Monday, August 6, 2007

DESAPARICIDOS (silang mga nawawala...)

Alay kay Jonas Burgos... sa kanyang ika-100 araw ng pagkawala...

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

Desaparicidos (…silang mga nawawala...)

MATAGAL nang nakatitig si Aling Modesta sa tsampuradong nakahain sa mesa. Kanina pang alas singko niya inihain iyon. Umuusuk-usok pa. Ngayon, malamig na. Sumulyap siya sa relo sa dingding. Alas nuwebe na ng umaga. Hindi na siguro darating si Emmanuel. Ang kanyang si Emmanuel…
Malungkot na tinakpan niya ang tsampurado. Hindi bale, baka bukas ay dumating na ang kanyang anak. Pumasok na siya sa salas para asikasuhin naman ang ibang gawain.
Nakatuwaan niyang ayusin ang photo album nila ni Emmanuel. Si Emmanuel ang bugtong niyang anak na tanging naiwan ng kanyang asawa. Ang kanyang mister, si Mang Luis, ay namatay sa aksidente sa Saudi Arabia at hindi na nakilala ni Emmanuel. Sa kabilang dako, nalulungkot din siya na hindi na nito nakita ang kanilang anak na lumaking matalino. At kakatwa…
Kakatwa si Emmanuel simula pagkabata. Hindi pa halos lumalakad ay nakababasa na dahil nakatuwaan niyang turuan ng Abakada. Palibhasa ay walang kalaro, nagkamalay itong mga aklat ang kasa-kasama. Sa murang edad, makakapal na libro na ang nabasa nito at maraming tula ang namemorya.
Mapagmalasakit din si Emmanuel. Bukod sa laging namimigay ng pagkain at pera sa mga kaklaseng dukha nang mag-aral na ito, naglilimos din sa mga pulubi. Kadalasan ay may uwing asong kalye o pusang ligaw. Kawawa raw kasi, walang matutuluyan ay baka mamatay.
Inakala ni Aling Modesta na magpapari si Emmanuel dahil sa kabaitan. Ngunit hindi naghahayag ng anumang salita mula sa Bibliya ang kanyang anak. Puro gawang maka-Diyos. Mas madalas nitong sabihin sa kanya kapag nag-aalmusal sila ng paborito nitong tsampurado ang tungkol sa kawawang kalagayan ng bayan, ang pagdami ng ayon dito ay mga buwaya sa katihan, ploretaryo, at mga salitang hindi niya maunawaan.
"Ang ating pamahalaan, bukod sa malakolonyal na ay malapiyudal pa," sasabihin nito sa kanya. "At hangga't nasa kapangyarihan ang mga naghaharing uri, hindi natin makakamtan ang tunay na kalayaan." Mga salitang hindi sakop ng kamalayan ni Aling Modesta.
Nasa kolehiyo na noon si Emmanuel. At sa obserbasyon ni Aling Modesta, marami ng pagbabago sa dating batang ang tanging libangan ay mga aklat.
Lumawak na kasi ang sirkulo ng mga nakakasalamuha nito. Madalas, may mga kasamang kapwa estudyante sa kanilang bahay at ipinagsasalo sa paborito nitong tsampurado. Kung anu-ano ang talakayan ng mga ito: kalayaan, katarungan para sa higit na nakararami, reporma sa pamahalaan at kung iba pang pakikibaka raw para sa kalayaan, na gaya ng dati ay hindi niya maunawaan. At magtatapos ang mga ito sa pag-awit ng ng "Bayan Ko" bago maghihiwa-hiwalay.
Unti-unti, nakaramdam ng takot si Aling Modesta para sa kanyang si Emmanuel. Takot na hindi niya maipaliwanag.
At ang kanyang takot ay nanunawaan niya minsang makapanood ng balita sa telebisyon. Hindi siya maaaring magkamali. Ang kanyang anak ang nagtatalumpati sa harap ng mga estudyante at welgista, may nakataling pulang laso sa ulo at nagpapaliwanag ng madalas nitong sabihin sa kanya na mga kabulukan sa gobyerno.
Gayon na lang ang gimbal ni Aling Modesta nang hindi pa natatapos ang live coverage ng naturang balita ay may pumasok na mga pulis sa hanay ng mga raliyista. Nagkagulo. Nagkabanatan ang mga pulis at raliyista. Napaantada si Aling Modesta. "Diyos ko po, ang anak ko!"
Hindi mawala-wala ang kanyang kaba dahil hindi na muling ipinakita ang balita. Binuksan niya ang radyo upang dito naman makinig. Wala rin siyang nakuhang impormasyon. Hindi na nawala ang panginginig ng kanyang katawan. Ang anak ko, napaano na kaya? Magdamag siyang gising na nakabukas ang radyo at telebisyon sa pag-asang baka magbalita muli sa naganap na rally.
Ngunit naubos ang kanyang luha at nag-signoff na ang istasyon ng telebisyon at radyo ay wala na siyang narinig. Nasaan na ang kanyang si Emmanuel? Bakit hindi ito nakauwi?
Sa panahon ng kanyang pagiging ina rito at mula nang pumanaw ang kabiyak, ngayon lang niya muli naranasan ang magdalamhati.
Kinabukasan, naghahain na siya ng tsampurado nang dumating ito. Putok ang nguso at ulo, ngunit nakangiti. Nagmano sa kanya at agad umupo sa puwesto nito sa mesa at nilanghap ang tsampurado.
"Hmm…" palatak nito. "Bakit ang tsampurado mo, Inay, ay amoy kalayaan?"
Hindi siya sumagot. Nang mag-angat ito ng tingin sa kanya, basa na ng luha ang kanyang mga mata.
"Inay, bakit?" takang tanong nito sa kanya.
Hindi siya sumagot. Tumayo ito at lumapit sa kanya. Inulit ang tanong.
"Hindi ba dapat na ako ang magtanong niyan, anak?" aniya sa naghihinagpis na tinig. "Mamamatay ako sa mga ginagawa mo! Bakit hindi mo pa tigilan 'yan? Tapusin mo na lang ang pag-aaral mo, humanap ng trabaho, magpamilya at mamuhay nang matiwasay. Iyon ang gusto kong makita sa 'yo. Hindi 'yang kung anu-ano ang pinapasok mo. Tingnan mo ang ayos mo, nabugbog ka nang walang dahilan!"
Masuyong pinisil ni Emmanuel ang kanyang pisngi. Iyon ang paraan nito ng paglalambing sa kanya. "Gusto ko nga sana, Inay. Gusto kong narito lang ako sa bahay at nagbabasa ng mga aklat o nagkukuwentuhan tayo. Pero habang nakikita ko ang kawawang kalagayan ng ating mga kababayan, ng ating bayan mismo, ng kahirapang sumasakmal sa ating bayan, hindi yata puwedeng nagbabasa lang ako ng libro. Kailangan kong makilahok."
May determinasyon sa tinig ni Emmanuel. Alam ni Aling Modesta, lahat ng pagpupunyagi niyang pigilan ito sa nais ay mauuwi lang sa wala. Kilala niya ito. Ang sinabi nito ay tila isinulat sa bato na hindi puwedeng burahin.
Isinugal niya ang huling baraha. "Paano ako? Hindi ka ba naaawa sa akin? Paano kung mamatay ka? Sino pa ang titingin sa akin?"
Niyakap siya ni Emmanuel at hinagkan sa noo. "Kapag nangyari iyon, Inay, sakaling mamatay ako, isa ka na sa pinakadakilang ina sa mundo. Alam mo bang ang tunay na kahulugan ng pagiging ina ay ang pag-aalay ng kanyang anak para iba? Gaya nang ginawa ni Maria kay Hesus?"
Nagsalita na ng tungkol sa Bibliya ang kanyang anak. Nawalan na siya ng ikakatwiran dito. At pakiramdam ni Aling Modesta, simula nang araw na iyon, naramdaman na niya ang pait sa dibdib ni Maria nang ipako sa krus ng mga Hudyo si Kristo.
***
NAGSIMULA ang kalbaryo ni Aling Modesta nang ibaba ang Martial Law. Hindi na niya nakita ang anak. Ang balita ay dinampot daw ng militar ngunit nalibot niya halos lahat ng stockade ay hindi niya nakita. Kapag may nababalitang bangkay na nahukay, basta kayang puntahan, sugod siya. Inilagay na rin niya ang larawan nito sa talaan ng desaparecidos o mga nawawala.
Prominenteng pigura siya sa pagpupulong ng mga kaanak ng mga desaparecidos. Nagbabakasakaling may nakakakilala sa kanyang anak. Natuklasan niya, kilalang-kilala si Emmanuel at ang layunin nitong pagbabago para sa bayan. Ngunit nawawala talaga ang kanyang anak.
Pahayagan, radyo, telebisyon… lahat ng ito ay nilapitan na niya sa paghahanap kay Emmanuel. Wala siyang kapaguran. Ngunit wala ito. Umaalis siya sa umaga at dumarating sa gabi na pagkabigo at luha ang dala. Nasaan na ang anak ko?
Nakitulong sa paghahanap kay Emmanuel ang kanyang mga kamag-anak. Ngunit araw, linggo, buwan at mga taon na ang lumipas, ang lahat ay nananatiling isang paghahanap.
Sinukuan ng kanyang katawan ang paghahanap. Ngunit hindi ang pagluluto ng paboritong tsampurado ni Emmanuel. Baka kasi anumang oras ay dumating ito at nagugutom.
Hindi na niya mabilang ang mga taon ng pagkawala ng anak. Noong isang araw, sinabi sa kanya ng ina ng dating kasama nito na nawawala rin na napabalik na raw sa pamahalaan ang isang bahagi ng kayamanan ng mga Marcos. May makukuha raw silang kompensasyon kapalit ng pagkawala ng kanilang mga anak na kasama sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Marcos.
Ayaw niyang magpabayad. Ayaw niyang isiping patay na ang kanyang anak. Saka sabi ni Emmanuel, ang pagmamahal sa bayan, kahit buhay ang katumbas ay ginagawa ng walang hinihintay na kapalit. Baka pag tinanggap niya sakaling mabayaran nga, magalit naman sa kanya si Emmanuel. Ayaw niyang magdamdam ito sa kanya.
Nakikita niya ang larawan ng anak sa mga kabataang nagra-rally ngayon para sa bayan. Kapag napapanood niya sa telebisyon, iisa-isahin niya ang mga mukha ng batang raliyista at pilit hahanapin ang imahe ni Emmanuel. Matapang, determinado at may paninindigan.
At sa mga batang ito, nakikita niya ang katotohanan ng isa pang sinabi sa kanya ng anak.
Maliban na ang isang butil ay mahulog sa lupa, ito ay tutubo at mamumunga ng higit na marami.
Ngayon, ayaw na niyang maghanap. Mas gusto niyang desaparecido si Emmanuel. Sa gayon, mananatili itong buhay sa kanyang alaala.
At hindi siya magsasawang tuwing umaga at hapon ay magluto ng tsampurado. Kapag nalalanghap niya ang aroma ng tsampurado, naaalala niya ang sinabi ni Emmanuel: Bakit ang tsampurado mo, Inay, ay amoy kalayaan?
At sa kabila ng dalamhati, mapapangiti si Aling Modesta.

(NOTE: Originally appeared in Kabayan, Diwaliwan, The Batangas Post)

1 comment:

evEr said...

KC,

Very touching. Mali pala. Very enraging. Bakit ba laging gano'n. Bakit hindi collective agad ang response ng mamamayan sa isang rehimeng pahayop. Bakit pailan-ilan ang nagsisimulang magsaayos ng mali kaya madaling lagasin.

Emmanuel din ba 'yung aktibistang anak ni Amanda sa Dekada '70? Hindi 'yung pelikula ha (it sucks big time), 'yung nobela. Nalimutan ko na. 1992 ko pa nabasa eh.

Great blog KC. The humor turns me on.