Thursday, January 9, 2014

Ang kuwento ni Marino


BATA pa lang ako nang makilala si Marino. Binata na siya noon. No pun intended, isa siyang seaman. Kaya nga pakiramdam ko noong medyo nakakaintindi na ako ng grammar ay masyadong redundant pag tinatawag siyang si “Marinong seaman”.
Masarap kahuntahan si Marino lalo na kapag nagkukuwento siya tungkol sa mga bansa na narating niya. Ang kultura at tradisyon, ang anyo ng mga tao. Para siyang lalaking bersyon ni Lola Basyang na dinadala kami sa ibang mundo dahil sa kanyang mga kuwento. Parang isang librong naka-audio version.
At dahil puro mga binatilyo kaming nakikinig, hindi maiiwasang magkuwento siya ng tungkol sa mga babaeng banyaga na kanyang nakakaniig. Sa kanya, sa pamamagitan lang ng imahinasyon, ay namulat ang aming mga inosenteng kamalayan sa kamunduhan.
Isa sa pinakagusto kong kuwento niya ay tungkol sa Brazil. Doon daw, pag dumaong ang mga marino ay puwede kang pumili ng isang dalaga. Magsasama kayo sa loob ng panahon na nakaangkla ang barko—puwedeng sa isang bahay na uupahan n’yo—at magiging tila misis mo ang dalagang Brazilian. Siyempre, suportado mo sa pera at luho ‘yung dalaga—na nuknukan ng ganda at para raw diyosa. Ipinakita pa niya sa amin ang larawan na talaga nga namang perfect mula ulo hanggang paa.
‘Yun nga lang, pera-pera lang daw ang labanan. Minsan na may naka-live in siya na Brazilian na pang-Miss Universe ang dating, nangako siya rito na babalikan niya, pakakasalan at iuuwi rito sa Pilipinas. Ang siste, pagbalik ng kanilang barko sa Brazil ay may ibang marinong kasalukuyang ka-live in ang magandang Brazilian. Ang mas masakit, para raw siyang hindi nito kilala at di man lang bumabati sa kanya kahit nagkakasalubong sila sa dalampasigan at tinatawag niya ang pangalan nito.
Nagkukuwento rin siya kung paano nagsimula bilang seaman. Noong apprentice pa lang daw siya, kakarampot ang kanyang kita.
“Pag dumaong nga kayo at namasyal ka sa mall, pag nakabili ka ng imported na tsokolate ay tiyak ubos na ang iyong kita,” natatawa niyang pagbabahagi sa mga nakakanganga niyang audience.  Lumalaki lang daw ang kita ng seaman kapag matagal nang sumasakay sa barko at napo-promote. O kaya ay pag lumalaki ang palitan ng piso sa dollar. Nang mag-umpisa raw siyang sumakay, ang exchange rate ay $1=P7. Mataas pa kasi ang value ng ating pera noon.
Isa si Marino sa mga idol ko noon. Hindi kasi siya maramot at laging may pasalubong na kendi sa amin. Katu-katulong niya ako minsang bumaba siya ng barko at may uwi na stereo component na usung-uso noong dekada 80. Mamahaling sound system iyon na magkakapatong ang amplifier, booster, equalizer, tuner at may malalaking speakers. Nang patugtugin niya, sa sobrang lakas ng tunog, kahit katanghaliang tapat ay nagputakan ang mga manok at nag-ungaan ang mga baka. Hangang-hanga ako noon sa nasabing component dahil para sa isang taga-bukid na noon lang nakakita ng ganoon—it was rocket science.
Sa amin namang magkakalaro ay mukhang ako ang paborito niya dahil masikhay ako sa pag-aaral. Sinabihan pa niya ako na Marine Transportation ang kunin kong kurso para raw madali akong umasenso dahil alam niyang hirap na hirap kami sa buhay. Pero hindi nga nangyari iyon dahil mahal ang tuition fee sa mga maritime school—at dahil sa aking dark secret: Takot ako sa dagat! Kahit kailan ay hindi ako nag-aral lumangoy.
Marami ring naituro si Marino sa akin pagdating sa work ethics. Kailangan ay masipag, masikhay, kayod-marino. Lahat ng bagay sa trabaho ay kailangang alamin. Hangga’t maaari ay mag-masteral o mag-workshop. At maging maingat sa pera.
Halos lahat naman ito ay nasunod ko maliban sa isa—ang pagiging maingat sa pera. Naging gastador kasi ako nang magkatrabaho.
Nang magpakasal si Marino sa isang kababaryo namin, hindi sa Brazilian, makalipas ang ilang buwan ay sa Maynila na sila nanirahan. Laking tuwa ko nang iwan niya sa akin ang stereo component. Akin na lang daw dahil masyadong matakaw sa space. Hanggang ngayon ay nasa akin pa ito pero hindi ko na nagagamit mula nang mauso ang mga media players.
Paminsan-minsan ay bumibisita siya sa mga kamag-anakan sa aming baryo. Minsan ay nakikita ko siya. Nang mag-graduate ako ng high school ay binigyan pa niya ako ng P50 bilang regalo.
Nasa kolehiyo na ako nang huli kong makita si Marino. At malungkot na pagkikita. Isa na siyang malamig na bangkay, at doon sa aming lugar siya ililibing.
Ayon sa mga kuwento ay lumubog ang barkong sinasakyan niya at isa siya sa mga nasawi.
Sa pagkakatitig ko sa kanyang bangkay ay saka nag-sink in sa akin ang isang bagay na napag-usapan namin noon. Naitanong ko kasi sa kanya, “Kuya Marino, paano mo masasabi na ang isang seaman ay mahusay?”
Ngumiti siya nang sumagot sa akin. Aniya, “Hindi ka dapat tumalon sa tubig para iligtas ang iyong sarili kapag lumulubog na ang barkong iyong sinasakyan. Hindi mo dapat iwan ang mga pasahero at ang mga kapwa mo seaman...”

No comments: