Thursday, August 9, 2007
remembering vincent kua
…For they could not love you
But still your love was true
And when no hope was left inside
On that starry, starry night
You took your life as lovers often do
But I could have told you, Vincent
This world was never meant for one as
beautiful as you…
Alas dose ng hatinggabi, October 23, 2005 ay isang text message ang natanggap ko. Ang sender ay si Vincent Kua, writer/illustrator ng Nginiiig! Horror Stories. Sa wakas, naisip ko, nag-reply din. Matagal ko na kasi siyang tini-text at tinatawagan sa bahay niya pero hindi ko makontak. Malapit na ang third issue ng magasin at gusto kong ma-confirm kung siya pa rin ang magdodrowing. Nagpahiwatig na kasi siya na gusto muna niya ng masasayang drowing at magpapahinga muna sa paggawa ng horror.
Binasa ko ang mensahe: Vincent Kua passed away this morning. His remains lies at…
Hindi ko na naunawaan ang ibang bahagi ng mensahe. Hindi ko rin inisip na isang practical joke ito ni Vincent. May isang bahagi ng isip ko na nagsabing totoo ito, at isa ring bahagi ng katawan ko ang parang nawala. Sa mga sandaling iyon, hindi ko alam kung iiyak ako o kung ano ang dapat kong maramdaman.
Nagsunud-sunod ang dating ng text messages at tawag sa landline ko. Lahat ay iisa ang sinasabi, tungkol kay Vincent. Mga kaibigan at dating kasamahan sa mga publication na gumamit ng kanyang talento. Nanghina ako, totoo na talaga ito. Wala na si Vincent…
Lumaki ako sa isang pamilyang mahirap na ang tanging libangan ay magbasa. Ang bahay namin ay puno ng aklat at komiks. Noon pa man, nababasa ko na ang pangalan ni Vincent Kua sa komiks. Isa siya sa mga paborito ko noon dahil iba ang approach niya. Kumpletong pakete sa komiks si Vincent dahil ang napakagaganda niyang akda ay siya na rin ang nagbibigay-buhay sa pagguhit.
Ang pangarap ko ay maging sundalo pero sa halip na baril ay lapis ang aking nahawakan, dahil na rin siguro sa sobrang hilig ko sa pagbabasa. Isang masuwerteng event sa buhay ko ang naganap at ang kapalit niyon ay editorial position sa pinakamalaking publication noon ng komiks. Ang pagiging editor ang naging daan para makilala ko ang mga big names noon sa comics industry—kasama na si Vincent Kua.
Sa mahabang panahon ay naging franchise contributor ng Graphic Arts Service Inc. si Vincent. Halos lahat ng comics title ng GASI ay may nobela siya. Forte ni Vincent ang horror-fantasy, pero ang mga kakontemporaryo niya ay nagsasabing mas matindi siyang magsulat ng drama. Ilan sa mga kinilalang akda niya sa komiks ang Ad Infinitum at ang Bedtime Story. Siya rin ang creator ng popular cartoon strip na Pokwang.
Nakikita ko na si Vincent noon sa pagtitipon ng mga taga-komiks, pero hindi ko nakakausap. Noong kasikatan niya ay lagi siyang napapaligiran ng mga kasamahang writer. At kahit editor na ako noon, parang mahirap para sa akin na basta na lang lapitan siya. Ang hinahangaan na nababasa ko lang dati, naririto na sa malapit, pero hindi ko pa rin maialis na tagahanga pa rin lang niya ako, at siya, nananatiling idolo.
After almost 8 years ng pagiging editor sa komiks ay lumipat ako sa isang publication ng romance pocketbooks. Na-shock ako nang isang araw ay may tumawag na gustong mag-contribute, siya raw si Vincent Kua. Okey, sabi ko, kung may time siya ay magpunta sa opisina tutal ay kulang pa ako sa contributor. After lunch, dumating siya. Nagkakilala kami, officially, at naubos ang aming oras sa pagkukuwento ko sa kanya kung paano ko siya hinangaan at inidolo, at ang kawalan ko ng lakas ng loob na magpakilala sa kanya noon. At natuklasan ko, sa kabila ng kanyang status, isang simpleng tao si Vincent na ang pinakaimportanteng bagay ay ang kanyang sining. Sabi niya, simula sa araw na iyon, magkaibigan na raw kami—isang malaking karangalan para sa akin.
Mahusay magsulat ng romance novel si Vincent. Natatandaan ko, ang manuscript niya ay laging pinag-aagawan ng mga dalagang staff ko noon dahil kinikilig sila sa mga karakter at plot. Kaya pala natatagalang mai-layout… binabasa n’yo na agad, madalas kong isinghal sa kanila.
Nang medyo humina na rin ang industriya ng Tagalog pocketbook at nagsimula na akong magtrabaho sa dyaryo, bihira na kaming magkita ni Vincent pero madalas kaming mag-usap sa telepono. Nakasama siya sa ilang TV programs sa ABS-CBN. Nanalo pa siya sa Carlos Palanca Memorial Awards para sa kanyang inilahok na screenplay, at kasabay nito ang pagpapalabas sa Maalaala Mo Kaya ng buhay ni Walter Navarro na siya ang sumulat, isang pagpapatunay kung gaano siya kahusay magsulat. Bago siya pumanaw ay kasama siya sa isang film project na siya mismo ang sumusulat ng script. Sa kanyang lamay ay ipinakita pa sa akin ng ate niya ang sequence treatment ng script. Sayang at hindi niya natapos.
Nagkita muli kami ni Vincent nang magkaroon siya ng problema sa komedyanteng si Pokwang. Nabanggit ko sa itaas na siya ang creator ng Pokwang at hinahabol niya ang copyright na ginamit na pangalan ng komedyante. Ang hinihingi lang umano niya ay magkausap sila ni Pokwang, hindi maghabol ng pera. Dahil para sa kanya, ang mga obra niya ay karugtong ng buhay niya at hindi dapat na basta na lang gagamitin ng iba.
Katulong niya ako sa paghahanap ng legal na paraan para huwag magamit ng komedyante ang pangalang Pokwang. (Nakamatayan na ni Vincent ang kaso na isinampa na niya sa National Bureau of Investigation. Hindi ko alam kung ipinagpatuloy ng kanyang pamilya ang kaso.)
Sa mga panahong iyon ay lalo kaming naging magkapalagayang loob. Dito na rin siya nakapagbukas ng mga naging frustration niya sa kanyang career. Ganoon yata talaga, kahit matagumpay sa kanyang career ang isang tao ay lagi ring may kaakibat na frustrations.
Naging grateful si Vincent sa ginawa kong pagtulong sa kanya sa Pokwang case. Kaya nang simulan ang Nginiiig! Horror Stories ay agad siyang pumayag magsulat at magdrowing, although lagi niyang sinasabi sa akin na sana raw ay masasayang kuwento na ang aming gawin, tapos na raw kasi siya sa mga kuwentong pantasya at katatakutan.
Sa mga panahon ng deadline ng aming magasin ay madalas kaming magkasama, kuwentuhan ng mga nakalipas na panahon sa komiks. Sabi niya, sana magkaroon ng rebirth ang comics industry. Sayang daw kasi ang napakaraming may talent sa pagsusulat at sa pagguhit, lalo na ang mga kabataan. Aniya, kaya siya tumigil na rin sa paggawa sa Atlas (medyo nagpa-publish pa nang pasulput-sulpot) ay ayaw na niyang makaaagaw ng mga batang nagkokomiks. Kapakanan pa rin ng future writers and illustrators ang naiisip niya.
Hanggang ngayon ay marami akong natatanggap na text messages ng mga taong hindi ko kilala at nagtatanong tungkol kay Vincent. May panahon kasi na nagtayo siya ng sariling comics academy, ang VK Comics Studio. Maraming writer at illustrator ang kanyang naging produkto.
Sa lamay kay Vincent, hindi ko pa rin makumbinsi ang sarili ko na he’s gone forever. Para akong nawalan ng kuya. Aaminin ko rin na may guilty feelings ako dahil ayaw na niyang gumawa ng horror stories, hindi lang niya ako matanggihan. Baka na-pressure siya. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko dadalhin ang guilt na ito.
Gayunpaman, alam kong sa mga huling sandali ng buhay niya ay naging masaya siya sa tropa namin sa ABS-CBN Publishing. Minahal siya ng buong staff at kinilala ang husay sa pagsusulat at pagguhit—mga kaligayahan at kayamanan ng isang tunay na alagad ng sining. Kapag deadline at sa opisina siya nagdodrowing ay binibigyan namin siya ng sariling space lalo pa at ayaw niya na medyo maraming nag-uusyoso sa kanya pag may ginagawa. Natatandaan ko pa na halos ay walang nag-breaktime nang malamang naroon si Vincent Kua at nagdodrowing, napakarami pala niyang fans doon at gusto siyang Makita nang personal. Naikuha ko rin siya ng magandang rate, at todo asikaso sa aming editorial assistant lalo na pagdating sa lunch at meryenda. Nang siya’y pumanaw ay nag-iyakan ang mga nakatrabaho niya sa editorial namin nang iparating ko; at ibinalita ng aming HRD sa online bulletin ang insidente, at nanawagan ng taimtim na panalangin para sa kanyang maligayang pagbabalik sa sinapupunan ng Dakilang Lumikha.
Para sa mga tagahanga niya, mga nakasama niya na sa isang pagkakataon o panahon ay nahaplos ng kanyang mga obra ang puso at kalooban ay isang malaking kawalan wala sa panahon na kanyang maagang paglisan.
On second thought, kung marahil naman at buhay nga siya at nasasaksihan ang ‘Philippine comics rebirth’ sa kasalukuyan ay baka madismaya lang siya. Hindi ang ganitong senaryo ang kanyang inaasahan at inaaasam para sa mga taga-komiks.
And if I have to paraphrase Don McLean: But I could have told you, Vincent…this so-called rebirth of Philippine komiks was never meant for one as beautiful as you…
(Photo courtesy of komikero.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
alam mo kc, marami akong unforgettable memories with vincent. paborito ko rin siyang manunulat at dibuhista. actually, nagka-crush ako sa kanya noon. ang saya ko nang magkaroon ng VK Komiks Studio. nag-enroll ako para matutong mag-drawing pero hindi ko yata linya. natuto lang ako pero hindi ko na-polish iyon. we're close to him during the VK Studio Plus Days. we even slept at his studio, once in a while. tambayan namin 'yon dati. we went to his house and pinaghanda niya kami. we also went to bulacan together with other students. nang mamatay ang tatay ko, pumunta siya sa burol sa aming maliit na tahanan. he was once a friend...ang huling kita namin, pababa ako ng hagdan ng mrt guadalupe at siya naman ay paakyat. akala ko ay hindi niya ako babatiin pero nang malapit na siya sa akin ay bigla siyang tumawa sabay turo sa tiyan ko. kaya nang mamatay siya, kahit na malayo, pumasyal rin ako sa wake niya. pero kahit na nawala na siya, sa palagay ko, marami siyang magagandang memories na naiwanan sa ating lahat.
aira L
Post a Comment