Friday, January 24, 2014

Lesson learned...








KAMAKAILAN ay natawag ako sa isang job interview. Sa kuwento ng buhay ko, siguro ay pang-apat beses pa lang ito na nag-apply ako sa isang kumpanya at na-interview. Sa apat na job interviews na iyon ay sa isa lang ako na-employed—sa Caltex Refinery sa Batangas City circa ‘80s.
Hindi ako masuwerte sa pag-apply sa trabaho, pero masuwerte naman ako na laging may trabaho dahil basta may nagbukas na malaking publishing company ng bagong title, ipinatatawag ako. Pag may mga negosyanteng gustong magtayo ng publishing na maliit, kadalasan ay ako ang nairerekomenda.
Okey naman ang kita ko kahit papaano, pero ‘ika nga ay lagari sa oras. Kung minsan ay nagtatrabaho ako sa apat na publishing company, kaya hindi rin ako halos napapahinga 24/7. Kahit namamasyal kaming mag-anak ay hindi ako mag-enjoy dahil sala-salabat na isipin ang gumugulo sa aking utak lalo na pag sabay-sabay ang deadline.
Nang makita ko ang advertisement ng isang international company na naghahanap ng communication officer ay nagkainteres ako. Akmang-akma kasi sa work experiences ko ang job description. Tumawag ako sa kanilang opisina at nagtanung-tanong kung magkano kaya ang salary. Sa sinabing amount ng nakausap ko, naisip kong kahit iyon na lang ang maging work ko sakaling matanggap ako ay puwede na. Kahit bitawan ko na ang iba.
Online ang proseso ng application. Nang maipasa ko ang aking resume ay nakatanggap ako ng notification na may interview ako sa ganoong petsa. Excited ako nang sumapit ang araw na iyon.
Nang makaharap ko ang mga nag-interview sa akin ay pinuri nila ang credentials ko. Pero hindi na raw kami magpo-proceed sa interview proper dahil hindi ako qualified. College undergraduate kasi ako at mahigpit ang kanilang requirements pagdating sa academic status.
Nalaglag ang balikat ko...
If there’s any consolation, nanghinayang din daw sila sa akin dahil sa mga applicants ay ako ang may solid journalism background at maraming kakilala sa media. But a requirement is a requirement.
Ito ang aral na natutunan at pinagsisisihan ko...
Nang matanggap ako sa Atlas Publishing noong 1989 ay pinayuhan ako ng aking uncle na isang architect na magtapos ng pag-aaral. Gusto ko rin naman pero laging may hadlang. Una ay nagkasakit ako. Nang magkaasawa ako at magkaanak ay lalong nakalimutan ko na ang magkolehiyo.
Pero kasama ito lagi sa plano ko every New Year. Nagkakataon naman na tuwing school opening ay saka may dumarating na malalaking project kaya di ko maisingit. Sa kagaganoon, hindi ko na naipagpatuloy. At heto ngayon ang masaklap na kinahinatnan.
Napag-uusapan namin sa bahay ang isyung ito. Sabi ng anak ko ay subukan ko ang open university. ‘Yung mag-e-enroll lang ako pero sa bahay ako mag-aaral at magre-report lang sa school pag may exams o may miting sa propesor para raw hindi ako mahirapan sa oras. Pero mas gusto ko ang actual classroom na pisikal ang interaction sa mga kaklase at propesor.
Isa rin itong aral sa mga kababayan natin, lalo na ang mga bagets pa na nagkatrabaho na. Kahit kumikita na kayo ay isingit ninyo ang pag-aaral. Darating ang panahon na hahanapan kayo ng college diploma lalo na pag nag-iba na kayo ng linya. Huwag na kayong magpatumpik-tumpik pa dahil mabilis lang ang takbo ng panahon.
Dahil sa setback na naranasan ko, more than ever ay lalo akong naging desidido ngayon na magbalik-college. Bata pa rin naman ako. In two or three years time ay marami pang oportunidad na darating sa akin—lalo na pag hawak ko na ang aking college diploma.
At marahil ay hindi pa panahon para lumipat ako. May misyon pa siguro ako sa mga publishing kung saan ako connected.

No comments: