Friday, August 24, 2007

buwan ng wikang pambansa

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

Ipinagdiriwang ngayong buwan na ito ang ‘Buwan ng Wika’. Agosto ginaganap ang okasyong ito kaagapay ng kaarawan ng bayani at dating pangulo ng bansa na si Manuel Luis M. Quezon na Ama ng Wikang Pambansa.

Sa pagiging patnugot (editor), kung minsan ay nalulungkot ako sa pababang kalidad ng mga manunulat sa ating sariling wika. Ang mga mag-aaral sa ngayon mula elementarya hanggang kolehiyo ay maraming mali sa pagsusulat sa Pilipino o Filipino. Naglalahuk-lahok ang gamit ng panghalip at pantukoy, hindi alam ang tamang paggamit ng bantas, banghay at kung anu-ano pang teknikalidad sa ating wika. Maging sa mga pahayagan, radio, TV, pelikula at iba pang gamit sa pakikipagtalastasan ay maoobserbahan na ang pababang kalidad sa paggamit ng ating pambansang wika.

Hindi ako dalubhasa sa ating wika ngunit pinipilit ko na maitama ito sa pamamagitan ng pag-aaral at patuloy na pagbabasa ng mga lumang akda ng mga naunang manunulat na hindi na siguro kilala ng mga kabataan ngayon gaya nina Lope K. Santos, Pelagio Cruz, Genoveva Edroza, Liwayway Arceo at marami pang iba. Sa mga sandaling dumadalaw ang pagkamakabayan ay binubuklat ko ang Noli at Fili, at sinasariwa ang mga panahong ang indayog ng ating wika ay musika sa pandinig at nagpapalaya ng daluyong ng nag-aapoy na damdamin.

Noong isang linggo ay napakiusapan ako ng isang lokal na pahayagan sa Kamaynilaan na maging hurado sa patimpalak sa pagsulat ng sanaysay, maikling kuwento at tula na idinaos ng nasabing pahayagan bilang bahagi ng pagdiriwang ng buwan ng ating wika. Nagulat ako sa akda ng mga kabataan na inisip kong kagaya lang ng mga nababasa kong inilalathalang aklat ng mga nagpapanggap na modernong manunulat sa panahon ng text messaging at Internet na kasumpa-sumpa ang panggagahasa sa tunay na anyo ng pagsusulat. Purista ang lengguwahe ng mga bata, at para akong nagbubuklat ng mga pahina ng Diwang Ginto at Diwang Kayumanggi.

May pag-asa pa naman pala ang pagpapanatili ng kinang ng ating wika.

Siyanga pala, ang mga kalahok sa naturang patimpalak na tumanggap ng karampatang premyo mula sa tagapaglathala ng pahayagang lokal ay mga mag-aaral mula sa isang pribadong kolehiyo ng mga Tsino.

Nakapagtatakang sa kabila ng kanilang dugong dayuhan ay nasa kanilang mga dila at isipan ang kinang ng ating salita. At para sa akin, ito ay isang malaking insulto sa mga purong Pinoy na nag-aaral sa mga paaralang lokal na gumagamit ng ating pambansang wika ngunit hindi makagawa o makasulat ng kahit man lang tamang pangungusap.

1 comment:

Anonymous said...

infairness!
hehe,