Friday, January 9, 2009
yoyo, mga hinog na papaya at isang kuwento
HINDI ko makalimutan ang karanasan kong ito. Nasa elementary pa lang ako nang ito’y mangyari. Hindi ko na lang sasabihin kung nasa anong grade ako noon para hindi makilala ng mga kakilala ko na makakabasa nito kung sino ang tutukuyin ko sa kuwentong ito.
Mahilig ako sa yoyo noong bata pa ako. Sabagay, sino ba ang hindi? Ito ang magandang libangan noong panahon na wala pang mga high tech na gadgets. Nakaka-high mag-yoyo kapag mahusay mag-trick. Paborito ko noon ang walking the dog.
Nanghihiram lang ako sa mga kalaro ko noon. Pero siyempre, hindi lasap sa kalooban ang paglalaro kung hindi mo sarili ang laruan. Hindi naman ako makabili dahil kinse sentimos ang isang yoyo, at noon ay prutas o kaya’y tinapay ang binabaon ko sa pagpasok, hindi pera, kaya hindi ako makaipon ng pambili. Bihira akong mabigyan ng Inay ng baon dahil na rin sa hirap ng buhay. Alam kong kapus na kapos kami noon, kaya ang “luho” na gaya ng yoyo para sa akin ay hanggang pangarap na lang.
Minsan ay naglakas ako ng loob na magsabi sa Inay na bigyan naman ako ng pambili ng yoyo. Siguro’y naaawa rin siya sa akin kapag nakikitang nanonood ako sa mga kalaro, o kapag nanghihiram ako sa iba. Sabi niya sa akin, “Hayaan mo, kapag nakapagbenta ako ng mga papaya ay bibigyan kita ng pambili.”
May mga tanim kaming papaya sa harapan ng aming bahay. Kaya mula nang mangako ang aking ina, araw-araw kong tinitingnan ang mga bunga. Naiinip ako kung kailan ang mga iyon mahihinog. Kung minsan ay kumukuha pa ako ng walis tingting at parang magic wand na ikinukumpas paturo sa mga papaya sabay sigaw ng: “Mahinog na kayo!” Too bad I’m not Harry Potter.
Sa wakas, bago malaos ang yoyo ay nahinog ang aming mga papaya at naipagbenta ng aking ina. A promise is a promise, binigyan niya ako ng kinse sentimos. Pagkarating sa school, oras ng recess ay bumili kaagad ako sa tindahan. Nang mahawakan ko ang aking yoyo pagkaabot ng tindera, mahirap ipaliwanag ang pakiramdam. Ang mundo ng isang bata ay nasa paglalaro, at ang isang laruan ay sapat para magkaroon ng maraming kulay ang kanyang buhay.
Dahil may klase kami nang araw na iyon ay itinago ko muna sa bag ang aking yoyo. Mabait akong bata at takot sa teacher. Ang plano ko, pag-uwi ko sa bahay ay saka ko susulitin ang paglalaro nito. Hindi na ako maiinggit sa mga kalaro ko, hindi na ako manghihiram. Salamat sa mga papaya. Higit sa lahat… salamat kay Inay.
Hanggang maganap ang hindi inaasahan…
Isang kaklase ko ang lihim palang nagyoyoyo sa ilalim ng desk habang nagle-lecture si Titser. E, nahuli dahil isinumbong ng katabi na tinamaan sa tuhod. Nakatikim ang kaklase ko ng pingot sa tenga. Kinumpiska pa ni Titser ang yoyo. Nagkataon pang sobra ang init ng ulo ni Titser noon, nagdeklara siya na lahat nang may yoyo, ilabas. Walang magsisinungaling at malilintikan. Kahit ang mga pilyo kong kaklase, napilitang maglabas. Malupit magparusa si Titser sa mga nagkakasala. May isang kaklase ako noon na nagdugo ang tenga nang mapingot niya.
Gusto kong mapaiyak. Pakiramdam ko’y may malaking kung ano na nakabara sa aking lalamunan. Ni hindi ko pa nga nalalagyan man lang ng tali ang yoyo ko kukumpiskahin na?
Naalala ko ang mga papaya na aking minamadyik, na kaytagal kong hinintay na mahinog. At paano pag hinanap ng aking ina ang yoyo? Sabi ko pa naman ay ipakikita ko agad sa kanya pag-uwi ko.
Tumingin ako sa pintuan ng classroom. Parang nanunukso iyon at nag-aanyayang tumakas na lang ako, tumakbo. Maluwang naman ang daraanan. Sayang ang yoyo. Sa isang linggo ka na pumasok… tiyak nakalimutan na ni Titser ‘yun.
Pero nangibabaw ang anghel kaysa demonyo. Magagalit si Titser. At pag nalaman ng inay mo, magagalit din ‘yun.
Nang tumapat sa akin si Titser para kunin ang aking yoyo ay tuluyang nalaglag ang aking luha. Hinigpitan ko ang hawak, huling pisil, bago ko iniabot sa kanya. Nang tuluyang mapasakamay niya ang yoyo, kahit malapit na ang summer noon, pakiramdam ko’y umuulan sa labas at nagngangalit ang panahon.
Ipinagtapat ko sa aking ina ang nangyari. Noong panahong iyon, ang mga guro ay hindi inaaway ng mga magulang ng bata. Ang sabi na lang niya sa akin, hintayin ko na lang daw may mahinog uling mga papaya. Nang tingnan ko ang mga puno, wala pa ni isang bulaklak. Gusto ko uling mapaiyak. Naisip ko ang kaklase kong palihim na naglaro ng yoyo kaya kami nakumpiskahang lahat. Balang araw papatayin ko siya…
Banta ng isang bata na hindi dapat seryosohin—dahil hindi ko naman kayang gawin.
Napalipat ng destino ang aming titser. Huling araw niya sa ay umaasam ako habang naglilinis siya ng kanyang mga drawer na baka ibabalik niya ang mga kinumpiskang yoyo. Emotional pa siya noon, umiiyak. Maaalala raw niya kami lagi. Hindi niya ibinalik ang mga yoyo, baka itinapon na niya. Hanggang magpaalam siya sa amin at isa-isang kaming halikan, ang yoyo ko ang nasa isip ko. Ibalik mo na, Titser, sige na po…
Kumakaway pa kami habang papalayo siya. Ang mga kaklase kong babae, nag-iiyakan. Ako naman ay natuto nang magalit sa kanya. Huwag ka sanang magkaasawa!
Hindi ko alam kung totoong sa paglisan niya ay maaalala pa nga niya kami, pero ang yoyo ko na di ko nasubukan man lang laruin, hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin—kung gaano kalaki, ang kulay, ang design.
Marahil para sa aking titser, simpleng parusa ang ginawa niya sa kaklase ko at pasensya na lang ang mga nadamay na tulad ko. Ang hindi niya alam, may isang bahagi ng pagkabata ko na kasabay na naagaw ng aking pinakaaasam na laruan—na laging nagbabalik sa aking diwa sa tuwing makakakita ako ng yoyo—at mga hinog na papaya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
6 comments:
Lolo sa tuhod na KC:
Napakagandang story ito lalo na tiyak kung komiks form. Touching, funny, and exhilarating. A story of remarkable substance and style, brimming with humanity.
Neo-realism to the highest degree!
Congratulations. Ganitong mga Filipino stories ang masarap basahin.
Two thumbs up. Rating: 100/100.
Laban sila diyan?
:)
JM,
happy new year. salamat. may susulatin kasi akong nobela kaya medyo nag-eensayo ako nang konti sa pagsusulat, more than five years na halos akong di nagsulat nang serious piece. i hope you're doing fine, sir, and that you're enjoying life to the fullest. :)
ramdam ko ang galit diyan sa guro mo. naalala ko tuloy nung na confiscate yung pocket book ko at kinuha ko nun last day of the school year na
okay tong story mo. very detailed.
pare!astig tong istorya mo!panalo!wala ka pa ring kupas!wagi ka diyan!pag ikinomiks yan astig yan!panalo!meyo to!
Marami akong natutunan sa kwento mong ito, KC. Pumapalakpak ako sa husay mong managalog at magkwento.Nananabik akong mabasa ang iyong isinusulat na nobela.
dennis,
thanks. ang working title ng nobela ay 'may arabyano sa bahay kubo.' pero baka mabago pa ito pag natapos ko na. i hope to write more novels this year.
Post a Comment