Thursday, January 1, 2009

cheers!

Photobucket

MALAMIG ang bati ng Enero 1, 2009. Nanunuot sa kaibuturan ng balat ang simoy ng hangin. Marami sa atin ay banyaga na sa ganitong klima at kapag nasa bahay, kung hindi man nakahubad ay nakatutok ang bentilador. Nagbabalik sa aking alaala ang ganitong klima noong bata pa ako at sa aming antuking nayon pa nakatira. Kapag nagsasalita ako ay parang may usok na lumalabas sa aking bibig. Alas diyes na ng umaga ay may hamog pa sa damuhan at basa pa ang mga dahon ng halaman. Kailangan pang magpakulo ng tubig na may dahon ng sampalok para pampaligo—na sabi ng mga matatanda ay mahusay na pampatibay ng pulmon. Sa halip na kape ay salabat ang aming iniinom para maalis ang pangangati o panunuyo ng lalamunan at mainitan ang katawan. Sa gabi kapag matutulog, bukod sa kumot ay nakasuot ako sa loob ng kustal (sako) para makaiwas sa ginaw. Malaking-malaki ang aming bahay noon, parang ang bahay ni Rizal sa Calamba, at kapag pumasok ang hangin o lamig ay parang ayaw nang lumabas.
Madalang pa ang tao sa aming nayon noon. Pagsapit ng ala una ng hapon ay tulog na ang aking ama’t ina para mag-siesta. Malalayo ang mga kapitbahay at ang pakiramdam ko, hanggang alas kuwatro ng hapon, ay ako lang ang gising. May ipinag-uutos ang aking ama na dapat kong tuparin mula a-uno ng Enero hanggang a-dose. Mula alas sais ng umaga hanggang alas sais ng hapon ay kailangan kong itala sa isang papel kung ano ang lagay ng panahon. Ang sistemang ito kung tawagin ng mga magsasaka ay ‘bilangan’. Ito ang pagbabatayan nila ng pagtatanim sa loob ng isang taon. Ang lagay ng panahon sa a-uno ay pagbabatayan ng klima sa Enero, ang a-dos ay Pebrero, a-tres ay Marso… at ang a-dose ay Disyembre.
Ginawa ko ang ganitong sistema hanggang noong dekada 80 bago ako napaluwas ng Maynila. Kakatwa ngunit kung ano nga ang karakter ng klima sa unang 12 araw ng Enero ay kadalasang tumpak sa bawat buwan na kanilang kinakatawan. At nangangahulugan ito ng magandang ani para sa amin. Wala kaming sakahan ng palay at karaniwan ay mga gulay ang aming itinatanim.
Sa ngayon, dahil sa global warming ay hindi na siguro puwedeng pagbatayan ang bilangan. Napakatalusaling na ng panahon—bumabagyo kahit kuwaresma, at may pagkakataon na parang tag-araw kahit Disyembre. Wala na rin sigurong tinedyer sa aming nayon na gumagawa nito. Nang huli akong dumalaw roon, bagaman at nananatiling berde, ay mga ligaw na damo na lang ang makikita sa mga dating taniman. Marami na ring mga tindahan at computer shops. Ito na ang negosyo nila sa halip na pagbubungkal ng lupa. Ang mga batang sa halip na nagtatanim ay nakanganga sa computer o kaya’y nababali ang leeg sa kanilang media player. Ang mga matatanda ay hindi na rin nagtatanim, nakatutok sa telebisyon habang hinihilot ang kanilang rayuma.
Mahigit sampung taon na ang nakalilipas ay pinilit kong balikan ang ganitong gawain matapos kong maumay sa pamamasukan sa mga publikasyon. Masarap muling makipag-ugnayan sa lupang hinuhukay, sa mga halamang itinatanim at dinidiligan. Nabuhay kaming mag-anak sa kita ng dalawang dyip na pampasahero na aking naipundar. Namuhay kami nang simple at malayo sa lungsod. Akala ko ay dito na ako muling magsisimula ng isang bagong anyo ng buhay.
Ngunit muling nag-anyaya ang buhay-publikasyon. Ang mga sumunod pang kaganapan ay nagbigay sa akin ng reyalisasyon na para akong isang binhi na inilipat na ng taniman, at magbalik man ako sa lupang inusbungan ay hahanap-hanapin ko na ang kapaligirang nakasanayan ko—hindi na ako tagalinang ng lupa kundi tagatuklas ng talento sa pagsusulat at sining. Walang bilangan. Bawat buwan na daraan ay dalawang klima lang ang puwede kong salungain; payapa at maunos. Ang buhay-publikasyon ay isang halimbawa ng kagubatan ng lungsod.
Maunos para sa akin ang 2008. Maging ako ay nagtataka sa sarili ko kung paano ako nakasalba. Marami akong personal na laban na kinaharap, at hindi ako masyadong nagkuwento tungkol dito kahit sa aking mga kaibigan. Marahil, kasabay ng pagsulpot ng ilang pilak sa aking buhok, gaya ng isang puno ng kawayan na husto sa gulang at taga sa panahon, nasanay na ako sa mga sigwada ng buhay. Ang mga daluyong ay nagsisimula at nagwawakas lang lahat sa aking kalooban at hindi ko na kailangang ipagkalat. At kung pagkatapos ay nananatili akong nakatayo, umaalingawngaw ang tagumpay pagkayao ng habagat at alon.
Kahapon ay nagsabit ako ng kalendaryo para sa 2009. Hindi ako gagawa ng bilangan. Ito ang susulyapan ko sa bawat pagharap ko sa computer sa pagsisimula at pagtatapos ng bawat deadline. Positibo ako para sa taong ito. Walang kidlat na magkasunod na tumatama sa iisang lugar, walang magkasunod na taon na parehong malas. At walang malas na taon sa taong masipag. Lahat tayo ay gaganda ang buhay sa taon na ito; iyan ang aking piping panalangin at panglahatang hiling sa mga biyayang sana’y ating tamasahin. Sa lahat ng ating gagawin, isaisip natin ang Maykapal; hindi tayo maliligaw at lalong hindi tayo mabibigo. Kung may mga proyekto akong makukuha, kung handa kayo, magkakasama tayo. Kung kailangan ninyo ang tulong ko, anumang oras ay handa ako.
Nagbukas ako ng bote ng alak, nagsalin sa baso, at itinaas ko. Hindi ko kayo nakikita, hindi ninyo ako nakikita pero magsabay-sabay tayo para sa isang masaganang taon:
“Cheers!”

No comments: