Wednesday, December 30, 2009
palaman lang si chiz sa kuwentong ito...
GUSTO kong ipagpag ang pangyayaring ito sa akin ngayong 2009 para naman sa 2010 ay hindi ko na dala-dala. Aaminin kong may second-thought ako na sulatin ito, pero siguro ay may mapupulot ang ilang readers sa naging karanasan ko.
Bago natapos ang Agosto 2009 ay sinabihan ako ng isang kakilala na may gagawin kaming tabloid. Ang publisher ay bagong kakilala niya, at mayroon silang magandang business deal na niluluto. Sa business deal nila ay hindi na ako kasali.
Magiging managing editor ako ng tabloid at ang kakilala ko ang editor in chief. Eight pages ang tabloid, at lalabas mula Lunes hanggang Biyernes.
Ayon sa kakilala ko ay sinabi na niya sa publisher kung magkano ang suweldo ko. Lilinawin ko lang na bago ko pa nakilala ang publisher, ang kakilala ko na ang nagsabi kung magkano ang magiging suweldo ko—na para sa akin ay maliit.
Pero ako naman ay marunong makisama kaya sige na nga. Isa pa, medyo kailangan ko rin ng ekstrang kita dahil mahirap ang buhay.
I assumed na ang gagawin ko ay kolum ko, editorial at front page.
Sa madaling sabi ay naumpisahan ang proyekto. Ako na rin ang kumuha ng layout artist at ng editorial cartoonist.
Unang araw pa lang ng deadline ay naramdaman ko ng hindi okey ang sitwasyon. Sa aming bahay muna ginawa dahil ayoko nang pumasok sa opisina. Ako pa ang sumundo sa artist, nagdesisyon kung ano ang magiging template—at sa halip na 3 pahina ay 6 ang ginawa ko dahil ako pa ang gumawa ng mga balita at ibang laman.
Sinabi ko na sa kakilala ko na hindi ko kaya ang gayung sitwasyon. Ayoko na, first and last issue ko na ‘yun. Hindi naman siya umimik.
Kinabukasan ay tinawagan niya ako at nag-usap kami. Mahalaga aniya ang business deal nila ng publisher dahil nakakatulong iyon sa kanyang negosyo. Naawa naman ako kaya sabi ko, sige, ituloy natin ang dyaryo at baka-sakali na maka-adjust ako sa sitwasyon na araw-araw ay may ginagawa. Pero hindi na ‘kako puwede sa bahay mag-deadline, humanap na lang sila ng ibang place.
Kung nagtataka kayo kung bakit walang opisina, nagkasundo kami ng publisher na hindi na mag-oopisina para matipid sa gastos. Tutal sa pamamagitan ng internet ay kaya namang tapusin ang deadline.
Pero hindi dito natapos ang problema dahil may isyu sa pagitan ng kakilala ko at ng layout artist pagdating sa kanilang working schedules. At nagsabi sa akin ang layout artist na mukhang hindi rin siya tatagal, lalo pa at sa bahay naman nila tinatapos ang deadlines. Pagdating pa raw doon ng kakilala ko saka gumagawa ng materials nito dahil walang computer sa bahay. Ang kakilala ko ay may issues din naman kontra sa layout artist dahil masyado raw maraming tao sa bahay ng mga ito, at mahirap ang parking. Sabi ko ang pinakasolusyon ay magkaroon siya ng sariling laptop para sa bahay naman niya linisin ang finished pages.
Sa madaling sabi, bumili ng laptop ang kakilala ko at pansamantala ay naplantsa ang mga problema.
Pumasok naman ang problema sa publisher.
Ayon sa publisher ay hindi niya gusto ang tinatakbo ng tabloid dahil masyadong showbiz. Siyanga pala, ang publisher ay isang abogado at tawagin natin siyang si “Atty.”
Nagpaliwanag ako kay Atty. na unti-unti ay maaalis naman sa pagka-showbiz ang tabloid dahil nangangapa pa lang kami dahil halos lahat ay ako ang sumusulat ng laman. Naghahanap din siya ng magagandang artikulo, pero ang gusto niya ay hindi siya magbabayad.
Naisip ko tuloy, kung magsusulat ako ng mga articles pero hindi na ako mag-e-edit ay kikitain ko na ang suweldo ko sa kanya. Ang nangyayari tuloy, nagsusulat na ako, nag-e-edit pa pero ang suweldo ay kayliit. Hindi pa ako makaalis sa bahay dahil araw-araw ang deadline. Sa totoo lang, medyo nasasagasaan na rin pati ang iba kong trabaho.
At anim na pahina ang ginagawa ko araw-araw! Samantalang managing editor lang ako at hindi EIC.
Dagdag pa rito, kapag busy ang kakilala ko ay ako na rin ang gumagawa ng pahina niya, kaya may mga pagkakataon na 8 pahina ang ginagawa ko araw-araw!
Alam kong hindi ito normal kaya kinausap ko ang publisher. Sabi ko sa kanya ay kailangan namin ng dagdag na tao dahil nabubulunan ako ng trabaho ay maliit lang naman ang suweldo ko. Aniya ay hindi posible ang dagdag na tao, pero may solusyon.
Napansin daw niya na mas skilled ako kaysa kakilala ko kaya ako na ang gagawin niyang EIC tutal ay nakita niyang ako rin naman halos ang gumagawa ng dyaryo. Sabi ko ay nakakahiya sa kakilala ko. Siya raw ang bahala tutal ay siya ang publisher. Sabi ko, basta gawin niyang malinaw ang usapan dahil ayokong lumabas na nanulot ako. Pero ayoko rin naman ‘kako na parang nagamit naman ako sa business deal nila kung anuman iyon. Pakiramdam ko kasi ay nae-exploit ako ng dalawa.
Nagkausap sila at medyo hindi naging maganda ang resulta. Pero dahil sa business deal nila ay pumayag na rin ang kakilala ko na mag-step down as EIC at maging section editor na lang. At sasabihin ko sa inyo, mula noon ay naging delingkwente ang pagpapadala niya ng materials, at madalas kaysa hindi ay inaabot ako ng gabi sa pagte-check ng finished layouts dahil sa kanya.
At ang publisher naman palibhasa’y abogado ay maligalig pa sa batang pinadedede. Ipinagmamalaki niya sa akin na kaibigan niya si Sen. Chiz Escudero, na noon ay matunog na kakandidato sa pagkapangulo. Mahigpit ang bilin niya sa akin—walang write-ups tungkol sa mga kalaban ni Chiz, and if possible, dapat naman ay may balita (na maganda) tungkol kay Chiz.
Nagsuspetsa ako na gusto niyang gamitin ang tabloid niya para sa kandidatura ni Chiz.
In fairness to Atty., bukod sa “Chiz factor” ay wala naman siyang angal sa mga ginagawa ko sa dyaryo at appreciated niya ang mga sinusulat ko. ‘Yun nga lang, naramdaman ko na super kuripot siya.
Hindi kumpleto ang unang suweldo ko at na-delay pa nang ilang araw. Pinalampas ko muna iyon. Natagalan din bago siya nakapagbigay ng external hard drive sa layout artist (napuno na kasi ang HD ng laptop niya). At bukod sa tabloid, pinagagawa niya ng extra na trabaho ang layout artist pero kasama na iyon sa suweldo sa tabloid.
Sa pagdaan ng mga araw ay lumala ang sitwasyon dahil hindi gusto ni Atty. ang mga materials ng kakilala ko dahil masyado raw libelous. Sabi ko sa kanya, batay sa usapan namin ay hindi ko pakikialaman ang materials ng kakilala ko kaya siya ang umareglo sa problema. Madalas niya akong tawagan tungkol sa ganitong sitwasyon, mainit ang ulo niya. Reklamo naman ng kakilala ko, hindi tumupad si Atty. sa naging business deal nila at napakapangit nang ginawa nito na parang sinabotahe ang negosyo niya. Naramdaman kong hindi na okey ang sitwasyon sa pagitan naming tatlo dahil may kanya-kanya na kaming issues sa isa’t isa. Napapagod ako emotionally at physically sa isang trabahong hindi ko ma-enjoy dahil sa dami nang nagsusulputang problema.
At gusto ko nang umayaw. Marami akong nami-miss sa buhay dahil sa dedikasyon sa propesyon, bukod pa sa wala naman akong maramdaman na may patutunguhan ang mga ginagawa ko. Magtatapos na noon ang Setyembre pero pakiramdam ko ay isang taon ko nang ginagawa ang nasabing tabloid sa tindi ng mga kaganapan—lalo pa’t dumalaw si Ondoy na talaga namang nakaka-depress.
Isang araw ay excited na tumawag si Atty. sa akin at sinabing sa ganitong petsa ang magiging headline namin ay “Chiz for president!” Magdiriwang kasi si Chiz ng birthday on October 11, 40 years old na ang senador, at sigurado raw si Atty. na magdedeklara ng kandidatura ang kanyang kaibigan. Scoop daw ito at kami ang mauunang magbalita sa mismong araw ng birthday ng senador.
Hindi ko alam pero may reservation ako sa pagkandidato ni Chiz. May pakiramdam ako na hindi matutuloy. Siguro, kung matagal ka nang nag-oobserba sa ating political landscape, matututo ka nang bumasa ng kilos ng mga pulitiko. At aaminin kong hindi ako kampante sa magiging headline namin come October 11.
Gayunpaman ay nagbibiruan kami ng layout artist. Sabi ko, pag napaupo si Chiz sa Malakanyang, dahil BFF ito ni Atty. ay malamang na mapuwesto kaming dalawa sa Office of the Press Secretary. Baka maging Usec pa ako. Siya naman ‘kako ang magde-design ng bagong website ng OPS-PIA.
Nawala ang euphoria nang September 30 ay hindi ako nakasuweldo. Gayundin ang artist. Para akong nanghina. Ang layout artist, napaiyak sa pagkadismaya.
Unang linggo ng October ay nag-text sa akin si Atty. Out of town daw siya, nasa kanya ang tseke ko. Pag nagkita raw kami ay iaabot niya, o kaya ay idedeposito niya sa account ko. Huwag ko raw kalilimutan ang headline sa Oct. 11.
A-singko na ng October ay di pa rin siya nagpaparamdam. Hindi rin siya nagdeposito sa bangko. Tinatamad na talaga ako.
Kinabukasan ay wala na akong ganang magtrabaho pero naghanda pa rin ako ng materials. Sabi ko sa layout artist ay mag-check siya ng account niya. After a while ay tumawag ang artist, sabi raw ni Atty. ay okey na ang salary. Pupunta raw siya sa bangko para tingnan.
Nagpunta rin ako sa bangko para mag-check. Walang pumasok sa aking account. Pagbalik ko sa bahay ay tumawag sa akin ang artist, umiiyak. Kalahati lang daw ang ipinasuweldo sa kanya ni Atty. Sabi ko, sa akin ay wala. Tuluyan nang uminit ang ulo ko.
Ang deadline na gagawin namin noon ay may dalawang full page ads. Sabi ko sa layout artist ay gawin pa rin namin pero hindi ipadadala sa printer, basta tapusin lang. Bibigyan ko ‘kako ng leksyon si Atty.
‘Yun na nga, kinabukasan ay tumawag sa akin ang layout artist at pinagmumura raw siya ni Atty. Bakit daw hindi kami nag-deadline. Sabi raw niya ay hindi ako nagpadala ng materials. For some strange reasons, hindi naman ako tinawagan ni Atty. Ang layout artist ang inaaway niya. Galit na galit daw sa telepono.
Almost P60,000 ang halaga ng 2 full page ad sa isyung iyon na hindi masisingil ni Atty. kung hindi lalabas ang isyu nang araw na iyon. Hindi naman ako ganoon kasama, bago mag-alas onse ng umaga, sapat na oras para ma-print ang tabloid, ay ipinadala ko sa printer ang mga materials for printing. By that time, devastated na si Atty.—at alam niyang sinunog ko na ang tulay sa pagitan namin.
Nag-usap kami ng layout artist at humingi ako ng pasensya sa kanya dahil nadamay siya sa napakaraming problema ng tabloid. Huwag na rin ‘kako niyang isoli ang external HD, ‘yun na ang bayad sa hindi ipinasuweldo sa kanya ni Atty.
Noong birthday ni Chiz ay hindi pa nagdeklara ng kandidatura ang butihing senador. ‘Kuryente’ ‘ika nga ng mga peryodista ang scoop ni Atty. Hindi rin ako nagkamali ng kutob.
Kinakasihan pa rin ako ng Diyos. Kung pinasuweldo ako ni Atty. ay natuloy ang headline sa kanyang tabloid noong Oct. 11 na “Chiz for president!’ Nasaan na kaya ang kredibilidad ko ngayon kung nagkataon?
Hindi na ako nagkainteres na ituloy ang tabloid dahil lalaki lang nang lalaki ang utang ni Atty. sa akin at sa layout artist. Magagaya kaming dalawa sa mga nag-a-apply sa abroad na lagay nang lagay sa illegal recruiter sa pag-asang makakaalis pero hindi naman. Kaya bago pa lumaki ang utang, itigil na lang.
Nagbanta si Atty. na idedemanda kami. Kita mo nga naman! Kami na ang hindi pinasuweldo ay kami pa ang madedemanda. Natakot ang layout artist palibhasa ay babae at bata pa, saka siya ang laging hina-harass ni Atty. Sabi ko sa layout artist, wala naman kaming kontrata, walang pinanghahawakan si Atty. na naging empleyado kami. Saka anu’t anuman, idudulog ko sa National Press Club ang aming problema.
Up to this day, wala pa naman akong natatanggap na summons.
To be fair, bago natapos ang October ay nagdeposito naman si Atty. sa aking account—‘yun nga lang, napakalaki ng kulang.
Sabagay, sanay na akong magantso. Ang Risingstar nga ay “milyon” ang hindi ibinayad sa akin sa suweldo, materials, copyright at royalty. Na-shock kayo, ano? Pero ibang kuwento iyan—baka next year ko na isulat dahil mas mahaba.
Kamakailan ay nakatanggap ako ng email mula kay Atty. Naririto ang kabuuan bagaman at may ilan akong na-edit para maproteksyunan ang katauhan ng ibang sangkot dito. Ang e-mail niya, copy furnished ang layout artist, ay may subject na “Closure” at ganito ang nilalaman:
Dear KC and (layout artist),
I would like to believe na kahit papaano may pinagsamahan naman tayo kaya am writing this.
When the two of you abruptly left (the tabloid), (layout artist) was the recipient of my understandable anger (Sorry for that, [layout artist]). I also appreciate your apology as I understand you can only layout if there is no material.) I also texted KC to call me but to date, he has yet to do so. I believe that as Editor, he has the obligation to formally inform the Publisher of his intentions. I deliberately did not want to talk to (layout artist) yet before KC and I got to talk. Since I don't think any explanation of that sort is forthcoming (since I made my texted request last week pa), am writing this to convey to you my thoughts on the matter as I want to close this matter already.
Ang ipinagtataka ko to date is why the sudden stoppage? Ganoon na ba ako kasama to deserve that? Am I that so bad that the staff can drop out of an engagement without even sufficient notice such that the issue had to be late and my contractual arrangement with (government agency) be affected?
To be candid about it, KC voiced out to me previously the matter of (kakilala ko) not submitting his articles. But I think I have already corrected that. Sabi naman ni (kakilala ko) nag-submit naman daw siya ng article for that issue. Besides, the salary was increased from (amount) to (amount) when he took over (kakilala ko) post.
Ang ipinagtatampo ko lang naman is that sana binigyan nyo ako ng notice at the time na hindi n’yo na balak gawin iyong issue. Hindi iyong late na tayo saka ninyo ako sasabihan na hanggang diyan na lang. From what I learned from my employee days, before making such a decision like that, it is the employee's duty to make a turn-over, inventory etc. and at least, sufficient time to enable the employer to continue his business in the smoothest way possible. Under the circumstances, it may be not wise to ask for a prior notice of 1 month as is usual but at least you should have given me a week para di naman naapektuhan negosyo ko.
Because of the incident, muntik nang matanggal ang accreditation ng (tabloid). In fact, ngayon lang kami ulit makapaglalabas ng issue ulit. I hope you realize ang impact ng inyong sudden disengagement.
I am now ready to talk because nasolusyonan ko na ang problema. We are back at (government agency) so we can relegate this chapter as part of (tabloid) birth pains. Hopefully, the next time you accept a similar engagement, you will also take what happened as a learning experience.
P.S.
(To layout artist),
I had to withhold the balance of your salary pending return of the hard drive. Pasensya ka na but I had to do it as I think, resignations are usually attended by making an inventory. Sabi ko naman, as soon as you return it, you can get the balance of P3,000. Also, you left yata some streamer in our office na nakasama doon sa tarps. I was trying to call you to arrange its return. If we do not hear anything from you on that, we will assume that you no longer need those.
-Atty
**
For the record ay wala akong natanggap na text message mula kay Atty. para tawagan siya. Nagtataka nga ako kung bakit ang layout artist ang inaaway niya samantalang lagi naman siyang tumatawag dati sa akin. Siguro ay dahil hindi nga niya ako pinasuweldo.
Hindi na rin kami nag-uusap ng aking kakilala, at nalaman ko na marami na siyang napagkuwentuhan na may gap daw kaming dalawa at may sama ako ng loob sa kanya.
Nakapagtataka na sa email ni Atty. ay marami siyang binanggit tungkol sa employer-employee relationship pero hindi niya nabanggit na dapat, tuwing a-kinse at katapusan, magpasuweldo sa tauhan ang employer. At sana ‘yung kabuuan ng suweldo ko ay ibinigay niya para kumpleto ang closure. After all, pinagmukha ko namang totoong diyaryo ang kanyang tabloid kaya nga nakapasa sa standards ng government agency na kliyente niya.
At sa kakilala ko naman, kung ano ang inaakala niyang gap namin at sama ng loob ko sa kanya, iisa lang ang kahulugan noon—guilt. Dahil alam niya, sa naging business deal nila ni Atty., kami ng layout artist ang nagdusa.
Ngayon, tuwing nagkikita kami ng layout artist ay natatawa na lang kami sa aming naging karanasan. Hindi na ‘kako kami makakapasok sa Malakanyang dahil umatras na si Sen. Chiz sa pagkapresidente—at pansamantalang iniwan ang pangakong bagong umagang darating sa 2010.
Off-topic, kung tumuloy si Sen. Chiz, sa kanya na ang boto ko—kahit hindi ko nakilala si Atty.
At magaan na rin ang pakiramdam ko ngayon, dahil sa ilang buwang nakalipas, parang tsonggong nakasakay sa balikat ko ang bagay na ito—na ngayon ay tuluyan ko nang naipagpag.
Maraming salamat sa pagbabasa ninyo, at pasenya na at kayo ay aking naging sounding board. Sana rin ay maihayag ng mga taong kasama sa kuwentong ito ang kanilang nasa damdamin para naman hindi ang panig ko lang ang inyong marinig. Sana magkalakas sila ng loob na magkuwento rin…
Sunday, December 27, 2009
christmas 2009
MERRY Christmas sa inyong lahat, at Happy New Year na rin!
Masaya at simple kung i-describe ko ang aming Pasko ngayon. Bago ang December 24 ay nag-attend ako sa napakaraming Christmas party at kung anu-anong activities kaya halos walang pahinga. December 23 ay birthday ng misis ko at nagkaroon pa sila ng reunion ng kanyang high school classmates na sa aming bahay ginawa, kaya ang Noche Buena namin ay simple na lang dahil medyo umay pa.
Maging ang gifts ay simple. Nakatanggap ako ng joke book mula sa aking mag-ina. Ang gift ko kay Misis ay mouse para sa kanyang computer. Kay Inez ay USB drive dahil kada semester ay naiwawala niya ang kanyang flash drive. Binigyan ko rin siya ng paborito niyang G-tech pen.
Maaga kaming nagsimba dahil inakala namin na marami kaming magiging bisita, pero maliban sa ilang kamag-anak ay walang masyadong dumating. Kokonti rin ang nagbahay-bahay na mga bata, sa tantiya ko ay limang grupo lang ang dumaan—kaya hindi masyadong nadisgrasya ang inihanda kong mga crisp P20 bills. Maging sa mga inaanak namin ay walang dumating. Marami ang nagsasabing kokonti talaga ang namasko ngayon dahil alam daw na medyo mahirap ang buhay dahil sa mga nagdaang kalamidad.
Well, ilang araw na lang at tapos na ang 2009. Sa pagpasok ng Bagong Taon, dumating din sana sa atin ang maraming positibong pagbabago, at mabawasan na ang maraming pangit at karumal-dumal na pangyayari sa ating bayan. At siyempre, ang pinaka-wish ko bukod sa mga pansarili kong hangarin, sana ay mas maging masigla ang ating comics industry.
Ito ang signature Christmas decor namin simula nang itayo ang bahay namin. Ang tawag namin sa reindeer ay si Olof (the other reindeer).
Simpleng Noche Buena.
Cheesy...
Hawig, di ba?
O, mas hawig?
Masaya at simple kung i-describe ko ang aming Pasko ngayon. Bago ang December 24 ay nag-attend ako sa napakaraming Christmas party at kung anu-anong activities kaya halos walang pahinga. December 23 ay birthday ng misis ko at nagkaroon pa sila ng reunion ng kanyang high school classmates na sa aming bahay ginawa, kaya ang Noche Buena namin ay simple na lang dahil medyo umay pa.
Maging ang gifts ay simple. Nakatanggap ako ng joke book mula sa aking mag-ina. Ang gift ko kay Misis ay mouse para sa kanyang computer. Kay Inez ay USB drive dahil kada semester ay naiwawala niya ang kanyang flash drive. Binigyan ko rin siya ng paborito niyang G-tech pen.
Maaga kaming nagsimba dahil inakala namin na marami kaming magiging bisita, pero maliban sa ilang kamag-anak ay walang masyadong dumating. Kokonti rin ang nagbahay-bahay na mga bata, sa tantiya ko ay limang grupo lang ang dumaan—kaya hindi masyadong nadisgrasya ang inihanda kong mga crisp P20 bills. Maging sa mga inaanak namin ay walang dumating. Marami ang nagsasabing kokonti talaga ang namasko ngayon dahil alam daw na medyo mahirap ang buhay dahil sa mga nagdaang kalamidad.
Well, ilang araw na lang at tapos na ang 2009. Sa pagpasok ng Bagong Taon, dumating din sana sa atin ang maraming positibong pagbabago, at mabawasan na ang maraming pangit at karumal-dumal na pangyayari sa ating bayan. At siyempre, ang pinaka-wish ko bukod sa mga pansarili kong hangarin, sana ay mas maging masigla ang ating comics industry.
Ito ang signature Christmas decor namin simula nang itayo ang bahay namin. Ang tawag namin sa reindeer ay si Olof (the other reindeer).
Simpleng Noche Buena.
Cheesy...
Hawig, di ba?
O, mas hawig?
Tuesday, December 22, 2009
dante barreno
IPINAKITA sa akin ni Mang Nestor Malgapo ang illustrations ni Dante Barreno ng isang kuwentong sinulat ko para sa Philippine Adventures and Romance Comics at nagulat ako sa naging execution. Ang nasabi ko na lang, "Mukhang nasabik si Dante na magdrowing uli."
Isa si Dante sa mga illustrator noon na gamay na gamay kung paano bibigyang-buhay ang aking mga kuwento. Nagkaroon kami ng nobela, ang "Sa Ngalan Ng Anak" at hindi mabilang na short stories. Sa mga nagdaan kay Mang Nestor ay marami ang nagsasabing si Dante ang pinakamalapit ang mga pigura--although sa ngayon ay kitang-kita na ang talagang nakakuha sa hagod ng maestro ay ang kanyang anak na si Novo.
Anyway, dahil sa nakita kong illustrations ni Dante (na hindi ko puwedeng ilagay sa blog na ito dahil hindi pa napa-publish) ay nagplano ako na sa kanya ibigay ang isang script na inihanda ko sa Komikon 2010 para sa second issue ng Comicspotting.
Sana ay maging maganda ang budget ko next year para bukod kay Dante ay may iba pang illustrator mula sa old industry akong makatambal sa mga darating pang Komikon.
Ang image sa ibaba ay isang pahina ng naging tandem namin noon ni Dante.
Isa si Dante sa mga illustrator noon na gamay na gamay kung paano bibigyang-buhay ang aking mga kuwento. Nagkaroon kami ng nobela, ang "Sa Ngalan Ng Anak" at hindi mabilang na short stories. Sa mga nagdaan kay Mang Nestor ay marami ang nagsasabing si Dante ang pinakamalapit ang mga pigura--although sa ngayon ay kitang-kita na ang talagang nakakuha sa hagod ng maestro ay ang kanyang anak na si Novo.
Anyway, dahil sa nakita kong illustrations ni Dante (na hindi ko puwedeng ilagay sa blog na ito dahil hindi pa napa-publish) ay nagplano ako na sa kanya ibigay ang isang script na inihanda ko sa Komikon 2010 para sa second issue ng Comicspotting.
Sana ay maging maganda ang budget ko next year para bukod kay Dante ay may iba pang illustrator mula sa old industry akong makatambal sa mga darating pang Komikon.
Ang image sa ibaba ay isang pahina ng naging tandem namin noon ni Dante.
Friday, December 11, 2009
Friday, December 4, 2009
kapamilya service award
ISA ako sa mga recipient ng ABS-CBN Kapamilya Awards noong November 26 na ginanap sa Studio 10 ng network. Nakalimang taon na pala ako sa pagiging associate editor ng The Buzz Magasin (na ganito na rin katagal sa circulation).
Matagal na akong nagtatrabaho pero ngayon lang ako tumanggap ng service award kaya medyo special ito sa akin. Nakadalawang taon ako sa Caltex Philippines as maintenance techinician, one year sa Sanitary Wares Manufacturing Corporation as a production worker, seven years sa Atlas Publishing as editor (na kailangan ay 10 years na sa serbisyo bago makatanggang ng award), one year sa Star Cinema as member of the project development group, 1 year sa ABS-CBN Publishing nang mag-publish ng pocketbooks, 1 year sa Corazon Puiblishing (na di na ako sumama nang lumipat sa Bulacan), 2 years sa Manila Times as opinion and literary editor ng Kabayan and Metro News, at 2 years sa Risingstar Publishing.
Ang pinakamahaba kong record ay sa Atlas Publishing, na kung saka-sakali at makatatawid pa ako ng panibagong 5 years sa ABS-CBN ay posible kong malampasan.
Eleven years ko nang hawak ang The Batangas Post pero hindi ko naman ikino-consider na regular employment, at ang mga kontribusyon ko sa dyaryong ito ay ipinadadala ko lang thru e-mail.
Nang magsara ang department namin noong year 2000 sa ABS-CBN ay nangarap akong makabalik muli rito. Marami kasi akong naging trainings/seminars mula sa kanila na parang di ko naman nagamit, at ibang publications pa ang nakinabang. Kaya nang tawagin uli ako nila noong 2003 ay hindi ako nag-atubiling bumalik para naman makapagbayad ng utang na loob.
Special din sa akin ang award na ito dahil sa naging relasyon ko sa The Buzz Magasin. Nang simulan ito, kokonti lang ang naniniwala na magiging successful. Maging ang editor-in-chief noon, akala raw niya ay dalawang isyu lang at mawawala na. Isa ako sa matibay ang paniniwala na magtatagumpay ito, at sa kasalukuyan, masasabi kong nasa Top 3 ito ng mga magasin sa Pilipinas in terms of circulation.
Sa mga original staff ng The Buzz Magasin ay ako na rin lang ang natitira. So far, sa nakalipas na limang taon ay naka-2 managing editors na kami, bakante pa ngayon ang EIC post, 6 na art directors, apat na editorial assistants. ‘Yung puwesto ko na lang ang di pa napapalitan—at huwag naman muna sana dahil nag-e-enjoy pa nga ako.
By the way, masaya ang naging selebrasyon hosted by Vice Ganda, Pinky Webb and Atom Araullo. Sayang at wala kaming masyadong photos dahil hindi nakarating ang aming photographer na nagkataong may assignment kaya nagkasya na lang kami sa cellphone cam. Personal kaming kinamayan on stage ng mga big boss headed by Gabby Lopez and Charo Santos-Concio.
Bukod sa mala-red carpet treatment ay nag-perform din ang ilang talent ng Kapamilya at pinaka-outstanding para sa akin ang number ng ASAP sessionistas at ni Arnel Pineda. Nakakasabay ko sa elevator si Arnel kung minsan and I’ll admit hindi niya ako masyadong fan. Pero nang marinig ko siyang mag-perform nang live, malupit, pang-world class nga.
Nagkaroon din ng saglit na katahimikan para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Nagtapos ang okasyon sa napakasarap na kainan.
May nagtanong sa akin kung may kasama raw bang cash ‘yung plake. Opo, meron… pero sa akin na lang ‘yun!
(Sa loob ng Studio 10 kung saan ginanap ang awarding. Isa sa mga bihirang pagkakataon na ako, sabi nga ni Kenkoy, ay isputing.)
(Ang dalawa pa sa staff ng The Buzz Magasin na tumanggap din ng service award, managing editor Athena 'Tintin' Fregillana at ang aming art director na si Willy Dizon.)
Saturday, November 28, 2009
kuwento ng mga balasubas
NOONG bago tumanggap ng pension ang aking mga biyenan ay tinulungan ko sila na makapagpatayo ng maliit na tindahan para may pagkakitaan at paglibangan. Alam naman ninyo ang mga retirado, pag napaupo na sa bahay at napasarap na walang ginagawa ay tuloy na sa panghihina at kalaunan ay magpapaalam na sa mundo.
Pareho na silang mid-60s pero malalakas pa naman ang katawan. At mas lalo silang nabanat nang magtindahan na paano nga’y laging nakilos at paminsan-minsan ay nagbubuhat nang hindi naman kabigatan gaya ng mga bote ng softdrinks, at mga paninda kapag namimili.
Palibhasa’y noon lang nakapagtindahan, kapag tinatanong ko kung kumusta ang kita ay napapangiti lang ang aking biyenang babae. Okey raw sana—pero maraming mangungutang.
Sabagay, kahit saang lugar ka magtindahan, laging may mangungutang—at karamihan sa mga utangerong ito ay balasubas.
Sabi ko sa kanila ay huwag nang magpautang. Hindi ‘kako baleng walang benta pero hindi rin naman umalis ang puhunan. Pag kasi utang, nawala na nga ang paninda, hindi pa alam kung kailan magbabayad ang nangutang. Maghintay na lang ‘kako ng mainam na costumer. Saka pag talagang firm sila sa hindi pagpapautang, mapipilitang dumukot sa bulsa ang mga mangungutang kapag kailangang-kailangan ang gustong bilhin.
Kaya naglagay ang biyenan ko ng malaking karatula na, “Hindi na po nagpapautang, nauubos ang puhunan.”
Paminsan-minsan kapag wala akong pasok o ginagawa ay tumatambay ako sa tindahan at tinitingnan ko ang operasyon. Napansin ko na kahit nagdudumilat na ang paunawa na bawal na ang mga balasubas, este, mangungutang, ay may nagpipilit pa rin. Kapag ganoon ay itinuturo ako ng biyenan ko at sasabihing, “Ayaw nang magpautang ng manugang ko, siya ang namumuhunan.”
Pero mabait ang biyenan ko kaya tiyak na pag-alis ko sa tindahan, babalik pa rin ang balasubas, este, ang nangungutang.
At may style na bulok naman ang ibang mamimili, alam n’yo ba? Bibili halimbawa ng nasa pakete na mantika, mamaya ay isosoli at maanta (spoiled) na raw. Pero kung papansinin mo, malaki na ang kulang sa pakete. Ang hula ko, kumuha lang ng gagamitin sa pamprito at saka isosoli ang natira at sasabihing maanta na. Ganoon din sa sitsirya. Kapag nakain na ang kalahati ay ibabalik at makunat na raw. Hindi nauubusan ng paraan sa panloloko ang mga balasubas!
Kaya gumawa uli ng karatula ang biyenan ko: “Bawal nang magsauli ng binili!”
Noong isang araw ay muntik na akong hindi nakapagpigil at muntik nakapanampal dahil na naman sa isang kabalasubasan na aking nasaksihan. May dumating na babae at kumuha (take note: hindi niya sinabi ang salitang ‘pabili’ o ‘pagbilhan’) ng kalahating kaha ng sigarilyo. Nang maibigay ng biyenan ko ay saka sinabing, “Mommy (Mommy ang tawag sa kanya ng mga customer), mamaya na po ang bayad nito. Mamaya pa kasi ako makakasingil sa ipinaglabada ko. Gusto kasing magsigarilyo ng mister ko ay wala pa kaming pera. Nag-iinit pa naman ang ulo noon pag nagpabili ng yosi at hindi ko nabigyan.”
Para akong nakakain ng taba ng baboy na may swine flu at agad akong na-high blood sa aking narinig! Hindi ko kasi nagustuhan ang kanyang linya ng argumento. Ibig sabihin, ang tindang sigarilyo ng biyenan ko na uutangin niya ang sagot para hindi mag-init ang ulo ng kanyang mister? Napakasuwerte naman ng lalaking iyon, samantalang ang mga biyenan ko’y kandakuba sa pagbawi sa puhunan para sa kakarampot na tubo!
Bago nakapayag ang aking biyenan ay inagaw ko sa babae ang sigarilyo. Sabi ko, “Wala kaming pakialam sa init ng ulo ng mister mo. Hindi na kami nagpapautang. At hindi kami nagtitinda para maging solusyon sa kahunghangan ng mister mo. Kung mainit ang ulo niya at wala siyang masigarilyo, problema niya ‘yun!”
Hinihintay kong sumagot ang babae nang pabalang. Sa unang pagkakataon, kahit ako’y maginoo (ne medyo bastos) ay baka makapanakit ako ng babae. Salamat na lang at pagkatapos niyang magulat sa pagsabat ko ay umalis na lang at hindi na umangal.
Alam kong hindi naging komportable ang aking biyenan sa naging sitwasyon. Pero maige na iyon kaysa maloko na naman siya. Nang itanong ko kung sino ang bumibili na iyon, taga-kabilang kalye raw na talagang napakasutil mangutang, hindi na lang niya matanggihan.
Palagay ko ay mapapadalas ako sa pagtambay sa tindahan. Palagay ko rin, malao’t madali ay mapapaaway ako kapag may nakatapat akong medyo may sayad din sa utak.
No problem. Kung minsan, kailangang ipakita sa ibang tao, lalo na sa mga hunghang, na pumapalag tayo para mabawasan ang kanilang pambabalasubas.
Wednesday, November 18, 2009
Sunday, November 8, 2009
Huwag maglagay ng pressure sa sarili
NATURAL sa tao ang magtampo. At kapag nagtatampo ay nakapagbibitaw ng mabigat na salita—o banta. Ang mahirap, kapag nakapagbitaw na ng ganitong salita, ang pressure ay nasa iyong sarili na.
Gawin nating halimbawa ang isang kilala kong personalidad. Features editor siya ng isang babasahing pambabae na napakasikat. Global brand ang nasabing women’s magazine kaya naman nang ilabas dito sa Pilipinas ay natangay ng kasikatan nito ang sinasabi kong personalidad kaya naging kilala na rin ang pangalan niya sa publishing industry at maging sa entertainment world. Karamihan kasi sa mga cover niya ay mga celebrity na sikat.
Minsan ay nagkaroon sila ng argumento ng kanyang editor-in-chief at ng publisher dahil menor de edad ang celebrity na napisil niyang gawing cover story at interbyuhin para sa isang particular issue. Ang nasabing celebrity ay unti-unti nang nagkakapangalan noon sa showbiz at pinalalabas na hindi na menor. Pero aware ang EIC at ang publisher sa totoong edad ng celebrity.
Matigas sa kanyang paninindigan ang features editor na magamit na cover story ang menor de edad. Aniya ay kaya niyang lusutan iyon, at kung magkaroon man ng isyu o eskandalo, mas mapag-uusapan ang magasin at siguradong papatok lalo ang benta.
Ngunit mas takot ang publisher sa posibleng maging indulto, lalo na kung matawag ang pansin ng Department of Social Welfare and Development. Ang ginawa ng EIC at ng publsiher, kahit nasa imprenta na ang deadline ng magasin ay ipinabago pa rin sa ibang staff ang cover at inalis sa feature sa loob ang menor de edad.
Na-offend ang features editor at nasaktan ang ego. Agad siyang nag-resign at nagbanta: Maglalabas umano siya ng panibagong women’s magazine at pababagsakin niya ang dating magasin na pinaglilingkuran.
Dahil kilala na nga siya sa industriya ay madali siyang nakakuha ng financier para sa plano niyang bagong women’s magazine. Nakakuha siya ng staff at nabuo ang kumpanya. Sa unang tingin ay nasa pagsasakatuparan siya para sa banta na pababagsakin ang dating employer. Ngunit makalipas ang tatlong issue ay nagsara rin agad ang magasin dahil nainip ang financier sa return of investment, at nalakihan masyado sa overhead.
Bigo ang features editor sa kanyang banta. At dahil alam niyang nakarating sa dating employer ang nangyari sa kanyang project—lalo lang nasugatan ang kanyang ego.
Kamakailan ay nakuha uli siyang features editor sa isa pang lifestyle magazine kasi nga ay ito ang kanyang expertise. Ang masaklap, mukhang bago matapos ang 2009 ay magsasara na rin ang nasabing title. Gusto kong isipin kung ano ang pakiramdam niya ngayon. Ilang taon na ang nakararaan, ang kanyang banta sa dating employer ay nananatili pa ring walang katuparan.
Ito ang sinasabi ko—huwag nating lagyan ng pressure ang sarili natin kung tayo man ang nasa ganitong sitwasyon.
Marami na akong napanggalingang kumpanya. Ang ilan ay tinanggal din ako sa samutsaring kadahilanan. Sumasama ang loob ko pero hindi ako nagbabanta.
Ang pilosopiya ko, aalis ako na wala silang maririnig sa akin. Ngayon, kung may magandang mangyari sa akin sa aking panibagong tour of duty, sampal sa kanila iyon. Pero hinding-hindi ako nagbibitaw ng salitang gaya nang may ibabagsak ako, o may pagsisisihan sila sa pagtatanggal sa akin. Mahirap na.
Isa pa, ugaling bata naman iyon. Para bang dahil hindi ka naisali sa laro ay sasabihan mo ang ibang bata na, “Sige, bibili ako ng kendi hindi ko kayo bibigyan!”
Kung may kakayahan tayo, alam natin iyon sa ating sarili. Masibak man tayo sa trabaho kahit hindi natin kasalanan o dahil ipinaglaban lang natin ang ating karapatan, humayo tayo na walang galit sa dibdib. Magsimula tayo ng panibago na walang pabigat sa kalooban. Walang pressure. Ang oportunidad ay mas naghihintay sa mga nagpapakababa.
Sunday, November 1, 2009
cmma best komiks story - 1990
MARAMING salamat kay Erwin Cruz sa pagbibigay sa akin ng images ng kuwentong ito na sinulat ng dati kong kasamahan sa Atlas Publishing na si Benjie P. Valerio (nagtuturo ngayon sa KSA). Ang kuwentong ito ay nagtamo ng Unang Gantimpala sa Catholic Mass Media Awards bilang Best Komiks Story.
Na-publish ito noong December 1990 sa Pilipino Komiks, edited by Tita Opi (Ofelia Concepcion) and illustrated by Jess Olivarez. Sa okasyong ito ay pinarangalan na rin ng CMMA ang mga illustrator. Kung ano ang award na makuha ng writer ay iyon din ang igagawad sa illustrator. Isa ang CMMA sa unang kumilala sa husay ng mga taga-komiks, writer man o dibuhista.
Noong huling yugto ng dekada 80 at hanggang sa mag-resign siya noong mid-90s ay kinikilala si Ka Benjie bilang pinakamahusay na writer sa komiks, at hanggang ngayon, lalo na 'yung mga nakaabot pa ng kanyang kuwento ay natatandaan pa ang kanyang estilo. Mahusay siya sa mga neo-realism, at ang kanyang mga akda ay laging suportado ng mga datos na maingat niyang sinasaliksik.
Mapapansin din sa kuwentong ito ang pagiging relevant kahit halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang malathala ito--pagpapatunay lang na karapat-dapat sa parangal na ibinigay ng CMMA.
At bilang patunay sa husay ni Ka Benjie, ang alam ko, bukod sa kuwentong ito ay dalawang kuwento pa niya ang naging finalist sa CMMA sa kasabay na taon.
Naririto ang buong kuwento:
Na-publish ito noong December 1990 sa Pilipino Komiks, edited by Tita Opi (Ofelia Concepcion) and illustrated by Jess Olivarez. Sa okasyong ito ay pinarangalan na rin ng CMMA ang mga illustrator. Kung ano ang award na makuha ng writer ay iyon din ang igagawad sa illustrator. Isa ang CMMA sa unang kumilala sa husay ng mga taga-komiks, writer man o dibuhista.
Noong huling yugto ng dekada 80 at hanggang sa mag-resign siya noong mid-90s ay kinikilala si Ka Benjie bilang pinakamahusay na writer sa komiks, at hanggang ngayon, lalo na 'yung mga nakaabot pa ng kanyang kuwento ay natatandaan pa ang kanyang estilo. Mahusay siya sa mga neo-realism, at ang kanyang mga akda ay laging suportado ng mga datos na maingat niyang sinasaliksik.
Mapapansin din sa kuwentong ito ang pagiging relevant kahit halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang malathala ito--pagpapatunay lang na karapat-dapat sa parangal na ibinigay ng CMMA.
At bilang patunay sa husay ni Ka Benjie, ang alam ko, bukod sa kuwentong ito ay dalawang kuwento pa niya ang naging finalist sa CMMA sa kasabay na taon.
Naririto ang buong kuwento:
Tuesday, October 27, 2009
konting tulong para kay tony mongcal
SI Tony Mongcal ang may-ari ng place sa may Roosevelt (near Pantranco) na laging pinagdarausan ng miting at reunion ng mga komikero. Dati siyang letratista sa komiks at kapatid ni Jomari Mongcal. Na-admit siya sa hospital ngayon at medyo nangangailangan ng ating konting tulong. Sana makatulong tayo dahil malaki ang naibahagi niya sa pagkakasama-sama at pagkikita-kitang muli ng mga taga-komiks, at pagkakakilala ng mga luma at bagong komikeros.
Puwede kayong mag-text kay Rey Bendicio sa numero 09206311711 kung paano maipahahatid sa kanyang pamilya ang anumang tulong.
Si Mang Tony ay "TM" kung aming tawagin.
Wednesday, October 21, 2009
the buzz magasin nov. '09 issue at komikon
OUT na sa market ang November 2009 issue ng The Buzz Magasin, and though alam ko na lagi naman kaming sold out, sana this time ay makabili rin kayo kasi nagdagdag kami ng print copies. Ang kikitain po ng isyung ito ay gagamitin bilang pantulong sa mga kababayan natin na napinsala ng mga nakaraang bagyo.
