NANGUNA sa box office sa nakaraang Metro
Manila Film Festival ang pelikulang “My Little Bossings” na pinagbidahan nina
Vic Sotto, Ryzaa Mae Dizon, at ng mag-inang Bimby at Kris Aquino.
Interestingly, nangunguna rin ito sa pinakamaraming bashers sa social media.
Halos lahat ay nagsasabing pangit ang
pelikula. Pera-pera lang daw ang pagkakagawa. Obviously ay nakapanood ang mga
bashers na ito dahil mahirap naman siyempreng basta magkomento kung walang
knowledge sa movie na ngayon ay binabatikos.
May mga nagsasabing dapat daw ay sisihin ang
Eat Bulaga na nag-create sa sikat na sikat na “Aleng Maliit” dahil ito ang main
attraction ng pelikula kaya maraming nanood. Maraming nainis sa mga eksenang
obvious na ipino-promote ang mga product endorsements nina Vic at Kris. Halos
lahat naman ay nadismaya sa kawalan ng talent ni Bimby sa acting.
Pero ang umani ng pinakamaraming batikos ay
si Bossing Vic. Sa isang open letter ng katotong Lourd De Veyra ay nanawagan
ang mahusay na writer/TV host na dapat ay gumawa na si Bossing ng pelikulang
tatatak sa mga televiewers. Sinabi ni Lourd na in years to come, baka ni walang
makaalala na may naging pelikula palang “My Little Bossings.”
Nabanggit lang natin ang pangalan ni Lourd dahil
sa mga bashers ay siya ang sikat. Pero halos lahat naman ay iisa ang
sentimyento—basura ang pelikula.
Pero dapat bang sisihin si Bossing?
Ever since ay komersyal ang mga pelikula ni
Vic. Sa tagal na niya sa paggawa ng pelikula ay hindi siya umaalis sa kanyang
comfort zone na comedy ang tema. Kung gagawa siya ng heavy o kahit light drama,
I don’t think na makakapuno siya kahit isang sinehan.
Pero wala rin naman siyang sinasabi na tila
baga siya’y nagpapakalalim. Kahit sa kanyang TV show, siya si Bossing, the
funny man. Matawa ka o hindi, ayos lang sa kanya.
Sa ngayon, ang MMFF ay talagang mga bata ang
market. Sila ang may pera pag Pasko. Ang bulto ng kinita ng “My Little
Bossings” ay galing sa napamaskuhan ng mga bata—na siyempre ay kailangang
kasama ang mga parents sa loob ng sinehan kaya dalawang market ang nakopo ng
nasabing pelikula. Oo, nagamit bilang marketing tool si Ryzza pero bahagi iyon
ng negosyo.
Mahal na ang tiket sa sinehan, nasa P200 plus
na. Kung nakapanood ka ng basurang pelikula ay mapipikon ka talaga.
Marami-raming load din sa cellphone iyon, o kaya’y ilang stick ng yosi o bote
ng beer.
Pero ang problema ay nasa televiewers na rin.
Alam nang pangit ang movie, nanood pa rin. Sumabay sa bandwagon dahil baka
malamangan sa huntahan ng barkada. Nakiuso. Sabi nga ng aming associate editor
na si Jayson Vega sa mga ganitong mahihilig makiuso, nagpapaka-mainstream.
Na totoo naman. Dahil kung ang hanap pala ay
matinong pelikula, bakit hindi ang “10,000 Hours” na humakot ng maraming
parangal ang pinanood?
At bakit sa kabila naman ng pagkilala sa
“10,000 Hours” ay wala halos nanood? Walang pumupuri sa social media? Walang
sumisisi sa mga taong nasa likod nito kung bakit hindi kumita.
Sa isang workshop na nadaluhan ko ay
nabanggit ng aming lecturer na mahirap tukuyin bilang market ng kahit anong
produkto ang mga Pinoy. Kahit mayaman, nagpapakabaduy. Ang mga mahihirap naman,
nag-aastang well-off. Mas magkokolekta tayo ng mga plastic products na
naka-promo sa mga combo meals kaysa bibili ng kahit mumurahing alahas na balang
araw ay mataas ang value.
Pero iyon nga, mahilig tayo sa bandwagon.
Nakapila sa opening sale ng Apple products. Kailangang makapanood ng episode ng
“Fast and Furious” dahil hindi in sa grupo at magmumukhang eng-eng pag di
maka-relate sa kuwentuhan.
Hindi si Bossing ang gumawa ng “My Little
Bossings” kundi ang creative team na nasa likod nito na alam na alam ang buying
mentality ng mga Pinoy kaya hindi natin siya dapat sisihin kung parang natapon
sa wala ang P200 na ibinayad natin makapanood lang ng kanyang movie. Ang dapat
nating sisihin ay ang ating mga sarili sa pagtangkilik sa isang pelikulang
basura gayung in the first place ay alam na natin kung ano ang ating mae-expect
once na magsimula ang opening credits.
No comments:
Post a Comment