ILANG araw na akong naghahanap sa
social media kung napag-uusapan ba ng mga Pinoy ang plano diumanong pag-atake
ng China sa ating teritoryo. Nakapagtataka na wala akong nababasa. Pero pag
tungkol sa pagbatikos sa ating mga kapwa Pilipino at sa mga opisyal ng ating
pamahalaan ay napakasigla ng talakayan.
Ano ba ang saloobin natin sa isyung
ito at ‘ika nga ng mga beki ay dedma yata tayo? Hindi ba tayo naniniwala na
gagawin iyon ng China, o natatakot tayong harapin ang katotohanan na itutuloy
ng higanteng bansa ang plano nito?
Sa panig ng pamahalaan ay tumanggi
munang patulan ng Department of Foreign Affairs ang lumabas na ulat hinggil sa
sinasabing plano nga ng China na sakupin ang Pag-asa Island, isang island
barangay sa bahagi ng Kalayaan, Palawan.
Sinabi ni DFA spokesperson Raul
Hernandez na sa ngayon ay walang official pronouncement ang Beijing kaugnay sa
nasabing report kung kaya't iwas din muna sila sa pagbibigay ng pahayag.
"But we do comment on official
pronouncement by governments all over the world that would affect the interest
of the country. We don't comment on news articles that have unnamed and
unofficial sources," sabi pa ng kalihim.
Nailathala sa state-owned China
Daily Mail ang sinasabing "combat plan" umano ng Chinese Navy na
pag-takeover sa nasabing isla.
Layunin umano ng plano na mabawi ang
teritoryong sinasabing “ninakaw” ng Pilipinas mula sa China.
Sa ngayon ay namamagitan pa rin ang
territorial disputes sa pagitan ng dalawang bansa sa mga islang nasa bahagi ng
West Philippine Sea.
Malaki ang posibilidad na ituloy ng
China ang plano. Maraming dahilan kung bakit. Una na rito ay gusto nilang
ipakitang sa bahagi ng Asya ay sila ang pinakabarako.
Pumapalag na kasi ang Japan sa mga
kilos ng China, at nagpapalakas na rin ng mga gamit-pandigma. Bukod sa
Pilipinas ay ang Japan lang ang hayagang tumututol sa pagiging agresibo ng
China sa mga aktibidad nito sa dagat.
At napaka-creative ng China para
mapanindigan na kanila nga ang mga bahaging kanilang sinasakop. Una ay inilagay
nila sa kanilang pasaporte ang mga mapa ng mga lugar na kanilang inaangkin.
Hindi na puwedeng dumaan sa mga karagatan na sakop diumano nila kung hindi
hihingi muna ng pahintulot sa kanilang mga awtoridad. Maging ang sukat ng
himpapawid na sakop diumano nila ay minarkahan na rin nila.
Sa lahat nang ito, hindi pa talagang
masasabi ng China na epektibo ang kanilang mga taktikang ginagamit sa
pangangamkam. Kumbaga sa magkapitbahay, maituturo mo kung hanggang saan ang
lupa mo, pero ang magpapatunay pa rin kung gaano talaga kalawak ang iyong sakop
ay ang mohon. Mapapatunayan lang ng China kung gaano na sila kaseryoso sa
pamamagitan na nga ng tuwirang pananakop. Kung ang kanilang army ay tuluyang
tutuntong sa Pag-asa Island at itatayo ang kanilang watawat, mapapanganga
tayong mga Pinoy.
May magagawa ba tayo?
Lahat nang paraan sa dispute na ito
ay ginawa na ng Pilipinas at lumapit na rin ang ating bansa sa mga
international organizations para mahilot ang isyu. Ang problema, ang China
mismo ang umaayaw na pag-usapan ito sa maayos na paraan. Bakit nga naman
aayusin nang paupo kung kaya naman nilang kunin ang gusto nila sa pamamagitan
ng dahas?
Sa nakikita natin, kahit kasapi sa
United Nations, pag maliit na bansa gaya ng Pilipinas ay parang bingi rin ang
mga kasapi nito para tulungan tayo. At nakakatakot ang mga senaryong puwedeng
mangyari sakali ngang may katotohanan ang balitang lumabas.
Balik tayo sa netizens na matatapang
sa ibang isyu pero ngayon ay tumitiklop sa harap ng nakaambang pananakop sa
atin ng China. Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa na magpapakita tayo ng
karuwagan sa panahong ito. Mga Pilipino tayo na pinanday na ng maraming
digmaan. Naniniwala akong mangyari man ito, aalis tayo sa harapan ng ating computers
at gagaod papuntang Pag-asa Island para ipagtanggol ang ating kasarinlan.
And who knows, baka ang pangyayaring
ito ang muling magpaningas sa ating mga puso para muli nating matutunang
mahalin ang ating bayan.
No comments:
Post a Comment