Friday, January 24, 2014

Birthday blues








KAMAKAILAN ay nag-birthday ako. Sorry po, hindi na nakapag-imbita at wala ring pa-canton.
Kakatwa ang aking birthday celebration mula umpisa. Dahil sa hirap ng buhay, lumalampas lang ito sa akin noong bata pa ako. Pero nang mag-grade one ako, may kakatwang pangyayari na naganap—nakapulot ako ng pisong papel! Grade two, isang Parker pen.
Mula noon, tuwing magbi-birthday ako ay may napupulot ako—na para bang iyon na ang pinakaregalo sa akin ni Lord.
Hindi ko rin alam kung bakit laging malungkot ang aking birthday. Noong 1984 ay may balikbayan akong pinsan na binigyan ako ng P200 bilang gift—na sobrang laki pa noon. Plano kong manood ng sine, bumili ng pantalon at kumain ng masasarap nang biglang sumakit naman nang todo ang aking ngipin, kaya pagkasimba ay natulog na lang ako sa isang bench sa plaza para makalimutan ang sakit. Na-realize ko rin na walang pera ang aking nanay kaya ibinigay ko na lang sa kanya ang P200—at nayakap niya ako nang mahigpit.
Noong 1992, birthday ko rin at ilang araw na lang at ikakasal na ako ay na-confine naman ako sa ospital dahil sa pulmonya. Kaya iniharap ko sa dambana ang aking naging misis na hinang-hina ang aking katawan dahil katatanggal lang ng dextrose. Hindi tuloy na-consummate ang honeymoon kinagabihan at nagpalipas pa kami ng ilang araw.
Nang magkaroon ako ng anak ay lalong naitsa-puwera ang aking birthday dahil January 12 siya ipinanganak. Sa halip na maghanda ako, siya na lang tutal ay magkasunod naman kami at siya ang mas nag-e-enjoy na may celebration. Nag-request siya sa akin noong kanyang 18th birthday na mas gusto niyang mag-celebrate ng pagiging ganap na dalaga sa Disneyland kaysa magkaroon ng party. Kahit masakit sa bulsa ay pumayag ako. Dahil kasama niya ang misis ko, nagdaos siya ng kaarawan sa ibang bansa, at nag-birthday naman ako na wala sila sa paningin ko kaya medyo maluha-luha ako nang mag-long distance siya para sabihing ang saya-saya raw niya, the best thing that ever happened to her life, sabay bati sa akin ng “Happy birthday!” At para sa isang tatay na walang hangad kundi ang kaligayahan ng anak, feeling ko ay fulfilled ako noon na naibigay ko ang kanyang birthday wish.
Taong 2003, birthday ko nang ma-regular ako sa Manila Times bilang desk editor. Noong araw ring iyon ako nakatanggap ng tawag mula sa ABS-CBN Publishing para maging bahagi ng editorial team ng The Buzz Magasin. The following year ay nag-full time ako sa ABS-CBN, birthday ko rin.
Sa The Buzz Magasin ako maraming malulungkot na birthdays. Dahil nagpapalit-palit ang management at “talent” lang ang status ko sa kumpanya na taun-taon ay pumipirma ng kontrata, tuwing birthday ko ay aandap-andap ang aking kalooban lalo na pag tapos na ang kontrata ko at hindi pa ako pinapipirma ng panibago. Mahirap mag-celebrate ng kaarawan kung hindi pa tiyak na may trabaho pang babalikan.
Tuwing January rin na may mga kasamahan ako sa The Buzz Magasin na gustong subukan ang bagong mundo kaya nagre-resign at naghahanap ng malilipatan. Kalimitan, ang aking birthday party ay kasabay ng kanilang despedida, kaya sa halip na ako’y nagpapakalunod sa beer sa saya dahil nadagdagan na naman ang aking edad, nagpapakalasing ako sa lungkot dahil nabawasan ang aking mga mahal na kasamahan sa trabaho na naging best friends na rin. Ganito rin ang naging sitwasyon noong nasa Risingstar Printing pa ako, at sa Onward Publishing.
And I guess, nagpapatuloy pa rin ang ganitong cycle sa ngayon...
Pero that’s life. Walang bagay na permanente. May mga kasamahan tayong gusto ring hanapin ang kanilang sariling kaligayahan, at nais na mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa ibang pastulan. Ako bilang nakatatanda ay nauunawaan ito—lalo pa at kung ang motibasyon nila sa ganitong plano ay para sa ikabubuti ng kanilang mga mahal sa buhay.
Noong isang araw pa ako nakakatatanggap ng birthday greetings from old associates. Nakakatuwa naman na kahit hindi na kami magkakasama ay natatandaan pa nila ang aking kaarawan. Hindi ko na sila nakikita, pero totoo ngang it’s the thought that counts—kaya di ko mapigilang mapaluha.
Well, belated happy birthday to me! Malungkot muli pero masaya na rin na naging bahagi ako ng buhay ng mga kaopisinang sa kabila ng aking pagiging mahigpit at corny ay may natutunan sa akin kahit papaano. Sana dumating ang panahon na muli ko kayong makasalong lahat sa pagkain ng mainit na pansit.

No comments: