PABOR ba kayo na gawing legal ang paggamit ng
marijuana dito sa ating bansa bilang gamot?
Ang marijuana na may scientific name na
cannabis sativa ay ginagamit bilang droga. Pinatutuyo ang mga dahon nito,
nirorolyo sa papel at hinihitit bilang sigarilyo na nakakapagpa-“high”. Sumikat
ito noong dekada ’70 sa kasagsagan ng Beatles at rock and roll era. “Damo” ang
sikat na tawag natin dito. Tinatawag din ito ng mga Pinoy hippies na “mojack”,
joint, maryjane, juts, etc.
Ang epekto nito, sabi nga ng mga gumagamit
nito ay “trip lang” gaya ng food trip, laugh trip—lahat ay pampaganda ng mood.
Bahagyang nawala ang popularidad ng marijuana
nang maglabasan ang mas malalakas na droga gaya ng cocaine, ecstasy at shabu.
Nabuhay ang isyung ito matapos payagan sa
Colorado ang pagbebenta ng marijuana sa may edad 21 pataas. Alam n’yo naman
tayong mga Pinoy—lalung-lalo na ang ating mga mambabatas—mahilig sa gaya-gaya.
Base sa datos ng National Organization for
the Reform of Marijuana Laws na isang non-profit organization, 16 states na ang
nag-decriminalized ng marijuana, at 22 naman ang pumayag sa paggamit nito
bilang gamot.
Ang
Uruguay ang kauna-unahang bansa na nag-legalize ng pagma-manufacture at
paggamit ng marijuana.
Sa mga online forum ay sinasabing nasa 30
sakit ang kayang gamutin ng marijuana—kadalasan ay may kaugnayan sa sakit sa
utak at mga ugat. Gayunpaman, may side effects din ito gaya ng kawalan ng
pandama, paghina ng memorya, masasal na tibok ng puso, mataas na blood
pressure, at mabagal na pag-iisip lalo na sa sandaling nahaharap sa problema.
Kung paniniwalaan ang mga talakayan,
lumalabas na mas problema pa ang hatid ng paggamit ng marijuana sa katawan at
utak ng tao kaysa makagamot sa mga sakit na taglay ng isang indibidwal.
May ilang sektor din naman na nagsasabing hanggang
ngayon ay hindi pa napapatunayan na may medicinal o therapeutic purposes ang
marijuana na katulad ng pinalalabas ng ilang pabor sa paggamit nito.
Ang Pilipinas ay isa sa mga lumagda sa 1961 United
Nation’s Single Convention on Narcotic Drugs na nagba-ban sa produksyon at supply
ng mga narcotic drugs at gamot na may kahalintulad na epekto maliban na lamang
sa medical at research purposes.
Sa Preamble ng naturang Convention ay
kinikilala nito na ang adiksyon sa narcotic drugs ay maituturing na isang
“serious evil”.
Maraming adik sa droga sa ating bansa. Ang
legalisasyon sa paggamit ng marijuana ay tiyak na sasamantalahin ng mga drug
syndicates. ‘Yun ngang mga menor de edad na sumisinghot ng rugby ay hindi
masawata, ano pa kaya ang legal na marijuana?
Kung sino man ang nakaisip na gawing legal
ang paggamit ng marijuana gaano man kaganda ang intensyon ay siguradong high sa
kung anuman. Napakaraming halamang gamot sa ating bansa gaya ng banaba, bayabas,
sambong at iba pa ngunit hanggang ngayon ay walang nagpapanukala na palawakin
ang paggamit at produksyon nito bilang gamot. May mga kumpanyang gumagawa ng
mga gamot mula sa mga halamang ito ngunit hirap na hirap pang makakuha ng
pagsang-ayon sa ating Bureau of Food and Drug.
Maraming tututol dito lalo na ang Simbahan.
Sa ating palagay, baka mas tuluyang maipatupad ang RH Law kaysa sa panukalang
ito.
Maging ako ay hindi pabor sa planong ito na
tiyak na maraming sisiraing utak ng ating mga kababayan. Sabi nga sa lumang
kasabihang Pinoy: “Ang damo ay para lang sa kabayo.”
Siguro ay puwede kong subukang tumikim ng
damo sa isang kondisyon--tatadyakan ko ang nagpapanukala ng legalisasyon nito,
sabay sigaw sa kanila ng: “Keep off the grass!”
No comments:
Post a Comment