon. In fact, nagulat na lang ako nang makitang isa ito sa participants. Sa Deviantart lang ni Rommel ko ito nakita after na ng event. Posibleng hindi ito napaghandaan ng budget ng mga comics junkies na nag-attend ng Komikon na may kanya-kanya ng listahan ng titles na bibilhin. Maging ang masipag na si Azrael Coladilla ay walang nabanggit sa kanyang multi-blogs about Twilight. Imagine kung gaano kalaking publicity ang nagawa rito ng blogsphere.

Pinasadahan ko ng basa ang Twilight, at palibhasa’y ayokong maging kritiko, nagtanung-tanong ako sa ilang kakilala kung ano ang kanilang opinion about the comics kasi nga’y hanga ako sa kalidad. Si Ron Mendoza, isa ring blogger, ay nagsabing okey naman daw pero mukhang pambata talaga. Sabagay, just merely looking at the comics, alam mo na ang target market nito.

Mayroon lang akong ilang obserbasyon:

Sa loob ay may ilang Neopets characters at bagaman at halos sa isang frame lang nakita, puwedeng magkaroon ng copyright issues.

Hindi ko rin ma-reconcile na nang ipanganak ang main character na si Twilight, binuhat siya ng amang hari. Habang naglalakad at nag-iisip ang kamahalan ng ipangangalan sa prinsesa, nakita ng hari ang pagputok ng ginintuang sikat ng bukang-liwayway. Right there and then, napabulalas ang kamahalan ng: “Twilight! Ito ang magiging pangalan ng mahal na prinsesita!” (Ref: page 5)

I don’t know if the creators and the writer are aware of this pero para sa akin ay isang malaking blunder ito. Puwedeng mauwi ito sa debate at ipaglaban ng creators at writers kung anumang pilosopiya mayroon sa pagbibigay sa batang isinilang habang sumisikat ang araw ng pangalang Twilight, pero para sa ordinaryong reader na gaya ko, ang tanging pagbabatayan ko ay ang partikular na page. Wala rin namang paliwanag na sa geography ng kuwento (sa kaharian ng Fairyland) ay magkabaligtad ang dusk and dawn.

At ang pinakamalaking challenge para sa komiks na ito ay ang maka-survive na hindi iisipin ng readers na sumasakay lang sa popularidad ng Hollywood movie of the same title. Baka rin isipin ng mga fans ng Twilight the movie na ito ang comics version ng film, at pag nakitang hindi pala ay hindi rin bilhin.

Anyway, ang sa akin lang naman ay mga obserbasyon. You cannot put a good comics down. With Lan Medina as its artist, Twilight Comics can never go wrong.

At binabati ko rin ang buong team for coming up with a quality comics, lalo na ang mga publishers nito—na I am sure ay malaki ang pagmamahal sa medium.

Suportahan natin ang ‘Twilight The Fairy Princess’ gaya nang pagsuporta natin sa iba pang indie comics.

the buzz magasin february 2009 issue

OUT this month. A love-filled issue of The Buzz Magasin!

Photobucket

Thursday, January 15, 2009

callwork comics a stroke of genius

Photobucket

UNA akong nagkaroon ng awareness sa “Callwork Comics” na likha ni Hazel Manzano-Chua nang mag-attend ako sa nakalipas na Komikon noong November 2008 sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Habang patungo ako sa venue at sakay ng dyip ay naririnig ko ang ilang estudyanteng kasakay ko na isa sa priority nilang bilhin na komiks ang Callwork. Tungkol daw ito sa buhay ng mga taong nagtatrabaho sa mga callcenters.

Doon pa lang ay naisip kong stroke of genius ang ideyang ito ng creator ng nasabing komiks. Sa panahong ito na mahirap umagaw ng market para sa likhang magasin or comics, may captured audience na agad ang Callwork. Pinakasikat na trabaho ngayon ang pagiging callcenter agent. Kahit maliit na porsyento lang nito ang bumili ng nasabing komiks ay sigurado na ang return of investment para sa creator. At kung maganda talaga ang komiks at kumalat ang tungkol dito sa sirkulo ng mga callcenter agents, dito ngayon papatak ang sinasabing niche market, na bago pa man nalikha ang produkto ay nariyan na. Bukod pa rito ang mga mahihilig sa humor, comics junkies and impulsive book buyers.

Sa blog ng creator na si Hazel—na tinawag din niyang Callwork—sinabi niyang ang kanyang komiks ay, “a comic strip that pays tribute to all Business Process Outsourcing workforce here in the Philippines.” Una itong lumabas sa Manila Bulletin bilang comics strip. Incidentally, dalawa sa mga kaibigan ko ay may strips din sa nasabing diyaryo; sina Philip Cruz at Bladimer Usi.

Ayon pa kay Hazel, ang mga kuwentong inilalabas niya sa Callwork ay mga tunay na pangyayari at nilalagyan lang niya ng putahe ng humor. At aware siya sa mga callcenter humor dahil nasa ganitong linya rin ang kanyang propesyon.

Maging ako ay aksidenteng nakakasalamuha ng mga taga-callcenter at para sa akin sila ay mga interesting characters. Nakakasabay ko sila sa elevator, maging sa comfort room. Masasaya at maiingay—at nagkukuwentuhan gamit ang kanilang natutunang American twang. Most of the time, ang kanilang topic ay ang kanilang malaking suweldo, nakaaway na customer o kaya’y ang masungit nilang amo, gayundin ang kinaiinisang officemate. Topic din nila lagi kung saan masarap gumimik pagkatapos ng trabaho. Karamihan sa kanila ay laging naka-jacket at nakasalamin. Sa hugos ng mga tao sa loob man ng building, mall o kalye, hindi mahirap maka-spot ng isang callcenter agent.

Saludo ako kay Hazel for coming up with such a great comics. Sa mundo ng komiks na dominado ng mga kalalakihan, masarap makitang may isang rosas sa gitna ng mga tinik. Ito rin ang pagkakataon na makakita tayo ng artworks ng isang babae, maging ang kanyang sense of humor. Iba kasi ang sensibilidad ng babae pagdating sa arts, humor and storytelling. Malaking advantage ito para sa kanya.

And I think the Callwork Comics is doing great in the market. Couple of weeks ago ay nasa National Bookstore Glorietta ako at naghanap ng kopya nito. Iisa na lang ang nakita ko, hindi ko pa nabili dahil may nagbabasa at tawa nang tawa. Kung pagbabatayan ko ang kaanyuan ng nagbabasa na mukhang tatapusin ang buong komiks, isa siyang taga-callcenter. Sana naman ay binili niya ang komiks ni Hazel since malaki naman ang suweldo niya.

Kung pagbabatayan ko ang mga senaryong ito, ang konklusyon ko sa sa Callwork Comics ay komiks na may quality, enjoyable, funny, witty and relevant.

Thank you, Hazel, for your work of genius—a truly compelling read.

Wednesday, January 14, 2009

yoyo update

Photobucket

MARAMI akong natatanggap na e-mail at text messages tungkol sa nakaraan kong blog entry na 'yoyo, mga hinog na papaya at isang kuwento'. Obviously ay mayroon silang naramdaman, or naka-relate, about my sad experience sa laruan na di ko na-enjoy. Pagpapatunay lang ito na minsan sa aking pagiging bata ay may mga naging frustration tayo na hindi natin makalimutan. Salamat sa inyong lahat.
Isa sa na-inspired ay ang aking kaibigan at katambal ko sa Filipino Independent Komiks # 1 na si Novo Malgapo. He was so inspired at kahit sobrang busy ay nakapag-sketch pa ng isang napaka-touching na eksena related to the story. Thanks, Novo!

Friday, January 9, 2009

yoyo, mga hinog na papaya at isang kuwento

Photobucket

HINDI ko makalimutan ang karanasan kong ito. Nasa elementary pa lang ako nang ito’y mangyari. Hindi ko na lang sasabihin kung nasa anong grade ako noon para hindi makilala ng mga kakilala ko na makakabasa nito kung sino ang tutukuyin ko sa kuwentong ito.

Mahilig ako sa yoyo noong bata pa ako. Sabagay, sino ba ang hindi? Ito ang magandang libangan noong panahon na wala pang mga high tech na gadgets. Nakaka-high mag-yoyo kapag mahusay mag-trick. Paborito ko noon ang walking the dog.

Nanghihiram lang ako sa mga kalaro ko noon. Pero siyempre, hindi lasap sa kalooban ang paglalaro kung hindi mo sarili ang laruan. Hindi naman ako makabili dahil kinse sentimos ang isang yoyo, at noon ay prutas o kaya’y tinapay ang binabaon ko sa pagpasok, hindi pera, kaya hindi ako makaipon ng pambili. Bihira akong mabigyan ng Inay ng baon dahil na rin sa hirap ng buhay. Alam kong kapus na kapos kami noon, kaya ang “luho” na gaya ng yoyo para sa akin ay hanggang pangarap na lang.

Minsan ay naglakas ako ng loob na magsabi sa Inay na bigyan naman ako ng pambili ng yoyo. Siguro’y naaawa rin siya sa akin kapag nakikitang nanonood ako sa mga kalaro, o kapag nanghihiram ako sa iba. Sabi niya sa akin, “Hayaan mo, kapag nakapagbenta ako ng mga papaya ay bibigyan kita ng pambili.”

May mga tanim kaming papaya sa harapan ng aming bahay. Kaya mula nang mangako ang aking ina, araw-araw kong tinitingnan ang mga bunga. Naiinip ako kung kailan ang mga iyon mahihinog. Kung minsan ay kumukuha pa ako ng walis tingting at parang magic wand na ikinukumpas paturo sa mga papaya sabay sigaw ng: “Mahinog na kayo!” Too bad I’m not Harry Potter.

Sa wakas, bago malaos ang yoyo ay nahinog ang aming mga papaya at naipagbenta ng aking ina. A promise is a promise, binigyan niya ako ng kinse sentimos. Pagkarating sa school, oras ng recess ay bumili kaagad ako sa tindahan. Nang mahawakan ko ang aking yoyo pagkaabot ng tindera, mahirap ipaliwanag ang pakiramdam. Ang mundo ng isang bata ay nasa paglalaro, at ang isang laruan ay sapat para magkaroon ng maraming kulay ang kanyang buhay.

Dahil may klase kami nang araw na iyon ay itinago ko muna sa bag ang aking yoyo. Mabait akong bata at takot sa teacher. Ang plano ko, pag-uwi ko sa bahay ay saka ko susulitin ang paglalaro nito. Hindi na ako maiinggit sa mga kalaro ko, hindi na ako manghihiram. Salamat sa mga papaya. Higit sa lahat… salamat kay Inay.

Hanggang maganap ang hindi inaasahan…

Isang kaklase ko ang lihim palang nagyoyoyo sa ilalim ng desk habang nagle-lecture si Titser. E, nahuli dahil isinumbong ng katabi na tinamaan sa tuhod. Nakatikim ang kaklase ko ng pingot sa tenga. Kinumpiska pa ni Titser ang yoyo. Nagkataon pang sobra ang init ng ulo ni Titser noon, nagdeklara siya na lahat nang may yoyo, ilabas. Walang magsisinungaling at malilintikan. Kahit ang mga pilyo kong kaklase, napilitang maglabas. Malupit magparusa si Titser sa mga nagkakasala. May isang kaklase ako noon na nagdugo ang tenga nang mapingot niya.

Gusto kong mapaiyak. Pakiramdam ko’y may malaking kung ano na nakabara sa aking lalamunan. Ni hindi ko pa nga nalalagyan man lang ng tali ang yoyo ko kukumpiskahin na?

Naalala ko ang mga papaya na aking minamadyik, na kaytagal kong hinintay na mahinog. At paano pag hinanap ng aking ina ang yoyo? Sabi ko pa naman ay ipakikita ko agad sa kanya pag-uwi ko.
Tumingin ako sa pintuan ng classroom. Parang nanunukso iyon at nag-aanyayang tumakas na lang ako, tumakbo. Maluwang naman ang daraanan. Sayang ang yoyo. Sa isang linggo ka na pumasok… tiyak nakalimutan na ni Titser ‘yun.

Pero nangibabaw ang anghel kaysa demonyo. Magagalit si Titser. At pag nalaman ng inay mo, magagalit din ‘yun.

Nang tumapat sa akin si Titser para kunin ang aking yoyo ay tuluyang nalaglag ang aking luha. Hinigpitan ko ang hawak, huling pisil, bago ko iniabot sa kanya. Nang tuluyang mapasakamay niya ang yoyo, kahit malapit na ang summer noon, pakiramdam ko’y umuulan sa labas at nagngangalit ang panahon.

Ipinagtapat ko sa aking ina ang nangyari. Noong panahong iyon, ang mga guro ay hindi inaaway ng mga magulang ng bata. Ang sabi na lang niya sa akin, hintayin ko na lang daw may mahinog uling mga papaya. Nang tingnan ko ang mga puno, wala pa ni isang bulaklak. Gusto ko uling mapaiyak. Naisip ko ang kaklase kong palihim na naglaro ng yoyo kaya kami nakumpiskahang lahat. Balang araw papatayin ko siya…

Banta ng isang bata na hindi dapat seryosohin—dahil hindi ko naman kayang gawin.

Napalipat ng destino ang aming titser. Huling araw niya sa ay umaasam ako habang naglilinis siya ng kanyang mga drawer na baka ibabalik niya ang mga kinumpiskang yoyo. Emotional pa siya noon, umiiyak. Maaalala raw niya kami lagi. Hindi niya ibinalik ang mga yoyo, baka itinapon na niya. Hanggang magpaalam siya sa amin at isa-isang kaming halikan, ang yoyo ko ang nasa isip ko. Ibalik mo na, Titser, sige na po…
Kumakaway pa kami habang papalayo siya. Ang mga kaklase kong babae, nag-iiyakan. Ako naman ay natuto nang magalit sa kanya. Huwag ka sanang magkaasawa!

Hindi ko alam kung totoong sa paglisan niya ay maaalala pa nga niya kami, pero ang yoyo ko na di ko nasubukan man lang laruin, hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin—kung gaano kalaki, ang kulay, ang design.

Marahil para sa aking titser, simpleng parusa ang ginawa niya sa kaklase ko at pasensya na lang ang mga nadamay na tulad ko. Ang hindi niya alam, may isang bahagi ng pagkabata ko na kasabay na naagaw ng aking pinakaaasam na laruan—na laging nagbabalik sa aking diwa sa tuwing makakakita ako ng yoyo—at mga hinog na papaya.

Thursday, January 1, 2009

cheers!

Photobucket

MALAMIG ang bati ng Enero 1, 2009. Nanunuot sa kaibuturan ng balat ang simoy ng hangin. Marami sa atin ay banyaga na sa ganitong klima at kapag nasa bahay, kung hindi man nakahubad ay nakatutok ang bentilador. Nagbabalik sa aking alaala ang ganitong klima noong bata pa ako at sa aming antuking nayon pa nakatira. Kapag nagsasalita ako ay parang may usok na lumalabas sa aking bibig. Alas diyes na ng umaga ay may hamog pa sa damuhan at basa pa ang mga dahon ng halaman. Kailangan pang magpakulo ng tubig na may dahon ng sampalok para pampaligo—na sabi ng mga matatanda ay mahusay na pampatibay ng pulmon. Sa halip na kape ay salabat ang aming iniinom para maalis ang pangangati o panunuyo ng lalamunan at mainitan ang katawan. Sa gabi kapag matutulog, bukod sa kumot ay nakasuot ako sa loob ng kustal (sako) para makaiwas sa ginaw. Malaking-malaki ang aming bahay noon, parang ang bahay ni Rizal sa Calamba, at kapag pumasok ang hangin o lamig ay parang ayaw nang lumabas.
Madalang pa ang tao sa aming nayon noon. Pagsapit ng ala una ng hapon ay tulog na ang aking ama’t ina para mag-siesta. Malalayo ang mga kapitbahay at ang pakiramdam ko, hanggang alas kuwatro ng hapon, ay ako lang ang gising. May ipinag-uutos ang aking ama na dapat kong tuparin mula a-uno ng Enero hanggang a-dose. Mula alas sais ng umaga hanggang alas sais ng hapon ay kailangan kong itala sa isang papel kung ano ang lagay ng panahon. Ang sistemang ito kung tawagin ng mga magsasaka ay ‘bilangan’. Ito ang pagbabatayan nila ng pagtatanim sa loob ng isang taon. Ang lagay ng panahon sa a-uno ay pagbabatayan ng klima sa Enero, ang a-dos ay Pebrero, a-tres ay Marso… at ang a-dose ay Disyembre.
Ginawa ko ang ganitong sistema hanggang noong dekada 80 bago ako napaluwas ng Maynila. Kakatwa ngunit kung ano nga ang karakter ng klima sa unang 12 araw ng Enero ay kadalasang tumpak sa bawat buwan na kanilang kinakatawan. At nangangahulugan ito ng magandang ani para sa amin. Wala kaming sakahan ng palay at karaniwan ay mga gulay ang aming itinatanim.
Sa ngayon, dahil sa global warming ay hindi na siguro puwedeng pagbatayan ang bilangan. Napakatalusaling na ng panahon—bumabagyo kahit kuwaresma, at may pagkakataon na parang tag-araw kahit Disyembre. Wala na rin sigurong tinedyer sa aming nayon na gumagawa nito. Nang huli akong dumalaw roon, bagaman at nananatiling berde, ay mga ligaw na damo na lang ang makikita sa mga dating taniman. Marami na ring mga tindahan at computer shops. Ito na ang negosyo nila sa halip na pagbubungkal ng lupa. Ang mga batang sa halip na nagtatanim ay nakanganga sa computer o kaya’y nababali ang leeg sa kanilang media player. Ang mga matatanda ay hindi na rin nagtatanim, nakatutok sa telebisyon habang hinihilot ang kanilang rayuma.
Mahigit sampung taon na ang nakalilipas ay pinilit kong balikan ang ganitong gawain matapos kong maumay sa pamamasukan sa mga publikasyon. Masarap muling makipag-ugnayan sa lupang hinuhukay, sa mga halamang itinatanim at dinidiligan. Nabuhay kaming mag-anak sa kita ng dalawang dyip na pampasahero na aking naipundar. Namuhay kami nang simple at malayo sa lungsod. Akala ko ay dito na ako muling magsisimula ng isang bagong anyo ng buhay.
Ngunit muling nag-anyaya ang buhay-publikasyon. Ang mga sumunod pang kaganapan ay nagbigay sa akin ng reyalisasyon na para akong isang binhi na inilipat na ng taniman, at magbalik man ako sa lupang inusbungan ay hahanap-hanapin ko na ang kapaligirang nakasanayan ko—hindi na ako tagalinang ng lupa kundi tagatuklas ng talento sa pagsusulat at sining. Walang bilangan. Bawat buwan na daraan ay dalawang klima lang ang puwede kong salungain; payapa at maunos. Ang buhay-publikasyon ay isang halimbawa ng kagubatan ng lungsod.
Maunos para sa akin ang 2008. Maging ako ay nagtataka sa sarili ko kung paano ako nakasalba. Marami akong personal na laban na kinaharap, at hindi ako masyadong nagkuwento tungkol dito kahit sa aking mga kaibigan. Marahil, kasabay ng pagsulpot ng ilang pilak sa aking buhok, gaya ng isang puno ng kawayan na husto sa gulang at taga sa panahon, nasanay na ako sa mga sigwada ng buhay. Ang mga daluyong ay nagsisimula at nagwawakas lang lahat sa aking kalooban at hindi ko na kailangang ipagkalat. At kung pagkatapos ay nananatili akong nakatayo, umaalingawngaw ang tagumpay pagkayao ng habagat at alon.
Kahapon ay nagsabit ako ng kalendaryo para sa 2009. Hindi ako gagawa ng bilangan. Ito ang susulyapan ko sa bawat pagharap ko sa computer sa pagsisimula at pagtatapos ng bawat deadline. Positibo ako para sa taong ito. Walang kidlat na magkasunod na tumatama sa iisang lugar, walang magkasunod na taon na parehong malas. At walang malas na taon sa taong masipag. Lahat tayo ay gaganda ang buhay sa taon na ito; iyan ang aking piping panalangin at panglahatang hiling sa mga biyayang sana’y ating tamasahin. Sa lahat ng ating gagawin, isaisip natin ang Maykapal; hindi tayo maliligaw at lalong hindi tayo mabibigo. Kung may mga proyekto akong makukuha, kung handa kayo, magkakasama tayo. Kung kailangan ninyo ang tulong ko, anumang oras ay handa ako.
Nagbukas ako ng bote ng alak, nagsalin sa baso, at itinaas ko. Hindi ko kayo nakikita, hindi ninyo ako nakikita pero magsabay-sabay tayo para sa isang masaganang taon:
“Cheers!”