Friday, January 24, 2014

Trabaho sa gobyerno








NOONG early 30s pa lang ako ay pinayuhan ako ng aking isang ninong sa kasal na para raw maging secure ang future ko ay magtrabaho ako sa gobyerno. May mga posisyon din daw naman para sa mga tulad kong ang linya ay nasa pagsusulat.
Siya kasi ay isang nobelista sa komiks pero nagtatrabaho sa assessor’s office sa isang local municipality sa Metro Manila. Sideline niya ang pagsusulat, pero ang talagang bread and butter niya ay ang kanyang eight-to-five na trabaho sa munisipyo.
Noong mga panahon iyon ay may stigma pa ang pagtatrabaho sa gobyerno. Malaman lang na taga-munisipyo ka, ang tingin agad sa iyo ay corrupt at mahilig sa lagay. Na pumapasok lang tuwing akinse at katapusan para sumuweldo. O, kung pumasok man ay nakatunganga lang sa opisina at pag may lalapit para maghanap o mag-submit ng anumang dokumento ay sisinghalan.
May dahilan naman kung bakit nako-corrupt ang mga taga-gobyernong rank and file. Maliit lang kasi ang suweldo kaya napipilitang gumawa ng anomalya. Bagaman at hindi iyon excuse, marami ang natutukso lalo na kung may opportunity para kumita sa maling paraan. Ang trabaho sa gobyerno, maliit man o malaki, ay isang napakalakas na magnet para sa corruption dahil ang tukso mismo ang lalapit lalo na kung may mga namomroblema sa papeles at nagmamadaling mapapirmahan iyon.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unting na-professionalize ang pagiging government employee. May maayos nang uniporme kung pumasok. Tumaas na rin kahit paano ang suweldo nang maisaayos ang plantilla ng mga posisyon. Nasa mga nagtatrabaho rin sa gobyerno ngayon ang pinakamaiinam na benefits na naibibigay para sa isang manggagawa. Gawin nating halimbawa ang mga titser na noon ay kailangan pang magtinda ng longganisa at kendi sa kanilang mga estudyante para lang may dagdag kita. Wala na tayong nababalitaan ngayon na ganitong eksena.
Nang maupo si Pangulong Noynoy Aquino ay mas na-professionalize ang pagtatrabaho sa gobyerno. Natakot kasi ang mga department heads na malapit nang magretiro na baka bigla na lang silang sibakin ng Pangulo—sayang ang separation pay na makukuha. Hindi man tuluyang nawala ang mga anomalya ay naging limitado na lang sa mga talagang halang ang bituka o kaya ay may kapit sa itaas na malakas sa administrasyon.
Ang payo sa akin ng aking ninong noon na kung sakali raw na gustuhin ko ngang magtrabaho sa gobyerno ay kumuha ako ng exam sa civil service. Kung legible o pasado ako sa pagsusulit na ito ay mas madali ang pagkuha ng trabaho sa alinmang tanggapan. Kapag na-regular daw ako ay kumuha naman ako ng masteral para tumaas ang posisyon—kung maaari ay sa public administration. Pag napagsama-sama raw kasi ang naging karanasan ko sa private sector, civil service legibility at masteral studies—napakaraming puntos para sa promotion.
Hindi ko iyon binigyan ng pansin dahil enjoy naman ako sa trabaho at okey naman ang benefits na nakukuha ko. Iyon nga lang, nang mauso ang “contractualization” sa mga kumpanya, hindi na ako nare-regular at wala na ring benefits na nakukuha. Ang tanging pabor na nakukuha ko ay malaya ako sa oras, at kung minsan ay puwedeng sa bahay ko gawin ang trabaho.
Looking back, alam kong nagkamali ako for not giving it a try. Pero inisip ko na rin lang na siguro ay hindi iyon ang aking destiny.
Ang aking ninong ay naging head ng kanilang assessor’s office, at malapit na ring magretiro. Aniya, milyunes ang makukuha niyang separation pay—salamat daw sa pagtitiyaga niya at hardwork. Biro ko sa kanya, at least ay alam ko na kung kanino ako mangungutang kapag nagipit.
Marami pa rin namang trabaho na makikita sa ngayon sa private sector, ngunit para sa mga young professionals na marami pa ring oportunidad na puwedeng hawakan sa kamay, subukan ninyo ang magtrabaho sa gobyerno. Hindi katulad ng ibang negosyo na anumang oras ay puwedeng magsara, ang gobyerno ay laging naririyan.

No comments: