Thursday, January 30, 2014

Online shopping

MATAGAL nang nagsara ang isang sports house na paborito kong bilihan ng rubber shoes at backpack sa may Harrison Plaza. Mayroon silang ibang outlets sa iba pang malls pero sa ngayon ay medyo nagtitipid ako kaya di ko masyadong kailangan ang ganitong gears. Nagulat na lang ako na may natatanggap akong e-mails mula sa kanila. Naalala ko na minsan nga palang may binili ako roon ay nailagay ko ang aking mga contact numbers at e-mail address.
May website na sila ngayon, nakalagay sa link sa e-mail, at naka-display ang kanilang mga merchandize. Mukhang papunta na sila sa online selling kaya siguro ilang outlets na rin nila ang nagsara sa pagkakaalam ko.
Unti-unti nang nagiging patok sa atin ang online selling. Sa panig ng nagtitinda, hindi kailangan ang physical store. Sa bumibili naman, less hassle din dahil di na kailangang pumunta ng mall para bumili. Sa gallery ng online store ay makikita naman ang hitsura ng item, product description at presyo.
May mga kababayan din tayo na nagbebenta ng kanilang mga lumang gamit. Nagsa-sign in sila sa isang website na ang purpose ay buy and sell. Kahit sino ay puwedeng maging member at magkakaroon ng username. Kung gusto mong magbenta, ipo-post mo lang ang iyong product, at kung may interesado, magme-message ito sa ‘yo at magkakaroon kayo ng negosasyon.
Walang problema sa mga online store na brand new ang produkto dahil may warranty naman. Sa mga indibidwal na nagtitinda ng segunda mano may problema. Naranasan ko kasi ito...
Sa tipidpc.com, isang online gadget store ay nakita ko na may nagbebenta ng 2-gig Sony MP3 player sa halagang P900. Ang brand new nito ay nasa P2,000. Dahil sa picture ay makinis naman ang nakalagay na item, nagkainteres ako. Nag-message ako sa seller at sa madaling sabi ay nagkasundo kaming magkita. Medyo gabi na nang mag-meet up (termino sa pagkikita ng buyer at seller) kami sa isang food court.
Unang tingin ko pa lang sa unit ay medyo kinabahan na ako. At sabi sa akin ng seller, wala raw kasamang headset kasi sira na. Wala ba ‘kakong replacement? Mura lang daw naman ang earphone, bili na lang ako. May dala raw siya pero pang-testing lang dahil para naman iyon sa isa pa niyang unit na hindi Sony. Isa pang dahilan para mag-second thought ako.
Gusto kong sisihin ang sarili ko sa pagiging fan ng Sony. Nang iparinig niya sa akin ang tunog ng unit, nawala ang mga agam-agam ko. Agad na rin niyang ini-off ang unit dahil nagmamadali raw siya.
Tumawad ako na P800 na lang, pero wala na raw bawas. Again, dahil fan ako ng Sony, makakatipid ako ng P1,000 at kahit medyo luma ay naroon ang distinct Walkman sound, binayaran ko na agad. Nagmamadali namang umalis ang seller.
Pagdating ko sa bahay, nang i-plug in ko sa PC ang unit, lumalabas na 512 MB lang pala ang capacity! And worse, hindi na nagtsa-charge ang battery!
Agad kong tinawagan ang cellphone ng seller. Cannot be reach na. Nag-sign in ako sa TPC at nag-message sa kanya at sinabing hindi okey ang kanyang unit. Ang sagot sa akin: “Dapat binasa mong mabuti ang ads ko!”
Nang i-review ko ang ads niya, obvious na pinalitan na niya ang image at specs ng unit. Nilagyan na rin niya ng mark na “sold”.
Nag-message ako sa kanya na hindi naman iyon ang una niyang nai-post. Hindi na siya nag-reply. At ang kumag, nilagyan pa ako ng “negative rating”.
Tsk! Ako na ang naloko, ako pa ang negative ang rating? Sa online shop kasi, pag may negative rating ka ay maraming seller o buyer ang mag-aalanganing makipagtransaksyon sa ‘yo.
Nilagyan ko rin siya ng negative rating. Kinunan ko ng photo ang bulok na Sony at ini-upload ko sa site sabay sabing huwag nang makikipagtransaksyon sa nasabing seller dahil madaya at mukhang mali ang naging pagpapalaki ng mga magulang.
Moral of the story: Huwag magpapadala sa impulse kung may bibilhin online. Tingnan ang rating ng seller kung puro positive. I-check na mabuti ang unit bago magbayad. Higit sa lahat—bumili ng brand new!
You bet, bumili ako ng brand new Sony Walkman—at hanggang ngayon ay nilalagyan ko ng negative rating ang kumag na nandaya sa akin.

Friday, January 24, 2014

Lesson learned...








KAMAKAILAN ay natawag ako sa isang job interview. Sa kuwento ng buhay ko, siguro ay pang-apat beses pa lang ito na nag-apply ako sa isang kumpanya at na-interview. Sa apat na job interviews na iyon ay sa isa lang ako na-employed—sa Caltex Refinery sa Batangas City circa ‘80s.
Hindi ako masuwerte sa pag-apply sa trabaho, pero masuwerte naman ako na laging may trabaho dahil basta may nagbukas na malaking publishing company ng bagong title, ipinatatawag ako. Pag may mga negosyanteng gustong magtayo ng publishing na maliit, kadalasan ay ako ang nairerekomenda.
Okey naman ang kita ko kahit papaano, pero ‘ika nga ay lagari sa oras. Kung minsan ay nagtatrabaho ako sa apat na publishing company, kaya hindi rin ako halos napapahinga 24/7. Kahit namamasyal kaming mag-anak ay hindi ako mag-enjoy dahil sala-salabat na isipin ang gumugulo sa aking utak lalo na pag sabay-sabay ang deadline.
Nang makita ko ang advertisement ng isang international company na naghahanap ng communication officer ay nagkainteres ako. Akmang-akma kasi sa work experiences ko ang job description. Tumawag ako sa kanilang opisina at nagtanung-tanong kung magkano kaya ang salary. Sa sinabing amount ng nakausap ko, naisip kong kahit iyon na lang ang maging work ko sakaling matanggap ako ay puwede na. Kahit bitawan ko na ang iba.
Online ang proseso ng application. Nang maipasa ko ang aking resume ay nakatanggap ako ng notification na may interview ako sa ganoong petsa. Excited ako nang sumapit ang araw na iyon.
Nang makaharap ko ang mga nag-interview sa akin ay pinuri nila ang credentials ko. Pero hindi na raw kami magpo-proceed sa interview proper dahil hindi ako qualified. College undergraduate kasi ako at mahigpit ang kanilang requirements pagdating sa academic status.
Nalaglag ang balikat ko...
If there’s any consolation, nanghinayang din daw sila sa akin dahil sa mga applicants ay ako ang may solid journalism background at maraming kakilala sa media. But a requirement is a requirement.
Ito ang aral na natutunan at pinagsisisihan ko...
Nang matanggap ako sa Atlas Publishing noong 1989 ay pinayuhan ako ng aking uncle na isang architect na magtapos ng pag-aaral. Gusto ko rin naman pero laging may hadlang. Una ay nagkasakit ako. Nang magkaasawa ako at magkaanak ay lalong nakalimutan ko na ang magkolehiyo.
Pero kasama ito lagi sa plano ko every New Year. Nagkakataon naman na tuwing school opening ay saka may dumarating na malalaking project kaya di ko maisingit. Sa kagaganoon, hindi ko na naipagpatuloy. At heto ngayon ang masaklap na kinahinatnan.
Napag-uusapan namin sa bahay ang isyung ito. Sabi ng anak ko ay subukan ko ang open university. ‘Yung mag-e-enroll lang ako pero sa bahay ako mag-aaral at magre-report lang sa school pag may exams o may miting sa propesor para raw hindi ako mahirapan sa oras. Pero mas gusto ko ang actual classroom na pisikal ang interaction sa mga kaklase at propesor.
Isa rin itong aral sa mga kababayan natin, lalo na ang mga bagets pa na nagkatrabaho na. Kahit kumikita na kayo ay isingit ninyo ang pag-aaral. Darating ang panahon na hahanapan kayo ng college diploma lalo na pag nag-iba na kayo ng linya. Huwag na kayong magpatumpik-tumpik pa dahil mabilis lang ang takbo ng panahon.
Dahil sa setback na naranasan ko, more than ever ay lalo akong naging desidido ngayon na magbalik-college. Bata pa rin naman ako. In two or three years time ay marami pang oportunidad na darating sa akin—lalo na pag hawak ko na ang aking college diploma.
At marahil ay hindi pa panahon para lumipat ako. May misyon pa siguro ako sa mga publishing kung saan ako connected.

Trabaho sa gobyerno








NOONG early 30s pa lang ako ay pinayuhan ako ng aking isang ninong sa kasal na para raw maging secure ang future ko ay magtrabaho ako sa gobyerno. May mga posisyon din daw naman para sa mga tulad kong ang linya ay nasa pagsusulat.
Siya kasi ay isang nobelista sa komiks pero nagtatrabaho sa assessor’s office sa isang local municipality sa Metro Manila. Sideline niya ang pagsusulat, pero ang talagang bread and butter niya ay ang kanyang eight-to-five na trabaho sa munisipyo.
Noong mga panahon iyon ay may stigma pa ang pagtatrabaho sa gobyerno. Malaman lang na taga-munisipyo ka, ang tingin agad sa iyo ay corrupt at mahilig sa lagay. Na pumapasok lang tuwing akinse at katapusan para sumuweldo. O, kung pumasok man ay nakatunganga lang sa opisina at pag may lalapit para maghanap o mag-submit ng anumang dokumento ay sisinghalan.
May dahilan naman kung bakit nako-corrupt ang mga taga-gobyernong rank and file. Maliit lang kasi ang suweldo kaya napipilitang gumawa ng anomalya. Bagaman at hindi iyon excuse, marami ang natutukso lalo na kung may opportunity para kumita sa maling paraan. Ang trabaho sa gobyerno, maliit man o malaki, ay isang napakalakas na magnet para sa corruption dahil ang tukso mismo ang lalapit lalo na kung may mga namomroblema sa papeles at nagmamadaling mapapirmahan iyon.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unting na-professionalize ang pagiging government employee. May maayos nang uniporme kung pumasok. Tumaas na rin kahit paano ang suweldo nang maisaayos ang plantilla ng mga posisyon. Nasa mga nagtatrabaho rin sa gobyerno ngayon ang pinakamaiinam na benefits na naibibigay para sa isang manggagawa. Gawin nating halimbawa ang mga titser na noon ay kailangan pang magtinda ng longganisa at kendi sa kanilang mga estudyante para lang may dagdag kita. Wala na tayong nababalitaan ngayon na ganitong eksena.
Nang maupo si Pangulong Noynoy Aquino ay mas na-professionalize ang pagtatrabaho sa gobyerno. Natakot kasi ang mga department heads na malapit nang magretiro na baka bigla na lang silang sibakin ng Pangulo—sayang ang separation pay na makukuha. Hindi man tuluyang nawala ang mga anomalya ay naging limitado na lang sa mga talagang halang ang bituka o kaya ay may kapit sa itaas na malakas sa administrasyon.
Ang payo sa akin ng aking ninong noon na kung sakali raw na gustuhin ko ngang magtrabaho sa gobyerno ay kumuha ako ng exam sa civil service. Kung legible o pasado ako sa pagsusulit na ito ay mas madali ang pagkuha ng trabaho sa alinmang tanggapan. Kapag na-regular daw ako ay kumuha naman ako ng masteral para tumaas ang posisyon—kung maaari ay sa public administration. Pag napagsama-sama raw kasi ang naging karanasan ko sa private sector, civil service legibility at masteral studies—napakaraming puntos para sa promotion.
Hindi ko iyon binigyan ng pansin dahil enjoy naman ako sa trabaho at okey naman ang benefits na nakukuha ko. Iyon nga lang, nang mauso ang “contractualization” sa mga kumpanya, hindi na ako nare-regular at wala na ring benefits na nakukuha. Ang tanging pabor na nakukuha ko ay malaya ako sa oras, at kung minsan ay puwedeng sa bahay ko gawin ang trabaho.
Looking back, alam kong nagkamali ako for not giving it a try. Pero inisip ko na rin lang na siguro ay hindi iyon ang aking destiny.
Ang aking ninong ay naging head ng kanilang assessor’s office, at malapit na ring magretiro. Aniya, milyunes ang makukuha niyang separation pay—salamat daw sa pagtitiyaga niya at hardwork. Biro ko sa kanya, at least ay alam ko na kung kanino ako mangungutang kapag nagipit.
Marami pa rin namang trabaho na makikita sa ngayon sa private sector, ngunit para sa mga young professionals na marami pa ring oportunidad na puwedeng hawakan sa kamay, subukan ninyo ang magtrabaho sa gobyerno. Hindi katulad ng ibang negosyo na anumang oras ay puwedeng magsara, ang gobyerno ay laging naririyan.

Birthday blues








KAMAKAILAN ay nag-birthday ako. Sorry po, hindi na nakapag-imbita at wala ring pa-canton.
Kakatwa ang aking birthday celebration mula umpisa. Dahil sa hirap ng buhay, lumalampas lang ito sa akin noong bata pa ako. Pero nang mag-grade one ako, may kakatwang pangyayari na naganap—nakapulot ako ng pisong papel! Grade two, isang Parker pen.
Mula noon, tuwing magbi-birthday ako ay may napupulot ako—na para bang iyon na ang pinakaregalo sa akin ni Lord.
Hindi ko rin alam kung bakit laging malungkot ang aking birthday. Noong 1984 ay may balikbayan akong pinsan na binigyan ako ng P200 bilang gift—na sobrang laki pa noon. Plano kong manood ng sine, bumili ng pantalon at kumain ng masasarap nang biglang sumakit naman nang todo ang aking ngipin, kaya pagkasimba ay natulog na lang ako sa isang bench sa plaza para makalimutan ang sakit. Na-realize ko rin na walang pera ang aking nanay kaya ibinigay ko na lang sa kanya ang P200—at nayakap niya ako nang mahigpit.
Noong 1992, birthday ko rin at ilang araw na lang at ikakasal na ako ay na-confine naman ako sa ospital dahil sa pulmonya. Kaya iniharap ko sa dambana ang aking naging misis na hinang-hina ang aking katawan dahil katatanggal lang ng dextrose. Hindi tuloy na-consummate ang honeymoon kinagabihan at nagpalipas pa kami ng ilang araw.
Nang magkaroon ako ng anak ay lalong naitsa-puwera ang aking birthday dahil January 12 siya ipinanganak. Sa halip na maghanda ako, siya na lang tutal ay magkasunod naman kami at siya ang mas nag-e-enjoy na may celebration. Nag-request siya sa akin noong kanyang 18th birthday na mas gusto niyang mag-celebrate ng pagiging ganap na dalaga sa Disneyland kaysa magkaroon ng party. Kahit masakit sa bulsa ay pumayag ako. Dahil kasama niya ang misis ko, nagdaos siya ng kaarawan sa ibang bansa, at nag-birthday naman ako na wala sila sa paningin ko kaya medyo maluha-luha ako nang mag-long distance siya para sabihing ang saya-saya raw niya, the best thing that ever happened to her life, sabay bati sa akin ng “Happy birthday!” At para sa isang tatay na walang hangad kundi ang kaligayahan ng anak, feeling ko ay fulfilled ako noon na naibigay ko ang kanyang birthday wish.
Taong 2003, birthday ko nang ma-regular ako sa Manila Times bilang desk editor. Noong araw ring iyon ako nakatanggap ng tawag mula sa ABS-CBN Publishing para maging bahagi ng editorial team ng The Buzz Magasin. The following year ay nag-full time ako sa ABS-CBN, birthday ko rin.
Sa The Buzz Magasin ako maraming malulungkot na birthdays. Dahil nagpapalit-palit ang management at “talent” lang ang status ko sa kumpanya na taun-taon ay pumipirma ng kontrata, tuwing birthday ko ay aandap-andap ang aking kalooban lalo na pag tapos na ang kontrata ko at hindi pa ako pinapipirma ng panibago. Mahirap mag-celebrate ng kaarawan kung hindi pa tiyak na may trabaho pang babalikan.
Tuwing January rin na may mga kasamahan ako sa The Buzz Magasin na gustong subukan ang bagong mundo kaya nagre-resign at naghahanap ng malilipatan. Kalimitan, ang aking birthday party ay kasabay ng kanilang despedida, kaya sa halip na ako’y nagpapakalunod sa beer sa saya dahil nadagdagan na naman ang aking edad, nagpapakalasing ako sa lungkot dahil nabawasan ang aking mga mahal na kasamahan sa trabaho na naging best friends na rin. Ganito rin ang naging sitwasyon noong nasa Risingstar Printing pa ako, at sa Onward Publishing.
And I guess, nagpapatuloy pa rin ang ganitong cycle sa ngayon...
Pero that’s life. Walang bagay na permanente. May mga kasamahan tayong gusto ring hanapin ang kanilang sariling kaligayahan, at nais na mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa ibang pastulan. Ako bilang nakatatanda ay nauunawaan ito—lalo pa at kung ang motibasyon nila sa ganitong plano ay para sa ikabubuti ng kanilang mga mahal sa buhay.
Noong isang araw pa ako nakakatatanggap ng birthday greetings from old associates. Nakakatuwa naman na kahit hindi na kami magkakasama ay natatandaan pa nila ang aking kaarawan. Hindi ko na sila nakikita, pero totoo ngang it’s the thought that counts—kaya di ko mapigilang mapaluha.
Well, belated happy birthday to me! Malungkot muli pero masaya na rin na naging bahagi ako ng buhay ng mga kaopisinang sa kabila ng aking pagiging mahigpit at corny ay may natutunan sa akin kahit papaano. Sana dumating ang panahon na muli ko kayong makasalong lahat sa pagkain ng mainit na pansit.

Paano kung kubkubin ng China ang Pag-asa ISland?








ILANG araw na akong naghahanap sa social media kung napag-uusapan ba ng mga Pinoy ang plano diumanong pag-atake ng China sa ating teritoryo. Nakapagtataka na wala akong nababasa. Pero pag tungkol sa pagbatikos sa ating mga kapwa Pilipino at sa mga opisyal ng ating pamahalaan ay napakasigla ng talakayan.
Ano ba ang saloobin natin sa isyung ito at ‘ika nga ng mga beki ay dedma yata tayo? Hindi ba tayo naniniwala na gagawin iyon ng China, o natatakot tayong harapin ang katotohanan na itutuloy ng higanteng bansa ang plano nito?
Sa panig ng pamahalaan ay tumanggi munang patulan ng Department of Foreign Affairs ang lumabas na ulat hinggil sa sinasabing plano nga ng China na sakupin ang Pag-asa Island, isang island barangay sa bahagi ng Kalayaan, Palawan. 
Sinabi ni DFA spokesperson Raul Hernandez na sa ngayon ay walang official pronouncement ang Beijing kaugnay sa nasabing report kung kaya't iwas din muna sila sa pagbibigay ng pahayag. 
"But we do comment on official pronouncement by governments all over the world that would affect the interest of the country. We don't comment on news articles that have unnamed and unofficial sources," sabi pa ng kalihim. 
Nailathala sa state-owned China Daily Mail ang sinasabing "combat plan" umano ng Chinese Navy na pag-takeover sa nasabing isla. 
Layunin umano ng plano na mabawi ang teritoryong sinasabing “ninakaw” ng Pilipinas mula sa China. 
Sa ngayon ay namamagitan pa rin ang territorial disputes sa pagitan ng dalawang bansa sa mga islang nasa bahagi ng West Philippine Sea.
Malaki ang posibilidad na ituloy ng China ang plano. Maraming dahilan kung bakit. Una na rito ay gusto nilang ipakitang sa bahagi ng Asya ay sila ang pinakabarako.
Pumapalag na kasi ang Japan sa mga kilos ng China, at nagpapalakas na rin ng mga gamit-pandigma. Bukod sa Pilipinas ay ang Japan lang ang hayagang tumututol sa pagiging agresibo ng China sa mga aktibidad nito sa dagat.
At napaka-creative ng China para mapanindigan na kanila nga ang mga bahaging kanilang sinasakop. Una ay inilagay nila sa kanilang pasaporte ang mga mapa ng mga lugar na kanilang inaangkin. Hindi na puwedeng dumaan sa mga karagatan na sakop diumano nila kung hindi hihingi muna ng pahintulot sa kanilang mga awtoridad. Maging ang sukat ng himpapawid na sakop diumano nila ay minarkahan na rin nila.
Sa lahat nang ito, hindi pa talagang masasabi ng China na epektibo ang kanilang mga taktikang ginagamit sa pangangamkam. Kumbaga sa magkapitbahay, maituturo mo kung hanggang saan ang lupa mo, pero ang magpapatunay pa rin kung gaano talaga kalawak ang iyong sakop ay ang mohon. Mapapatunayan lang ng China kung gaano na sila kaseryoso sa pamamagitan na nga ng tuwirang pananakop. Kung ang kanilang army ay tuluyang tutuntong sa Pag-asa Island at itatayo ang kanilang watawat, mapapanganga tayong mga Pinoy.
May magagawa ba tayo?
Lahat nang paraan sa dispute na ito ay ginawa na ng Pilipinas at lumapit na rin ang ating bansa sa mga international organizations para mahilot ang isyu. Ang problema, ang China mismo ang umaayaw na pag-usapan ito sa maayos na paraan. Bakit nga naman aayusin nang paupo kung kaya naman nilang kunin ang gusto nila sa pamamagitan ng dahas?
Sa nakikita natin, kahit kasapi sa United Nations, pag maliit na bansa gaya ng Pilipinas ay parang bingi rin ang mga kasapi nito para tulungan tayo. At nakakatakot ang mga senaryong puwedeng mangyari sakali ngang may katotohanan ang balitang lumabas.
Balik tayo sa netizens na matatapang sa ibang isyu pero ngayon ay tumitiklop sa harap ng nakaambang pananakop sa atin ng China. Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa na magpapakita tayo ng karuwagan sa panahong ito. Mga Pilipino tayo na pinanday na ng maraming digmaan. Naniniwala akong mangyari man ito, aalis tayo sa harapan ng ating computers at gagaod papuntang Pag-asa Island para ipagtanggol ang ating kasarinlan.
And who knows, baka ang pangyayaring ito ang muling magpaningas sa ating mga puso para muli nating matutunang mahalin ang ating bayan.