Isang special article din ang sinulat ko na kasama sa isyung ito na tungkol sa naging karanasan ng kaibigan natin at kapwa taga-komiks na si Bb. Glady Gimena na isa sa mga hinagupit ni Ondoy ang tahanan. Napakaespesyal ng karanasan ni Glady sapagkat nagpapatunay lang iyon sa kasabihang “Faith can move mountains.”
Bago kasi ang pagdating ni Ondoy ay nagkita-kita kami nina Glady kasama ang iba pang katropang romance writers sa Gateway, Cubao. Ang sasaya pa namin noon, but a week later ay ang hirap nang alalahanin ng mga masasayang kuwentuhan dahil sa mga naganap. Anyway, nakapaloob iyon sa article, at ang kuwento ni Glady might as well renew your relationship with the Creator.
MASAYA naman ang ginanap na Komikon last October 18 sa Megamall. Masaya dahil lahat nang nagbenta ng kanilang komiks ay hindi umuwing luhaan dahil maganda ang kita. Salamat sa mga kaibigan at hindi kakilala na bumili ng “Comicspotting” dahil nakabalikat ko kayo sa pagbibigay ng kaunting tulong sa mga na-Ondoy. At sana na-enjoy n’yo naman ang komiks para hindi lugi.
Dahil sa magandang simula, I might abandon the Filipino Komiks title (though nasa akin ang copyright) for the meantime and will concentrate on “Comicspotting”. Mas maganda ang vibes ko rito.
Congratulations kina Hazel Manzano at Gio Paredes na nanalo ng awards.
Saludo naman ako kay Gerry Alanguilan at sa mga bumubuo ng Komikon sa napakagandang event na ang layunin bukod sa pagpapasigla sa komiks industry ay makatulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
(Magkakasama kami sa mesa nina Omeng Estanislao, ako, Ner Pedrina at Aries Mendoza. Salamat sa napakahusay na si Carlo Pagulayan para sa picture.)
(Nagsadya pa sa Komikon si Arman Francisco para makiisa at makipagkuwentuhan sa mga dating kasamahan sa komiks.)
Isang special article din ang sinulat ko na kasama sa isyung ito na tungkol sa naging karanasan ng kaibigan natin at kapwa taga-komiks na si Bb. Glady Gimena na isa sa mga hinagupit ni Ondoy ang tahanan. Napakaespesyal ng karanasan ni Glady sapagkat nagpapatunay lang iyon sa kasabihang “Faith can move mountains.”
Bago kasi ang pagdating ni Ondoy ay nagkita-kita kami nina Glady kasama ang iba pang katropang romance writers sa Gateway, Cubao. Ang sasaya pa namin noon, but a week later ay ang hirap nang alalahanin ng mga masasayang kuwentuhan dahil sa mga naganap. Anyway, nakapaloob iyon sa article, at ang kuwento ni Glady might as well renew your relationship with the Creator.
MASAYA naman ang ginanap na Komikon last October 18 sa Megamall. Masaya dahil lahat nang nagbenta ng kanilang komiks ay hindi umuwing luhaan dahil maganda ang kita. Salamat sa mga kaibigan at hindi kakilala na bumili ng “Comicspotting” dahil nakabalikat ko kayo sa pagbibigay ng kaunting tulong sa mga na-Ondoy. At sana na-enjoy n’yo naman ang komiks para hindi lugi.
Dahil sa magandang simula, I might abandon the Filipino Komiks title (though nasa akin ang copyright) for the meantime and will concentrate on “Comicspotting”. Mas maganda ang vibes ko rito.
Congratulations kina Hazel Manzano at Gio Paredes na nanalo ng awards.
Saludo naman ako kay Gerry Alanguilan at sa mga bumubuo ng Komikon sa napakagandang event na ang layunin bukod sa pagpapasigla sa komiks industry ay makatulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
(Magkakasama kami sa mesa nina Omeng Estanislao, ako, Ner Pedrina at Aries Mendoza. Salamat sa napakahusay na si Carlo Pagulayan para sa picture.)
(Nagsadya pa sa Komikon si Arman Francisco para makiisa at makipagkuwentuhan sa mga dating kasamahan sa komiks.)
Friday, October 16, 2009
Habol sa Komikon 2009!
LAST minute habol ito para sa Komikon 2009 this coming Sunday, October 18 sa Megamall. Napakarami nating mga kasamahan na taga-komiks na gustong tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy, at nakaka-guilty naman kung hindi ako makikiisa sa kanila.
Walang masyadong bagong materials pero mukhang kokonti pa naman ang nakakabasa ng mga kuwentong kasama sa issue na ito; 32 pages, 3 illustrated stories and 1 prose story.
Ang mapagbebentahan ay idodonasyon ko na rin sa kung anumang charity works ang gagawin ng mga organizers ng Komikon. Kung magkano ang benta, diretso na sa donation box iyon. Hindi ko na rin kukunin kung magkano ang nagastos ko sa materials and printing. So, I hope you guys will buy. Enjoy na sa komiks, nakatulong pa kayo sa ating mga kababayan.
Maraming salamat sa mga tumulong sa akin sa pagbubuo ng isyung ito: Novo Malgapo, Philip Cruz, Con Reyes, Aaron JP Almadro, Omeng Estanislao, Gener Pedrina, and to my The Buzz editor Tintin Fregillana and dear friend Jing Palatao (mga backup ko sa pagpapa-print). Special thanks goes to Mang Nestor Malgapo for allowing me to use one of his topnotch artworks for the back cover.
By the way, magkakasama muli kami sa table nina Ner Pedrina at Rommel ‘Omeng’ Estanislao.
Suportahan po natin ang Komikon at lahat ng mga comics creators.
Friday, October 2, 2009
Monday, September 21, 2009
Thursday, August 20, 2009
kuwentong starbucks
BAGONG dating mula sa abroad si Benjie at makalipas ang dalawang linggo na pakikipag-bonding niya sa asawa’t mga anak ay nagpasya siyang mamasyal naman na mag-isa at makita ang mga pagbabago sa paligid. Isa siyang English teacher sa Saudi Arabia at tuwing bakasyon ay maikli lang ang oras na nailalaan niya sa mga lakad na solo siya. Ginagawa niya iyon para makapagmasid-masid naman sa mga pagbabago sa kanyang bayang sinilangan—kung meron man.
Madalas ay sa mga mall siya nagtatambay. Patingin-tingin ng mga naka-sale na items, scan ng books sa bookstores, tumitiyempo na sana’y may makasalubong na kakilala o dating kaopisina. Pag napagod ay tumatambay siya sa paborito niyang coffee shop at nanonood ng mga naglalakad na tao. Ikinukumpara rin niya ang sitwasyon niya sa ibang bansa kumpara kapag naririto siya, at ang pagkakaiba ng mga gawi ng tao at kultura.
Nasa ganoon siyang pagdidili-dili habang humihigop ng paborito niyang kape nang may lumapit sa kanyang binatilyo na medyo effeminate ang kilos. Naasiwa siya sa walang pasintabi nitong pag-upo sa table niya, at ngumiti nang matamis. Kung bakla ito at kursunada siya, medyo kinilabutan siya. Mid-40s na siya at kakatwa naman kung sa edad niyang ito ay saka pa siya makukursunadahan ng bading—at teenager pa.
Sumimangot siya para ipahalata rito na nabuwisit siya. Para namang hindi apektado ang teener at nagsalita: “Sir, may ilang bagay lang po akong itatanong. Makatutulong po iyon sa inyo.”
Kumunot ang kanyang ulo. May itatanong raw at makatutulong sa kanya. Ano kaya iyon?
Nagpatuloy sa pagtatanong ang teener. “Katoliko po ba kayo? Kasi po may mga ipinamimigay kaming pamphlet para sa ikaliligtas ng inyong kaluluwa.”
Muling kumunot ang kanyang noo. Hindi naman sa pagyayabang ay uliran siyang ama at asawa. Nagsisikap siya para maitaguyod ang pamilya. Sumusunod siya sa 10 Utos ng Diyos. Matapat siyang mamamayan ng Pilipinas. Hindi siguro siya santo pero hindi naman siya alagad ng demonyo. At ngayon, heto ang isang kabataan at bibigyan siya ng pamphlet para maligtas ang kaluluwa!
Napahigop siya sa kape at tuluyang uminit ang ulo. At kung bakit bigla siyang naging pilosopo. “Wala akong relihiyon. Ngayon, tapos na ba ang itatanong mo?”
Akala niya ay matatakot ang teener sa kanyang pagtataas ng boses pero hindi. Sa halip, “Ah, ganoon po ba. Eh, Sir, kung hindi puwede sa inyo ang pamphlet namin, may ibinibenta akong ballpen na magagamit n’yo. Ninety pesos lang po ito. Sige na, Sir…”
Lalong uminit ang ulo niya. Sabi na nga ba’t doon pupunta ang sitwasyon—na aalukin siya nito ng kung anong merchandise. At nang tingnan niya ang ballpen, tigsasampung piso lang ‘yun sa tindahan ng Muslim.
Muli niyang tiningnan ang teener para kagalitan at sibugin. Ganito kasi ang style ng mga nanraraket. Kaya nga kanina pa niya hindi binibitawan ang kanyang cup ay baka mahulugan nito ng kung anong pills at mawalan siya ng malay tapos ay kunin ang kanyang mga gamit. Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay may kung anong pinong kurot siyang naramdaman sa kanyang puso.
Kasing-edad ito marahil ng kanyang panganay. Mukhang mahirap lang, mahahalata sa mga suot nito sa katawan. Mahahalata rin na disente namang bata at hanapbuhay lang talaga ang pagbebenta ng “mamahaling ballpen” na iyon. Para siyang kinurot sa puso dahil naisip niya kung ano kaya at hindi siya nakakapag-abroad? Magkakasya kaya sa kanilang mag-anak ang kikitain niya rito? Nasa kolehiyo na ang panganay niya, para may pandagdag sa allowance, gawin din kaya nito ang ginagawa ngayon ng teener na kaharap niya kung di niya ito nasusuportahan nang maayos?
Nasa mukha ng teener ang matinding pakiusap na kunin niya ang ballpen. Ngunit may panuntunan sa buhay si Benjie na hindi siya bibili ng isang bagay na hindi niya pakikinabangan. At isa pa, mas magaganda pa ang ballpen niya kaysa fake na ballpen na lako ng teener.
“Nakatikim ka na ba ng Starbucks?” tanong niya rito.
Ngumiti ang teener. At minsan pa’y nakita ni Benjie ang sinseridad sa mga mata nito nang mangusap: “Hindi pa po…”
Huminga siya nang malalim. “Hindi ako interesado sa pamphlet mo at lalong hindi ako interesado sa ballpen mo. Pero dahil mukhang mabait ka, gusto kong magkaroon ka naman ng bagong karanasan ngayon. Halika… magkape ka.” Inaya niya itong tumayo.
“Naku, hindi na po! Nakakahiya naman po!” tanggi ng teener.
“Kanina nakiupo ka sa table ko. Ngayon, ako naman ang pagbigyan mo,” sabi niya rito at hinila patungo sa counter.
Nang nasa counter na ay hindi malaman ng teener kung ano ang gagawin. Seryoso ba ang mamang ito na sa pagpapakape? Paano kung hindi magbayad? Kung gusto lang magpahiya ng tao dahil naistorbo?
Naramdaman ni Benjie ang pag-aatubili ng teener kaya siya na ang umorder para rito—ang pinakamahal na kape, at malaking sukat. Ikinuha rin niya ito ng dalawang cookies. Takeout.
Nang magbayad siya at iabot sa teener ang takeout ay parang hindi pa rin ito makapaniwala. At dama niya sa boses nito ang katapatan nang bigkasin ang: “Maraming salamat, Sir. Hindi pa nga ako nag-aalmusal…”
Nginitian niya ito at parang may bumara sa kanyang lalamunan. Tinapik niya ito sa balikat na para bang sinabi niyang no problem. Enjoy the coffee and the cookies, dude.
Hindi na ito naupo sa table niya at magalang na nagpaalam. Tinatanaw pa ito ni Benjie habang papalayo; sumisipsip ng kape at cookies na hindi na banyaga ngayon sa taste buds nito. Kung kailan iyon mauulit, hindi alam ng teener. Hindi rin alam ni Benjie kung sa mga susunod na pagkakataon ay ganito pa rin siya ka-generous.
Bakit?
Dahil may ibang mga tao na dapat mag-provide sa mga kabataang ito ng hanapbuhay. O edukasyon—sa halip na maglako sila ng religious flyers at ballpen na made in China. May mga taong dapat mag-provide sa kanila ng almusal—hindi ‘yung ganitong sa isang masuwerteng pagkakataon ay may nagpatikim ng Starbucks.
Sinu-sino ba ang mga taong ‘yun?
Sila ‘yung mga kayang maghapunan sa halagang isang milyon…
(NOTE: This is a true story with few modifications for literary purposes.)
Saturday, August 15, 2009
para kay tita cory
PARA sa dakilang dating pangulong Corazon A. Aquino, ang September 2009 issue ng The Buzz Magasin ay dedicated sa kanya ang halos 60% ng mga nilalaman. Mababasa rito ang mga kaganapan sa kanyang mga huling sandali sa mundo, mga anekdota ng mga taong nakasalamuha niya, ang diary ni Ms. Kris Aquino na nagdedetalye ng maraming bagay ukol sa relasyon nilang mag-ina, ang mga anak at apo ng yumaong pangulo, at ang madamdaming pamamaalam niya sa mga Pilipinong hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay sinabi niyang "worth it" na pag-alayan ng lahat sa kanya.
Binabati ko ang aking mga kasamahan sa The Buzz Magasin sa pagtataguyod nila sa isyung ito. Of late ay lagi na naman tayong sold out, pero itong "Cory issue" ay produkto ng inyong paghihirap kaya para sa inyo lang ang kredito. Congrats!
Out na po ito this week, bumili agad kayo bago kayo maubusan.
Wednesday, August 5, 2009
omeng sa metro komikon
PAKISUPORTAHAN po ninyo ang kaibigan kong si Omeng sa darating na Metro Komikon ngayong Sabado at Linggo sa Megamall. Magmula nang sumali siya sa comics convention ay nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa paggawa ng komiks.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.
Rommel 'Omeng' Estanislao
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.
Ang comics niya at mga pendants.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.
Rommel 'Omeng' Estanislao
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.
Ang comics niya at mga pendants.
Wednesday, July 29, 2009
toklat
HINDI panot o ukab sa buhok ang sinasabi kong Toklat. Isa siyang askal (asong kalye) na bagong alaga ng aking mga kapitbahay.
Medyo nagtataka siguro kayo kung bakit ang sabi ko ay bagong alaga ng aking mga kapitbahay at hindi kapitbahay o partikular na isang tao lang. Mahilig kasing mag-alaga ng mga askal ang mga kapitbahay ko pero ayaw nila ng responsibilidad. Ibig sabihin, kung may asong pakalat sa kalye ay okey lang na pakainin nila, palakihin at kung malaki na, may okasyon at napagtripan—puwedeng pulutan.
‘Yun ang malungkot.
Anyway, si Toklat ay isa sa mga naging anak ng alagang aso ng pinsan ng misis ko. Ang nanay niya, na tawagin nating si Apol, ay nakatali lang sa ilalim ng isang puno ng abandonadong barangay hall at kung sinu-sino rin ang nagpapakain. Nang mabuntis si Apol ay nakaligtas siya sa pagiging kaldereta. Nanganak siya ng anim na kyut na tuta, isa na rito si Toklat.
Pinakapangit at pinakamaliit si Toklat sa magkakapatid at binigyan ko siya ng pangalang Toklat dahil panot o kalbo ang balahibo niya malapit sa buntot—isang deficiency ng mga tuta na kulang sa vitamins, o posible ring dahil sa bulate. Ito rin ang naging tawag sa kanya ng lahat. Nang nakakalakad na sila, napansin kong kahit pangit ay siya ang pinakamalambing at mukhang matalino. Kapag wala akong ginagawa ay lumalabas ako para silipin ang mga tuta. Madalas lumapit sa akin si Toklat, at kahit pangit ay medyo nilalaro ko nang konti. Napansin kong lumalaki ang panot niya sa may likod kaya inisip kong siguro ay hindi siya magtatagal. Gayunpaman, hanggang sa may humingi na sa ibang tuta ay buhay pa rin siya. Naturalmente, dahil sa kanyang hitsura ay walang nakagusto sa kanya.
Nang maiwan siya ay nasolo niya ang pagdede kay Apol kaya hindi nakapagtatakang lumusog si Toklat at unti-unting nawala ang panot. Kuminis na rin ang balahibo. Dahil nagkaroon ako ng fondness sa kanya ay lagi ko siyang binibigyan ng ‘treat’ (matigas na pagkain ng aso) para maupod ang mga ngipin niya. Basta nakita niya ako, alam niyang it’s chowtime. Iba rin ang respond niya sa akin kumpara sa ibang kapitbahay ko—salamat sa treat.
Gusto ko na sana siyang iuwi sa bahay pero sabi ng misis ko ay hindi na siya handa sa panibagong pet dahil dalawa na ang aso namin. Nakita ko rin na delikado si Toklat sa dalawang mongrels ko dahil minsang sumunod siya sa akin, at palibhasa’y maliit pa ay nakalusot sa gate, nahabol siya ng dalawa naming alaga at muntik nagulpi. Mabuti na lang at nakatakas.
Minsan na dadalhan ko siya ng treat ay hindi ko makita. Nang hanapin ko, sabi ng isang kapitbahay ko ay nasa bahay nila dahil nasagasaan. Doon daw nahiga at hindi na niya pinaalis. Na-shock ako. Tinanong ko ang lagay. Baka raw mamatay. Pilay na pilay raw. Talop ang buong katawan. Kita ang buto sa kanang paa.
Maging ako ay kinilabutan nang makita ko siya sa kawawang histura. Para siyang karneng may balahibo! Halos two months old pa lang siya kaya durog halos ang paa sa hulihan. Nakadapa siya at nang makita ako ay sumigla ang mga mata, pero halatang-halata ang sakit na nararamdaman. Bahagya kong hinipo ang paa niyang halos durog at hinimod niya ang kamay ko na parang nahingi ng saklolo. Muli, naisip ko, hindi magtatagal ang tutang ito.
Iniabot ko sa kanya ang treat pero hindi niya kinuha. Isinubo ko sa kanya pero hindi niya kinagat. Iniinda niya ang sakunang inabot. Mas gusto niyang hinihimod ang napakalaking sugat.
Sabi ng isang kapitbahay ko ay gagaling daw naman siguro dahil hindi sa ulo ang disgrasya. Ganyan naman ang aso, sabi pa niya, alam gamutin ang sarili.
Sana nga, naisip ko, dahil hindi ko rin maako ang responsibilidad na maipagamot siya. Kinuskos ko na lang ang ulo niya. Sorry, Toklat, sana nga ay maka-survive ka.
Naging busy ako at laging umaalis kaya hindi ko na nabalitaan ang nangyari sa kanya. Nakita ko na lang na nakakalakad na uli siya kahit paika-ika. Tuwang-tuwa nang lumapit sa akin. Sinilip ko ang sugat niya, kita pa rin ang malaking bahagi ng buto pero naghihilom na. Binigyan ko agad siya ng treat, at binanatan niya iyon na sabik na sabik. That’s great, doggie.
Magaling na magaling na si Toklat ngayon at binatilyo na. Makinis at mukhang magiging malaking aso. Paborito siya ng mga tambay sa amin dahil maamo. Noong isang araw ay nagdedebate pa sila kung kaninong birthday matotoka si Toklat. Ang lagay pala ay kandidato talaga siya na makaldereta.
Dalawang beses ko nang inabandona ang kaligtasan ni Toklat at sa pagkakataong ito ay nagi-guilty na ako. Sana ay nagbibiro lang ang mga tambay sa amin na sa kanilang mga bituka nakatakdang humimlay nang todo ang kawawang aso. Kung hindi naman, may paraan para mapigil ko sila nang hindi ko kokontrahin ang kanilang trip.
Next week ay schedule ng bakuna ng dalawa kong mongrel. Plano kong pabakunahan din si Toklat kahit anti-rabies lang. Kapag nalaman ng mga kapitbahay ko na medyo namuhunan na ako sa kanya kahit konti, malaki ang posibilidad na makaligtas siya na maging pulutan.
(Si Toklat habang naglalamiyerda sa aming barangay. This photo, taken by me, also appears in my DA account, entitled 'I Am Legend'.)
Monday, July 13, 2009
MAYROON akong Facebook account pero ginawa ko lang yata ito nang ma-invite ni Ner, pero hindi ko naman ginagamit at ni wala akong entry. Marami akong natatanggap na invitation pero hindi ko na po ina-accept kasi inactive naman ang account ko, with three photos courtesy of Ner. Dito lang po ako active sa blogspot, and a little bit sa DA. :)
Sunday, July 5, 2009
super...
Thursday, June 18, 2009
mula sa blog ni randy valiente...
... isang napakalaking pagkakataon para sa mga aspiring artists na gustong mahasa ang talento. Ang pinakasubok nang Pinoy instructional materials pagdating sa comics illustration:
http://usapang-komiks.blogspot.com/2009/06/comics-illustrating-by-nestor-malgapo.html
http://usapang-komiks.blogspot.com/2009/06/comics-illustrating-by-nestor-malgapo.html
Wednesday, June 17, 2009
BFFs
TUWING Martes at Huwebes ay mag-isa akong naglalaro ng basketbol sa court malapit sa aming barangay hall. Natuklasan kong sa mga ganitong araw ay bakante ang court. Pa-shoot-shoot nang konti, patakbu-takbo para pawisan. Ito na ang pinaka-workout ko bukod sa pagti-treadmill at pagbubuhat ng medyo hindi kabigatan na dumbbells.
Malaki na rin ang ipinagbago ng aking physical abilities. Hindi na ako nakatatalon nang mataas na gaya nang dati. Hindi na rin ako ganoon kabilis tumakbo. Nasa akin pa rin naman ang aking shooting skills pero hindi na ako puwede sa pisikal na laro kaya nga pinili kong maglarong mag-isa. Mahirap mabalya at mabalian ng buto, mababawasan ang kita lalo na kung ang mga daliri ko ang mapipilayan.
May mga pagkakataon na kapag nakapagpapawis ako after two hours ay may mga dumarating para maglaro. Kung minsan ay niyayaya nila ako pero sinasabi kong magpapahinga na ako at marami pa akong gagawin. Ang totoo ay umiiwas na lang ako dahil baka mapagtawanan lang ako. Ang huling pagkatanda ko na naglaro ako ng basketbol sa liga ay halos 8 taon na ang nakalilipas. Mas madalas akong nakaupo kaysa nasa loob ng court—na hindi nangyari sa akin noong 20s pa ako. Naramdaman kong laos na ako at hindi na dapat magpumilit pa.
Anyway, kapag nagpapawis ako sa court ay kumpleto pa rin naman ako sa getup para hindi mahalatang laos na. Dinadaanan na lang sa porma.
Isang umagang naglalaro ako ay may dumating na apat na batang lalaki na hindi ko kilala. Mga edad 10-11 siguro sila at medyo magkakahawig. Mga payat at mukhang makukulit. Kung puwede raw silang makisali sa pagsu-shooting ko. Sige ‘kako, pero hindi na rin naman ako magtatagal at aalis na ako.
Habang naglalaro kami; kakampi ko ang isa at tatlo naman sila sa kabila, ay nag-enjoy na ako sa paghabul-habol sa kanila kapag nagdidribol, at ganoon din naman kapag sila na ang aagaw na bola sa akin. Natawa pa ako sa sarili ko nang maisip kong ang abilidad ko ngayon sa pagbabasketbol ay pang-10 years old na lang. “Bukas uli, Kuya, laro tayo…” sabi nila nang magpaalam na ako. Sinabi ko naman sa kanila kung anong araw ako nasa court.
Naroon nga sila nang magbalik uli ako sa court after two days. At mga nakauniporme pa. Nang maglaro kaming muli saka ko na-realize na sa edad nila ay mahuhusay na silang magbaketbol na hindi ko napansin noong unang araw na maglaro kami. Nagpustahan kami ng isang litrong softdrinks, at para ma-motivate sila ay nagpatalo ako. OK, siguro ay talagang talo nila ako. Matapos ang laro ay nagpunta kami sa malapit na tindahan para ma-claim nila ang kanilang premyo. Noon ko lang naitanong ang mga pangalan nila at edad. Tama ako na mga 11 years old lang sila. Sa malapit din lang sa amin sila nakatira. Sabi ko ay bakit parang hindi sila pamilyar sa akin. Mga bagong lipat lang pala sila na magpipinsan.
Iniwan ko sila habang pinagpipiyestahan ang softdrinks.
Mula Abril hanggang nitong June ay kala-kalaro ko sila. Pag wala ako at nasa opisina ay hinihiram na lang nila sa misis ko ang bola. Binibiro pa ako ng asawa ko na nakakita raw ako ng mga bagong BFF.
Minsan matapos naming maglaro ay sinabi ko sa kanila na malapit na ang pasukan, baka paminsan-minsan na lang kami makapaglaro dahil magiging busy na sila sa school. Nagulat ako nang sabihin nilang hindi na sila mag-aaral. Bakit, tanong ko. Lahat pala sila ay papunta na sa US, napetisyon daw ng mga kamag-anak doon.
Noon ko na rin lang sila nausisa kung sinu-sino ang mga magulang nila at saan nagtatrabaho. Nagkatinginan sila at parang biglang mga napahiya. Nakaramdam ako na may konting mali kaya nagtanong uli ako kung bakit.
Ang pinakabibo sa kanila ang nagkuwento na lahat sila ay hindi buo ang pamilya. It’s either walang nanay o tatay. ‘Yung iba, hindi kilala ang ama o ang ina. Ang isa ay ni hindi nakita ang nanay at tatay.
Hindi ko alam kung bakit nalungkot ako. Sa dami ng mga nakakasalamuha kong mga kabataan ngayon, mula sa mga kaopisina, OJTs, at mga nakakakilala sa kung saan-saang online communities, karamihan sa kanila ay miyembro ng broken home. May nagbiro pa nga sa akin na kapag hindi hiwalay ang parents, walang step-mom or step-dad, half-sis or half-brod, step-sis at step-brod ay hindi ka in.
Posibleng ganito na ang pananaw ng maraming kabataan ngayon, ngunit walang makapapantay sa pagkakaroon ng buong pamilya. Posibleng ang debate rito ay buo nga ang pamilya pero parang impiyerno naman ang relasyon, para ano pa? Pero wala na bang magagawang sakripisyo para mabuo ang pamilya? Hindi ba’t sa pagbuo naman ng pamilya at sa pagkakaroon ng mga supling ang pinakapundasyon nito ay pag-ibig at pagmamamahalan? Bakit hindi mapanatiling buo ang pundasyong iyon?
Hindi na ako masyado pang nag-usisa sa mga bata dahil pakiramdam ko ay may nasundot akong sensitibong bahagi sa pagkatao nila. Sabi ko na lang, mag-aral silang mabuti sa States, huwag sayangin ang pagkakataon. Ipagpatuloy ang paglalaro ng basketbol, who knows baka magaya sila sa mga Fil-Ams sa PBA ngayon, ako ang kanilang magiging manager kung sakali. Magpalaki rin ‘kako sila ng katawan at pag mga binata na ay manligaw ng mga blonde na sexy na mala-Paris Hilton. Nagpasigla sa kanila ang huli kong sinabi at nag-apiran.
Isa sa kanila ang napatingin sa suot kong sapatos. Almost four years ko nang ginagamit iyon kaya medyo nakanganga na. “Kuya, padadalhan ka namin ng sapatos,” sabi niya. Na sinang-ayunan naman ng kanyang mga pinsan, “Oo nga, Kuya. Ano’ng size ng paa mo?”
Hindi ako nakapagsalita. That’s sweet.
Noong isang araw ay umalis na ang magpipinsan. Pinanood ko sila habang papasakay sa van na maghahatid sa kanila sa airport. Nilapitan ko at kinuskos sa buhok. Excited na sila sa magiging biyahe, nakikita ko sa kanilang mga mata. “Padadalhan ka namin ng sapatos, Kuya, ha?” ulit nila sa kanilang pangako. Ikinumpas ko naman ang aking kamay na parang sinasabi kong OK lang kahit wala.
I’ll miss my BFFs…
Hindi ko alam kung sa paglipas ng panahon ay maaalala pa nila ako o ang pangako nilang sapatos sa akin. But I’m telling you, mas gusto kong paniwalaan ang pangako ng mga batang iyon kaysa sa pangako sa sambayanang Pilipino ng ating mga pulitiko.
Monday, June 8, 2009
art exhibit
Wednesday, May 20, 2009
Maraming salamat, Gerry... Timawa
SA June 2009 issue ng The Buzz Magasin (out na ngayong May 09) na matutunghayan ang huling labas ng Timawa, created by Gerry Alanguilan. Nalungkot ako nang matanggap ko ang e-mail ng butihing komikero taglay ang files ng huling installment. For almost two years ay naging bahagi ng aking deadline chores sa TBM ang pag-aabang sa bawat isyu ng nasabing comics serial. At ang isipin na magwawakas na pala ito ay gaya rin ng ibang ending ang pakiramdam—emotional.
Iniisip ko noon na siguro aabutin ng at least 30 issues ang Timawa bago magwakas. Pero sa ginawang reformat ng grupo ay nakasama ito sa mga casualty. To be honest, I don’t think it was a good decision, pero hindi ako ang EIC kaya wala akong nagawa.
Maraming salamat kay Ka Gerry sa kanyang naging suporta sa TBM. Nakasama namin siya sa panahon na lumalakad ang magasin sa maraming pagsubok, na nalampasan naman namin with flying colors. Itinuring namin itong lucky charm dahil naging mabenta kami sa advertisers mula nang dumating si Timawa.
Natuwa rin ang aming managing editor sa napaka-cool niyang reply at pagtanggap sa desisyon ng pamamaalam ng Timawa. Sabi ko nga, ang naging interaction ng mga taga-TBM sa sikat na komikero ay nagturo sa amin kung paano maging professional sa pakikipag-ugnayan sa co-worker, at kung paano maging dedicated sa craft.
Kay Timawa, sana makita ko siya sa ibang porma gaya ng graphic novel o kaya’y pelikula—at doon ay makita nang buo kung sino siya, ano siya—at sa malapit na hinaharap ay maging pop icon… gaya ng kanyang creator.
Tuesday, May 19, 2009
komikon may 16 '09
WALA akong nailabas na komiks sa nakaraang Komikon dahil hindi umabot ang mga tinatapos kong titles. Nagbenta na lang ako ng mga art books at comics/graphic novels para naman mapakinabangan ng iba. Siguro sa mga susunod na Komikon ay may bago na akong projects, at hindi na siguro ganoon ka-tight ang aking schedule.
Okey naman ang event at masaya; nagkita-kita ang mga dati nang magkakaibigan at maging ang mga sa chat lang magkakilala. Kita-kita uli tayo sa susunod...
Heto nga pala ang ilang photos sa puwesto namin courtesy of Omeng Estanislao: (www.kidmtbike.multiply.com)
Wala si Omeng, siya ang photographer, e. From left: Jepoy (dating OJT sa ABS-CBN Publishing, Sunshine from ABS-CBN Publishing, Me, Edison from ABS-CBN also pero lilipad na to Canada, at ang nag-iisang sweetheart ni Omeng na si Jo.
Katabi naming table, Love is in the Bag ang komiks nila na masyadong mabenta. Mababait ang tropang ito. :)
Katapat namin si Gio Paredes. Ang lakas din ng benta kaya pagdating sa amin ng bumibili wala nang budget. :(
Subway Productions. Hindi namin sila katabi ngayon pero hinanap ko ang puwesto, bumisita rin siya sa booth namin.
Omeng with his sweetie.
Unmindful ako sa sobrang cheesy na mga katabi ko.
Omeng trying to pitch his comics and merchandise sa isang costumer.
Ako ang unofficial endorser ng Sanduguan T-shirt, ha-ha!
Okey naman ang event at masaya; nagkita-kita ang mga dati nang magkakaibigan at maging ang mga sa chat lang magkakilala. Kita-kita uli tayo sa susunod...
Heto nga pala ang ilang photos sa puwesto namin courtesy of Omeng Estanislao: (www.kidmtbike.multiply.com)
Wala si Omeng, siya ang photographer, e. From left: Jepoy (dating OJT sa ABS-CBN Publishing, Sunshine from ABS-CBN Publishing, Me, Edison from ABS-CBN also pero lilipad na to Canada, at ang nag-iisang sweetheart ni Omeng na si Jo.
Katabi naming table, Love is in the Bag ang komiks nila na masyadong mabenta. Mababait ang tropang ito. :)
Katapat namin si Gio Paredes. Ang lakas din ng benta kaya pagdating sa amin ng bumibili wala nang budget. :(
Subway Productions. Hindi namin sila katabi ngayon pero hinanap ko ang puwesto, bumisita rin siya sa booth namin.
Omeng with his sweetie.
Unmindful ako sa sobrang cheesy na mga katabi ko.
Omeng trying to pitch his comics and merchandise sa isang costumer.
Ako ang unofficial endorser ng Sanduguan T-shirt, ha-ha!
Thursday, May 14, 2009
rommel 'omeng' estanislao's LIPAD
MAGKAKASAMA kaming muli nina Rommel 'Omeng' Estanislao at Ner Pedrina sa darating na Komikon sa Sabado na gaganapin sa UP Bahay ng Alumni. Daan kayo sa table namin at bili kayo ng aming mga paninda.
Pamilyar na ang maraming comics enthusiast sa napakahusay na si Ner kaya medyo ipi-pitch ko muna si Omeng. Kaopisina rin namin siya sa ABS-CBN Publishing at art director sa special projects, creative department. Siya rin ang nagkulay ng ilang kuwento sa Sindak! Horror Magazine.
Ito ang ikatlo niyang taon sa Komikon. Naengganyo ko siyang sumali noong 2007 at sa indie section kami pumuwesto. Inilabas niya ang una niyang komiks, ang Kokoy Kolokoy.
Na-inspire siya sa naging experience sa una niyang pagsali kaya last year ay mas matitindi ang inilabas niyang projects; ang Anak ng Tupang Itim at Hero Ang Bagong Bayani. This year ay ang Lipad naman ang kanyang bagong handog.
Kung nagustuhan n'yo ang mga una niyang komiks, mas lalo ninyong mamahalin ang Lipad.
Bukod sa pagiging comics enthusiast ay marami pang ibang art talent si Omeng. Mahusay siya sa sculpture. Kaya bukod sa komiks ay may tinda rin siyang sariling merchandise ng Anak ng Tupang Itim key chains and pendants. Hahanga kayo kung paano niya nahulma ang napakaliliit na pigura na pang-collector's item talaga.
Kung gusto ninyong makita ang kanyang mga gawa komiks man, sculpture, photography, etc... narito ang kanyang sites:
http://www.kidmtbike.multiply.com
http://www.mengosidescrew.artician.com
Tuesday, May 12, 2009
the buzz magasin's new look
NAGBAGONG-BIHIS ang "Number One showbiz magazine sa Pilipinas" na THE BUZZ MAGASIN ngayong June 2009 issue (out sa market this month, May 2009). Kaalinsabay ito ng gaganaping 10th year anniversary ng The Buzz TV show. Kasama sa isyung ito ang huling labas ng "Timawa" ni Gerry Alanguilan, 4 pages at grabe ang artworks!
Sunday, May 10, 2009
mother's day
MOTHER’S Day ngayon, May 10, 2009. Isa ito sa mga okasyon na nami-miss ko ang aking inay. Too bad na noong buhay pa siya at bata pa ako, ang ganitong okasyon ay hindi pa masyadong hyped. At any rate, ang okasyong ito ay isa sa mga nagpapabalik sa akin sa mga panahon na kasama ko pa siya gaya ng kanyang birthday, Pasko, New Year, at masakit mang sabihin, kapag death anniversary niya saka All Saint’s Day.
Maliit na babae lang ang aking ina at kahit malaking lalaki ang aking ama ay sa kanya siguro ako nagmana ng genes. Ang iba kong kapatid ay malalaki. Puno siya ng energy. Magandang kumanta at kahit mahirap lang ay walang inferiority complex. Marami siyang kaibigan sa aming baryo, at siya’y ate ng mga kapitbahay namin. Kahit noong binata na ako, pag nakahiga ako at kumakanta siya ng mga Tagalog songs, ang bilis kong makatulog. There’s something sa pag-awit niya na pakiramdam ko lagi ay isa akong sanggol na iniuugoy sa duyan.
Fifty-plus na siya nang ipanganak ako, and that qualified me for being a menopausal baby. Sinasabi naman nila ng aking ama na hindi na nila inasahang mabubuo pa ako, but they had fond memories of my childhood. Noong may isip na ako ay lagi nilang ikinukuwento kung paano ako ipinanganak, kailan ako unang lumakad, etc. Palibhasa’y ako na lang ang natitira sa bahay namin ay matiyaga niya akong naturuang bumasa. Kaya noon, kabilang ako sa mga hindi pa nag-aaral ay nakapagbabasa na.
Lumaki akong disiplinado ng mga magulang kaya I’m proud to say na hindi ako nagbigay ng sakit ng ulo sa mga magulang, lalo na sa aking ina. Kabilang pa ako sa henerasyon na ang suweldo ay ibinibigay sa ina pagkatapos bumawas ng konting panggastos. Dahil hirap nga kami sa buhay, natatandaan ko na nalaglag ang luha niya nang iabot ko ang aking unang suweldo. Marahil ay naisip niyang kahit paano, umpisa na iyon ng bahagyang pagbabago sa aming buhay.
Noong hindi pa ako nag-aaral, four years old siguro ako, isang araw ay biglang nahimatay ang aking ina. Nagkagulo ang aming mga kapitbahay at sabi’y kailangan siyang isugod sa ospital. Iyak ako nang iyak ako noon. Bago dumating ang sasakyan na maghahatid sa kanya ay nagkamalay naman siya ngunit mahahalata ang panghihina. Ilang sandali pa ay binuhat siya ng aking ama para dalhin na nga sa ospital. Ipinagbilin na lang ako sa isang kapitbahay na tingnan muna habang wala pa sila.
Nakaupo ako sa aming hagdan habang tinatanaw ko sila. Noon lang nagkasakit ang aking ina kaya nalulungkot ako. Nagulat na lang ako nang maya-maya ay bumalik siya at sa pagtataka ko ay nakalalakad na bagaman at mabagal. Lumapit siya akin at hinaplos ako sa pisngi at pinahid ang luha. “Babalik agad ako,” sabi niya. “Tahan na…” At ipinakita niya sa akin ang hinog na atis na nasa kanyang kamay. “Nakita ko sa daan kanina, hinog na. Baka maunahan ka pa ng ibon. Kainin mo na.” Humalik siya sa akin at nagbalik na sa sasakyan na maghahatid sa kanya sa ospital.
Hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang pangyayaring iyon. Nasa bingit na siya ng kamatayan, hinang-hina, ngunit nang makita ang hinog na na atis posibleng magpasaya sa kanyang bunso ay humugot nang lakas.
Una ko ring nadama ang totoong takot noong araw na inihatid niya ako sa eskuwelahan para mag-grade one. Kasama ang mahigit 20 bata na pawang banyaga sa paningin ko, gusto kong mapaiyak. Nang matapos ang pakikipag-usap niya sa aking guro at ihabilin ako, nang kumaway na siya para iwan ako, pakiramdam ko’y gumuho ang mundo. At nang uwian na, pagkarating sa bahay nang makita ko siyang muli ay parang dantaon kaming hindi nagkita at agad akong yumakap sa kanya. Ayaw kong mag-aral, sabi ko sa kanya. Ngunit sabi niya, “Kailangan, anak. Kailangan mong mag-aral para sa pagtanda mo.”
Mahilig siya sa radio at telebisyon kaya naman basta nagkakapera ako ay iyon ang regalo ko sa kanya, sa kanila ng aking ama. Iyon kasi ang wala kami noon kaya marahil nasa mga ganoong gamit ang kanyang passion.
May mga pagkakataon din na nagkaroon kami ng pagtatalo ngunit hindi nauuwi sa mabigat na komprontasyon. Marahil ay bahagi na lang ng aking paglaki na magkaroon kami ng magkaibang opinion sa iba’t ibang bagay. Sa pangkalahatan, laging ang suporta niya ay aking naaasahan.
Pinakamasakit na bahagi ng aking buhay ang pagpanaw ng aking ina. Natatandaan ko isang araw bago siya namatay ay iniabot niya sa akin ang titulo ng aming lupa. Bahala na raw ako para sa aking mga kapatid. Lagi siyang nakahawak sa aking kamay na parang ang batang akay niya noon sa palengke at baka mawala habang siya’y namimili. Panay ang pisil niya sa aking pisngi; alam niyang hindi na magbabalik ang mga ganitong sandali. Ako naman ay naubos na ang luha sa mga mata. Sa nakita ko sa kanyang kaanyuan, handa na siya sa pagharap sa Maykapal, at sa muling pagkikita nila ng aking ama.
Kabibili ko lang sa kanya ng bagong radio noon. Hindi niya inaalis sa kanyang tabi at kahit siguro hindi na niya nauunawaan ang pinakikinggan, gusto pa rin niyang ipakita sa akin kung paano niya pinahahalagahan ang regalo ng kanyang bunso.
Sa pagkakataon ding iyon ko nakita kung gaano kagiting ang isang ina. Kung nang iwan niya ako sa silid-aralan sa unang pagkakataon na puno ng takot sa katawan at halos mapaiyak, ang mga mata naman niya’y nagbabadya ng tapang at kahandaan sa kanyang pamamaalam sa mundo. Marahil ay dahil batid niyang naging makahulugan at makabuluhan ang kanyang naging paglalakbay.
Humingi ako ng tawad sa aking ina bago siya binawian ng buhay. Marahil ay naging mabuti akong anak ngunit pakiramdam ko ay marami pa rin akong kasalanan sa kanya. Ganoon pala iyon, ang pagiging anak, kahit gaano ka kabait, hindi maikukumpara kahit tuldok lang sa pagnanais mong huwag mawalan ng ina. At kahit gaano mo pala napasaya ang iyong ina, balewala iyon kapag alam mong malapit na siyang mawala, Walang hihigit sa mundo kundi ang pagkakaroon ng mga magulang… ng isang ina.
Happy Mother’s Day , Inay. Binabati ko rin ang lahat ng nanay. Kayo ang the best. At sa mga anak na mayroon pang ina, nakaiinggit kayo… sa araw na ito ay kapiling ninyo ang pinakadakilang regalo na mayroon sa mundo.
Monday, May 4, 2009
busy lang po...
MASYADO lang pong natambakan ng trabaho, at kagaya ng pusa sa bintana ay sinusubukan kong tumanaw sa ibang perspektiba ng buhay. May mga bagong challenges na dumating at medyo kailangan kong tutukan at unti-unti pa akong nag-a-adjust. Sana ay okey kayong lahat. Magkita-kita po tayo sa darating na Komikon sa May 16 sa UP Bahay ng Alumni.
Subscribe to:
Posts (Atom)