Friday, January 24, 2014

'anak ng teteng!'









PINANOOD ko noong Lunes ang privilege speech ni Sen. Bong Revilla sa Senado na pinamagatan niyang “Ito ba ang tuwid na daan”. Sana ay napanood n’yo rin para mas makuha ninyo ang aking punto.
Aaminin kong fan ako ni Bong noong ako’y binatilyo pa. Maraming pelikula niya ang napanood ko. Kung probinsyano kayo na gaya ko, hindi maiiwasan na sine lang ang libangan. At dahil idol ko siya ay pinagarap ko ring maging action star. Maraming naging action sa buhay ko, pero hindi ako naging star.
Anyway, kahapon matapos ang kanyang speech ay napag-usapan namin sa news room kung sino kaya ang sumulat ng kanyang script. Masyadong kalat, at parang screenplay. Nawala ang anghang sa dami ng rekado, ‘ika nga, at sa sobrang haba ay nakakaumay na.
Sayang. Kung close lang kami ng aking idol ay ako na sana ang gumawa ng kanyang speech.
What if ako nga ang pinasulat ng script niya?
Simple. Susundin ko ang kasabihang, “Keep it short (or simple), stupid!”
Sa aking pananaw, ang pinakaimportanteng bahagi ng speech ni Bong ay ang kuha sa mama na nagmamaneho, na sabi niya ay si DILG Sec. Mar Roxas. Doon kasi interesado ang mga tao dahil noon pa pumutok ang isyung dinala nga siya ng secretary kay P-Noy.
Uunahin kong banggitin ang mga kasong kinakaharap niya, pero iiwasan ko na ang mga dramatics lalo na ‘yung nabu-bully ang mga anak, pamilya at kamag-anak niya dahil sa isyu. Com’ on, sino ang bu-bully sa pamilya na puro pulitiko sabi nga ng aming EIC na si Danny Marquez?
Useless din ‘yung laruang trak na may mga papel. Walang natawa. Action star siya at hindi si Vic Sotto.
Hindi ko na rin babanggitin ang kay ex-CJ Renato Corona dahil nasabi na iyon ni Sen. Jinggoy. Lalong hindi ‘yung isyu kina Ballsy at sa asawa nito dahil hindi okey na may kaso sa ‘yo ay magbabanggit ka ng kasalanan ng iba. Parang bata naman iyon.
Wala na rin ‘yung pakiusap ng kanyang ama na linisin ang pangalan ng kanilang pamilya. At ‘yung sa matanda sa isang restoran sa Tagaytay na nagsabi sa kanyang kaya niyang dalhin ang kanyang mga pinagdaraanan. Again, parang eksena sa pelikula.
Tututok ako sa pag-uusap sa pagitan nila ni Pangulong Noynoy Aquino sa Palasyo at sa pag-arbor nito sa boto niya laban kay Corona. Ididiin ko si P-Noy sa isyung ito dahil ito lang ang makatotohanan sa bahagi ng kanyang speech.
Hindi ko na ibubunton sa isa niyang staff ang sisi sa pork barrel scam. Malinaw na paglilinis agad iyon sa pangalan ng senador.
Hindi ko na babanggitin ang kapalpakan ng pamahalaan sa Yolanda, Bohol earthquake at Zambo siege. Buong gobyerno ang may kasalanan doon at hindi lang si P-Noy.
Hindi ko na rin sisiraan ang ibang miyembro ng Gabinete. At lalong hindi ko itatangging kilala niya si Janet Lim Napoles.
At pagkatapos kong maisiwalat ang naging usapan sa Palasyo, hindi ko na rin sasabihin na sumagot pa siya na boboto lang siya ayon sa kanyang kalooban. Bahala na ang publikong mag-analyse doon kung ano ang isinagot niya. Cliff-hanger kumbaga. Mahirap na kasing itanggi na hindi tinanggap ang bayad o lagay ng Palasyo dahil inamin na ito ng ibang senador.
Sa panghuli, itatanong ko sa Pangulo kung bakit siya (Bong) kinakasuhan gayung ang administrasyon mismo ay nanunuhol din. Bakit ang gawaing mali ay ginagawa pala ng Palasyo? Bakit sila nanunuhol ng mga senador?
Saka siya titingin sa screen bilang panghuling salita sabay tanong: “Mr. President, ito ba ang tuwid na landas?”
At bago siya tuluyang umalis sa podium ay huhugot siya ng malalim na buntunghininga saka siya magpapakawala ng kanyang pamosong linyang, “Anak ng teteng!”
O, di ba’t mas may dating?
Sayang, Idol...
Next time, puwede mo akong kontakin kung may privilege speech ka uli. Don’t worry... dahil idol kita, puwede namang free.

1 comment:

Dino saur said...

Hahhaha.da best ka sir. Pag nangyare yun na ikaw ang susulat ng speech ng idol mo or ng kahit na sinong mokong na pulitiko...siguradong aabangan ko....makatabla man lang ang iba sa mga kaabang abang at di nakakaantok na speech ni mirriam hehehe...

Sensya na sa late reaksyon ...now ko lang nabasa hehehe..